feature,
Pagabi na nang tawagin ako ng aking nanay. “Anak! Alas-seis y medya na! Umuwi ka na dito!” Lumitaw na ang buwan at sumisigaw na siya dahil maghahapunan na kami. Pagbalik ko, ako’y madungis at mabaho pero nakangiti. Isang masayang araw na naman sa labas kasama ng aking mga kaibigan. Bahagyang nakasimangot ang aking nanay habang pinupunasan ang aking pisngi. Sa sala, nakita kong nakaupo ang aking lolo sa sofa. Ang sabi niya, “Mabuti at umuwi ka na. Kung hindi, huhulihin ka ng aswang.”
Sa kasalukuyang panahon kung kailan lunod tayo sa teknolohiya at siyentipikong impormasyon, bihira na nating nababalikan ang ating pagkabata. Kadalasa’y nakatuon na tayo sa hinaharap at nakakaligtaan ang ating pinanggalingan. Ngunit kung gugunitain, isa sa mga ginamit sa atin ng mga magulang natin upang tayo’y tumino at umuwi nang maaga ay ang mga halimaw—samu’t saring nilalang na kanilang ikinukuwento sa atin upang tayo’y umasal nang tama. Naaalala mo pa ba sila?
Duwende
“Tabi, tabi po.”
Sa tuwing ikaw ay dadaan sa kakahuyan o may malalakaran na punso, pasasabihin ka ng “Tabi, tabi po” upang magbigay-respeto sa mga duwende. Kapag kasi nakaligtaan mo, isusumpa ka nila at bibigyan ng sakit. Mukha silang matatandang may taas ng isang Grado 3. Malaki ang ulo, mata, ilong, bibig, kamay, at paa pero maliit ang braso’t binti. Nakatira daw sila sa ilalim ng lupa at lumalabas tuwing tanghali o paglubog ng araw. Hindi sila nakikita ng tao kaya minsan ay nasasaktan sila ng iba, kahit hindi sinasadya. Kaya kailangan mong mag-ingat sa iyong mga ikinikilos dahil hindi mo alam kung sino ang iyong inaapakan.
Napagtanto ko lang na hindi talaga sila totoo noong ikinuwento ko ito sa isa kong kaibigan at aniya: “Paano mo nasabi na may malaki siyang mata pero hindi naman pala siya nakikita?” Hindi ako nakasagot, Nursery pa lang ako noon, e. Pero hanggang ngayon ay nagta-“Tabi, tabi po” pa rin ako.
Manananggal
Isa siyang babaeng nag-iiwan ng kaniyang kalahating katawan at ililipad ang pantaas na kalahati upang mas mabilis makahanap ng biktima. Ang manananggal ay mahilig kumain ng lamang-loob, lalo na ng mga bata, “mga batang makukulit,” ‘ika ni Lolo.
Sinabing lumilipad sila nang mataas at kapag nakakita sila ng biktima ay lilipad sila pababa rito at saka ito lalamunin. Pupunitin ang balat gamit ang kanilang matatalas na kuko, kukunin ang iyong puso, atay, baga, at iba pang lamang-loob at saka ngunguyain gamit ang matatalas na ngipin. May iba namang nagsasabi na naghahanap sila ng butas sa bubong o bintana saka doon pararaanin ang kanilang mahabang dila. Iyon ang gagamitin nila upang higupin ang iyong mga lamang-loob o kaya ay ang sanggol sa sinapupunan ng isang nagdadalang-tao.
Malaki ang bintana noon ng aming bahay kaya para hindi niya ako makita, kailangan kong matulog nang maaga. Pero noong nag-aral na ako ng body systems, nalaman kong hindi naman talaga sila totoo. Paano ipoproseso ng kaniyang katawan ang kaniyang kinain kung ang kalahati ng kaniyang digestive system ay nasa ibang lupalop? Bagamat ako’y mulat, sinisigurado ko pa rin na sarado ang bintana ng aking kuwarto bago ako matulog. Mabuti na ang maingat.
Kapre
Higanteng mama siya na nakaupo sa taas ng puno. Kasing-itim ng gabi ang kaniyang balat at nangingibabaw ang puti ng kaniyang mga mata. Naninigarilyo siya ng tabakong hindi nauupos at humihinga ng napakakapal na usok. Ang mga kapre ay tahimik na nagmamasid mula sa kanilang kinalalagyan at hinihintay na ikaw ay magulat. Sabi ng aking lolo, lahat daw ng taong natatakot kapag nakakita ng kapre ay nababaliw o nasisiraan ng bait. Bilang sila ay maitim, magugulat ka na lang kapag nakita mo ang kanilang mga matang nakatitig sa ’yo at saka ka nila bubugahan ng usok sa mukha.
Kaya kapag tumitili ang aking mga pinsan dahil sa kung anumang kadahilanan ay kadalasang nasasabihan ng: “Hala? Nakakita ng kapre?”
Sinabi sa akin ng lolo na hindi raw dapat ako matakot sa gabi kung ayaw kong mabaliw. Lumalayo na rin ako sa mga naninigarilyo para ligtas talaga.
Aswang
“Kukunin ka ng aswang.”
“Kakainin ka ng aswang.”
“Tatangayin ka ng aswang.”
“Huwag kang pumunta d’yan, may aswang d’yan.”
“Hindi ka na makakauwi kapag nakuha ka na ng aswang.”
Isa sa mga pinakasikat na panakot sa mga bata ay ang aswang. Kung tutuusin, wala naman itong tiyak na panlabas na anyo pero kapag sinabi ang pangalan, alam mong isa itong nilalang na dapat na iniiwasan. Kadalasang babaeng may mahabang buhok at duguang mukha ang anyo nito. Maaari din namang babaeng nakaitim at ubod ng puti ang balat. Sinasabi na mayroon daw silang matatalas na ngipin para mangain. Ang ‘aswang’ ay kadalasang ginagamit na panakot upang umuwi na ang bata galing sa maghapong paglalaro. O pumirmi lamang sa isang lugar. O kaya ay umasal nang maayos.
“Kapag hindi ka nag-behave, kukunin ka ng aswang.”
Hindi naman na tayo natatakot sa mga ganitong klaseng nilalang. Pero hindi maipagkakaila na malaki ang naging bahagi nila sa ating paglaki, lalo na sa pagiging mabuting mga bata. Ang mga bagay na bagamat hindi mo nakikita ay hindi ibig sabihin na ieetsapuwera mo na lamang. Maaari ka kasing makasakit ng iba. Dapat maging mapagmatyag ka sa iyong kapaligiran dahil hindi lang ikaw ang nilalang sa mundong ibabaw. Bukod dito, nagtuturo din ang mga pambihirang halimaw ukol sa ating kaligtasan. Ang mga halimaw noon na may mga pangil, pakpak, at pinaghating katawan ay nag-iba na ngayon ng anyo. Sila ay mukha na ngayong karaniwang tao, nakabihis nang maayos, iginagalang ng lahat, pero nag-uumapaw sa masamang intensyon. Mataas man ang posisyon o kapareho mo lamang, nagkalat sa ating paligid ang mga may maiitim na balak at gawain na tunay na pumipinsala sa mga tao, gaya ng halimaw. Pero sa kabila noon ay dapat tayong maging matapang. Ang mga halimaw na ito ay hindi inaasahan pero hindi tayo dapat matakot. Dahil tao lang din sila at kaya mo silang labanan.
Iba na ang mundong ating ginagalawan. Mas malawak na ito at hamak na lamang ang dating bakuran o kalsadang pinaglalaruan. Pero huwag nating kaliligtaan ang ating mga natututunan sa ating pagkamusmos dahil madadala natin ito hanggang sa ating pagtanda.//ni Wenona Catubig
Feature: Mga pambihirang halimaw
Pagabi na nang tawagin ako ng aking nanay. “Anak! Alas-seis y medya na! Umuwi ka na dito!” Lumitaw na ang buwan at sumisigaw na siya dahil maghahapunan na kami. Pagbalik ko, ako’y madungis at mabaho pero nakangiti. Isang masayang araw na naman sa labas kasama ng aking mga kaibigan. Bahagyang nakasimangot ang aking nanay habang pinupunasan ang aking pisngi. Sa sala, nakita kong nakaupo ang aking lolo sa sofa. Ang sabi niya, “Mabuti at umuwi ka na. Kung hindi, huhulihin ka ng aswang.”
Sa kasalukuyang panahon kung kailan lunod tayo sa teknolohiya at siyentipikong impormasyon, bihira na nating nababalikan ang ating pagkabata. Kadalasa’y nakatuon na tayo sa hinaharap at nakakaligtaan ang ating pinanggalingan. Ngunit kung gugunitain, isa sa mga ginamit sa atin ng mga magulang natin upang tayo’y tumino at umuwi nang maaga ay ang mga halimaw—samu’t saring nilalang na kanilang ikinukuwento sa atin upang tayo’y umasal nang tama. Naaalala mo pa ba sila?
Duwende
Photo Credit: Cyrille Villanueva |

0 comments: