dama de noche,

Literary (Submission): Manunulat

10/26/2018 08:00:00 PM Media Center 0 Comments




Ako’y isang manunulat, manunulat ng bayan, na laging pinapatahimik at laging sinisita. Ayaw ko sanang makigulo ngunit hindi ko mapigilang magsalita.

Matagal tayong nagbulag-bulagan sa mga pangalan ng mga namatay na mababasa sa diyaryo, sa mga bilang ng napatay na mapapanood sa balita.

Matagal tayong nagbingi-bingihan, sa mga putok ng baril, sa mga iyak ng nangungulilang ama, ina, at pamilya.

Siguro’y simula pa lang ay hindi na kayo interesado sa sulating ito, ngunit hindi naman puwedeng hayaan ko lang na ganito. Ako’y isang manunulat, manunulat ng bayan. Ayaw kong manahimik at sasabihin ko ang katotohanan. Dapat nating marinig, dapat nating makita. Dapat tayong magising sa bangungot na ito, alam naman nating hindi dapat tayo pinagsasamantalahan.

Ako’y isang manunulat, manunulat ng bayan, na sinasabing hindi dapat bastang pinapatay ang walang kasalanan. Ipinagkatiwala ang baril sa kanila para tayo’y protektahan, pero hindi – pinatay, binaril, paulit-ulit, isang bala ang pinakawalan, isang buhay ang nasayang. Bata, matanda, babae, lalaki, wala silang pakialam, basta’t may baril sila’t may kapangyarihan.

Ako’y isang manunulat, manunulat ng bayan, na sinasabing hindi dapat natin sisihin ang biktima. Kahit nakapantalon o bestida man siya. Ako’y isang manunulat, na nagsisilbing boses, sa mga babaeng ang nais lamang sabihin na kahit anong suot nila, kahit anong oras man sila umuwi, o kahit saan sila dumaan, ay wala silang kasalanan.

Ako’y isang manunulat, manunulat ng bayan, na nagsusulat tungkol sa ating lipunan. Binoto at pinili natin sila upang mamuno, gumawa ng pagbabago, ngunit hindi nila masabi, hindi nila maaamin, kung ilang buhay na ang kinitil nila? Ang sabi’y wawakasan ang kahirapan, bibigyan ng bagong pag-asa. Paano na ang pag-asa kung lahat ng mamamayan ay pinatay na nila?

Ako’y isang manunulat, manunulat ng bayan at kailanman hindi na ako mananahimik, dahil mas mabuti na ang katotohanan kaysa sa katahimikan.

You Might Also Like

0 comments: