news,

Grado 12, dumalo sa Data Privacy Seminar

10/19/2018 07:39:00 PM Media Center 0 Comments

SAMA-SAMA. Nagtipon para sa isang litrato ang buong Batch 2019 at kanilang mga guro kasama ang tagapagsalitang si Bb. Meking matapos ang seminar. Photo Credit: Emmanuel Verzo
Dumalo ang buong Grado 12 (Batch 2019) sa Data Privacy Seminar noong Setyembre 27 sa University of the Philippines Integrated School (UPIS) Audio-Visual Room (AVR) bilang paghahanda sa kanilang internship.

Naglahad si Bb. Hazel Meking ng UP Diliman Data Protection Office ng ilang batas at prinsipyo tungkol sa Republic Act 10173 o ang Data Privacy Act of 2012.

Ang talakayang ito ay nagsilbing paghahanda tungkol sa mga dapat at hindi dapat gawin sa mga impormasyon na malalaman ng mga mag-aaral sa loob ng kanilang internship sites. Nabanggit din sa talakayan ang karampatang parusa sa mga lalabag sa batas na ito.

"Natutunan ko ang kahalagahan ng [pagpoprotekta] ng private info ng isang tao na pinagkatiwala sa college o company na [pagtatrabahuhan] ko as well as ‘yung tiwala na binigay ng college o company sa akin. Dahil mahilig tayong mag-post ng kung ano-ano sa social media for aesthetics o to show off, or makipagkuwentuhan sa friends natin, dapat maging extra careful tayo na wala talagang madudulas na private info, lalong-lalo na kung walang consent ng may-ari ng data na ‘yon. [Of] course ayaw ko magkaroon ng kaso just because [I] was careless. Dapat lagi ring careful and always ask kung important and relevant ‘yung mga nanghihingi ng info. And most importantly ask our supervisors kung di talaga tayo sure sa sitwasyon, wala kasi tayong authority to make decisions dahil interns pa lang tayo," sabi ni Nicole Desierto ng 12-Kalayaan matapos ang isinagawang talk.

Sa dulo ng talakayan ay nagsagawa rin ng open forum kung saan nakapagtanong ang mga estudyante tungkol sa mga sitwasyong maaari nilang kaharapin sa kanilang mga napiling internship sites.

“Nalaman ko na noon[g] hindi ko pala alam ang data privacy... nagagawa ko ang mga bagay na maaari ko palang ikakulong. Nalaman ko rin na may tamang paraan pala kung paano maiwasang labagin ito,” sabi ni Lance Julia ng 12-Katapatan, isa sa mga estudyanteng nagtanong sa nasabing open forum.

Ayon naman kay Ron Castro ng 12-Karunungan, “Mas naging aware ako sa mga karapatan ko bilang isang tao, bilang isang user ng social media. Sa panahon ngayon na naglalagay tayo ng personal na data sa internet, alam man natin o hindi, maaari ‘yung magamit laban sa 'yo o para sa ikasasama mo.” // nina Yssa Luna at Rain Grimaldo

You Might Also Like

0 comments: