cheeezy,

Literary (Submission): G-Tec

10/26/2018 08:03:00 PM Media Center 0 Comments




2017 October 26

Sa taong humiram ng G-tec ko,

Naaalala mo pa ba nang hiniram mo ang G-tec ko? At sinabing "Sorry, nakalimutan ko ‘yung akin pero thank you!" Hindi mo alam kung gaano ako kasaya nang ako'y niligon mo at kinausap. At sa mga panahon na iyon, lingid sa iyong kaalaman, nakalimutan ko ang aking pangalan. Ang makapagsalita at kung paano huminga dahil matagal na akong may gusto sa ‘yo. Kung alam mo lang na ako ay nagnanakaw—nagnanakaw ng mga titig sa tuwing magkaharap tayo. Ang mga ngiti’y hindi ko mapigilang maiukit sa aking labi dala ng kilig sa tuwing nasusulyapan kita kahit na sa malayo.

Hindi naglaon, mas nakilala pa kita't naging matalik tayong magkaibigan. Habang unti-unti kong kinakabisado ang mga hilig at ayaw mo, ang oras ng paggising at pagtulog mo, at ang iskedyul ng mga gawain mo. At dahil diyan, inasar nila tayo, at sa sobrang pang-aasar nila—

Nahulog ako.

Kaya ngayon hindi lang ang G-tec ko ang naipahiram ko, pati na rin ang aking puso. Ngunit ipinahiram ko sa ‘yo nang hindi mo hinihingi. Ipinahiram ko nang di mo gaanong kailangan. Ipinahiram ko nang hindi mo handang alagaan. Kaya ito'y nabasag at nadurog sa aking tuluyang pagkahulog.

Kung sinabi ko kaya sa ‘yo, may magbabago? Sasaluhin mo kaya ako?

Ngunit kahit anong gawin ko, hindi mo masusuklian ang pagmamahal ko. Siguro dahil sa di mo alam na mahil kita at may mahal kang iba. Mga mahal mong sinasaktan at iniiwan ka lang na luhaan. Ngunit kung sakali na sa akin mo ipinahiram ang puso mo, buong-buo ay hindi ko aaksayahin ang pagkakataong ipagkakatiwala mo. Ito ang pinakamahalagang bagay na puwede mong ipahiram sa akin. Kung sakaling ako’y pinili mo ay pipiliin ko ring alagaan at pahalagahan ang pagmamahal mo.

Sana ako na lang. Sana ako na lang ang piliin mo. Sana tayo na lang ang mayroon sa mundo. Pero hindi kita masisisi at hindi ko mapipilit ang ayaw at hindi puwede.

Hiniram mo ang G-tec ko at hindi mo alam na kasama noon ang puso ko. Mahal pa rin kita kahit na lahat ng mga ito ay mga nakaw na sandali. Panandaliang kasiyahan sa pangmatagalang hinanakit. At kung sakali mang oras ay ibabalik, wala akong babaguhin; wala akong ipagpapalit. Hahayaan kong paulit-ulit mong hiramin ang G-tec ko. Hahayaan kong paulit-ulit mong paasahin itong aking puso. Okey lang sa akin na maranasan lahat ng sakit kahit na kailangan ko pang bilangin nang paulit-ulit: ang mga luhang hinayaan kong pumatak mula sa aking mga mata, o ang mga beses na napagod na ako't nagpahinga. Hahayaan kong magpakatanga ako't umasa dahil alam kong sa dulo ay makakabangon muli. Alam kong may hangganan ang lahat at matatanggap ko rin ito nang buong-buo. Matatanggap kung hanggang saan lang talaga tayo.

Bago ko rin pala makalimutan, salamat sa lahat—sa oras at atensyon lalo na noong ako'y nagkasakit, sa lahat ng saya at pait, sa lahat ng ngiti't luhang hindi ko na maibabalik, at sa lahat ng natutunan ko sa pag-ibig nang dahil sa ‘yo.

At huwag kang mag-alala, walang magbabago. Ako pa rin ang iyong matalik na kaibigan, at kung kailangan mo lang ulit hiramin ang G-tec ko, lumingon ka lang, ibibigay ko sa ‘yo.

You Might Also Like

0 comments: