alex yangco,

Buwan ng Wika at Kasaysayan, muling ipinagdiwang

10/31/2018 07:31:00 PM Media Center 0 Comments


Kaiba sa nagdaang dalawang taon, ngayong 2018 ay nagsanib muli ang Sangguniang Pangwika, Kilusang Araling Panlipunan, Departamento ng Sining ng Komunikasyon–Filipino, at Departamento ng Araling Panlipunan sa pangunguna sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kasaysayan sa University of the Philippines Integrated School (UPIS) mula Agosto 14 hanggang Setyembre 21.


Ayon sa Proklamasyon Blg. 1041 na nilagdaan noong 1997 ni dating Pangulong Fidel Ramos, dapat magsagawa ng taunang selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto. Pinagtibay ang proklamasyon dahil ang wika ay pangangailangan sa komunikasyon at kaunlaran ng bansa, at nakatalaga sa ating Saligang Batas ang pagpapahalaga sa ating katutubong wika.


Tema ng pagdiriwang ang “Kasaysayan at Wikang Filipino: Paghubog ng Kamalayan para sa Makataong Lipunan” na layuning palaganapin ang pagmulat, panawagan, at pagpapahalaga sa kasaysayan at wika tungo sa pagsiyasat at pag-aksyon sa mga kasalukuyang isyung panlipunan.


Nagkaroon ng samu’t saring gawain at patimpalak sa bawat grado.


Sa K-2, idinaos ang “Pistang Pinoy” na salusalo ng bawat seksyon sa paraan ng potluck. 


Kinilala rin ng mga mag-aaral ang iba’t ibang salitang Filipino na bago para sa kanila sa “Parada ng mga Salitang Pinoy,” kung saan pumili ng isang estudyante kada seksyon na may pinakamagandang gawa na nametag sa Kinder, sash sa Grado 1, at headgear naman sa Grado 2. 


Nanalo sa Kinder sina Jillian Simangan ng Jasmin, Aninaw Velasco ng Kamia, Travis Antonio ng Magnolia, at Jaime Obias ng Sampaguita. Sa Grado 1 naman ay sina Lucian Quinto ng Agila, Mayie Dela Paz ng Lawin, Chelzy Ofrancia ng Loro, at Frances Cablao ng Maya. At sa Grado 2, nagwagi sina Keisha Ong ng Atis, John Maramag ng Chico, Cian Casis ng Lansones, at Ma. Dañelle Mangundayao ng Mangga. 


Kasabay nito, nagbahagi rin ang mga guro ng mga salitang Filipino bawat linggo para lumawak ang bokabularyo ng mga estudyante sa wikang pambansa.


PARADA. Maayos na nakapila ang mga estudyante ng K-2 suot ang kanilang mga inihandang palamuti para sa parada. Photo Credit: Maria Ysrael Blas at Tina Roisin Linsangan 


Matapos ang parada, isinagawa ang “Ang Galing ng Pinoy” na pagtatanghal ng ilang piling mag-aaral ng musikang Pilipino matapos ang audition na kanilang sinalihan. Ang mga nanalo sa Kinder ay sina Prince Daños ng Magnolia at Daniel Luna ng Sampaguita. Sa Grado 1 ay sina Josel Apdian ng Agila at Sue Gianan ng Maya. Sina Elin Lim, Christian Tamayo II, at isang grupo na binubuo nina Marteena Darantinao, Javick Corpuz, at Arianni Vargas ang nagwagi mula sa 2-Chico, si Mikhaella Mercurio ng 2-Lansones, at si Diane Reyes ng 2-Mangga.

Sa Grado 3-6, nagsagawa ng “Kilos-Awit” ang Grado 3 na kanilang interpretasyon sa “Ako’y Isang Pinoy” ni Florante na pinagwagian ng 3-Lawa. Umangat naman ang 4-Malunggay sa “Sayawit” ng Grado 4 na itinampok ang “Mapayapang Mundo” ni Bayang Barrios. Sa Grado 5, nanalo ang 5-Samat sa “Dulawit” ng “Papel” ni Joey Ayala. Kampeon naman sa pagtatanghal ng Grado 6 ng mga pista mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas ang 6-Ruby sa kanilang interpretasyon ng Panagbenga ng Luzon.


INDAK. Buong husay na ipinakita ng 6-Ruby ang kanilang presentasyon na Panagbenga Festival. Photo Credit: Ezra Bustamante


Sa hayskul, nagwagi ang 7-Venus sa “Sabayang Pagbigkas” ng tulang “Wala Kang Karapatan” ni Ligaya Tiamson Rubin. Iginawad ang unang gantimpala sa “Saling-Awitan” ng Grado 8 sa 8-Honeybee na nagsalin sa Filipino ng “Man in the Mirror” ni Michael Jackson. Nanguna naman ang 9-Iron na inirepresenta ang Mindanao sa “Etnikong Tugtugin” ng Grado 9. At 10-Lauan naman ang kampeon sa “Sayawit” ng Grado 10.


KAHANGA-HANGA. Buong liksing ipinamalas ng 9-Iron ang kanilang presentasyon ng “Singkil” mula sa Mindanao para sa Buwan ng Wika at Kasaysayan 2018. Photo Credit: Marco Sulla


Kaiba rin sa mga nagdaang selebrasyon, ngayong taon ay kasali ang senior high school sa mga patimpalak. Nagpakitang-gilas sa larangan ng “Ekstemporaneong Talumpati” ukol sa tema ang mga kinatawan sa Grado 11 na pinagwagian nina Anne Dela Cruz, Bryant Galicia, Elkan Reyes, Eunice Ruivivar, Alyssa Sapatua, at Myrell Sicat ng 11-Washington Z. Sycip.


“Debate” naman ang naganap sa pagitan ng mga kinatawan mula Grado 12 na pinanalunan nina Emerson Ebreo, Jean Sabate, at Alexandra Arugay ng 12-Karunungan na nagsilbing gobyerno (apirmatibong panig) na ipinaglaban ang pederalismo sapagkat mas mapagtutuunan ng mga rehiyon ang mga kailangan nila at hindi na dedepende sa iisang lugar o sentro lamang.


Bukod sa mga talento sa pagtatanghal, nagpamalas din ng pagkamalikhain ang mga seksyon sa kanilang ginawang mga Advocacy Wall ukol sa iba’t ibang paksa o isyu tulad ng pamilya, kultura, globalisasyon, ekonomiya, at misedukasyon ng mga Pilipino. 


Nagwagi sa Kinder sina Eliana Gabud ng Jasmin, Aiden Sarthou ng Kamia, Samantha Estrada ng Magnolia, at Dakila Brito ng Sampaguita. Sa Grado 1 naman ay sina Sean Eting ng Agila, Zayla Tolentino ng Lawin, Briana Asis ng Loro, at Mary Maraviles ng Maya. At sa Grado 2 ay sina Yuuna Jarme ng Atis, Eunice Torres ng Chico, Reen Lopez ng Lansones, at Iahhel Bufete ng Mangga. Nagkaroon din ng freedom wall na pinagbahaginan ng bawat isa ng mga paraan kung paano maging mabuting mamamayan ng Pilipinas.  


Nanalo naman sa Advocacy Wall sa elementarya at hayskul ang 3-Ilog, 4-Malunggay, 5-Samat, 6-Ruby, 7-Neptune, 8-Honeybee, 9-Iron, 10-Lauan, at 11-Julian A. Banzon. 


Nakibahagi rin ang ilang piling mag-aaral mula sa Grado 7-10 sa “Haraya’t Pagbasa.” Ipinabasa sa mga kalahok ang kuwentong “May Gulong na Bahay” ni Genaro R. Gojo Cruz na ang diwa’y ginawan nila ng orihinal na poster. Nagwagi rito sina Amira Llaneta at Sining Guillermo ng 8-Honeybee. 


Kasabay ng pagdiriwang ang pagkakaroon ng Book Fair na nilahukan ng Adarna House, Anvil Publishing, Inc., at Una Morato sa layong hikayatin ang mga mag-aaral sa pagbabasa ng mga aklat sa wikang Filipino at tungkol sa Pilipinas.


Bilang pagtatapos ng pagdiriwang, sa programa sa hayskul ay iniwan ni Prop. Brenson Andres, puno ng Departamento ng Araling Panlipunan, ang mensaheng “Kung ano man ‘yung magagawa natin mula sa ating sarili para sa ating bansa, gawin natin. Hindi lang sana natatapos dito sa mga performances, hindi lang natatapos dito sa paaralan ‘yung ating advocacy, ‘yung mga layunin na baguhin ‘yung ating bansa at magkaroon ng makataong lipunan.”


Sa panig ng mga guro at kawani, kaiba sa mga nagdaang taon, nagdaos ng kauna-unahang “Sing-Piging” noong Setyembre 21 na layong itampok ang mga kantang Pilipino o OPM at ang talento ng mga kalahok. Binuo ang programa ng “The Singing Bee” na kompetisyon, simpleng meryenda, at videoke. //nina Nica Desierto, Alex Yangco, Geraldine Tingco, Marco Sulla, Bea Jacinto, Keio Guzman, at Angel Dizon


You Might Also Like

0 comments: