filipino,

Literary (Submission): Magtanim Ay Di Biro

10/26/2018 08:56:00 PM Media Center 0 Comments




Ang magtanim ay hindi biro, para sa aming nabubuhay sa trabahong ito.

Sa bawat pagtanim, ang pamilya ko ang naiisip ko. Una ay ang mapagmahal kong asawa na si Nelia na laging nag-aasikaso ng pambayad sa tubig, kuryente, at iba pang mga bayarin sa bahay. Hindi siya nagkulang sa akin at masasabi kong maaruga at responsable siya sa aming pamilya. Gayon din si Nanay Dahlia na iniintindi ang panggastos ng kakainin naming lahat. Araw-araw nagluluto siya upang magkaroon ng laman ang aming mga sikmura. Naglalako rin siya ng bibingka, puto, at iba pang kakanin upang makatulong sa pag-iipon. Pati na rin sina Jason at Jun-jun na parehong nag-aaral. Ang pagtatrabaho ko naman ay para sa mga proyekto at baon nila sa eskuwelahan. Masipag silang mag-aral, madalas ay kasama sila sa top 10 kaya nasisiguro kong may mararating sila sa buhay.

Oo, ako mismo ay nahihirapan na. Bilang nag-iisang may trabaho sa aming pamilya, kayod-kalabaw ako upang kumita ng pera. Halos araw-araw na akong nagtatanim, ngunit sa paglipas ng araw, padagdag nang padagdag ang presyo ng mga bilihin. Naiisip ko, baka kailangan mas marami pa akong itanim upang tumaas ang aking makuhang sahod.

Isang araw habang ako’y nagpapahinga at nagkakape, napaisip ako, tama pa kaya ang aking ginagawa? Ang patuloy na magtanim upang ang pamilya ko’y mabuhay? Bigla akong sinampal ng realidad na mahirap ang buhay, dapat ipagpasalamat ko na lang na kumikita ako upang masustentuhan ang pangangailangan ng pamilya ko.

Naghanda na ako, suot ko ang aking uniporme at dumiretso na ako sa aking trabaho. Panibagong araw, panibagong trabaho, marami pa pala akong itatanim sa araw na ito.

“PO1 Sarmiento, may napatay kaming dalawang menor de edad sa buybust operation. Taniman mo na.”

Suot ang gloves, binunot ko sa aking bulsa ang dalawang pakete ng shabu at isang de kalibreng baril. Nilagay ko ito nang dahan-dahan sa kamay ng dalawang bata. Siniguro kong mukha itong dala nila bago sila napatay.

“Okay na po, Boss.”

“Salamat. Nasa balita na naman ito mamaya. Palalabasin nating nanlaban ang dalawa. Quota na tayo, panigurado ipo-promote na tayo nito. Dagdag-sahod!”

Agad kong binaba ang telepono at tiningnan ang dalawang batang nakahandusay sa kalsada. Pilit kong kinukumbinsi ang sarili na nanlaban ang dalawang ito. Ngunit hindi, inosente ang dalawang ito.
Sa hirap ng buhay, hindi na lang kanin ang dapat kainin upang manatiling buhay. Minsan kailangan mo na ring lunukin ang sariling prinsipyo upang buhayin ang pamilya mo.

You Might Also Like

0 comments: