filipino,
Literary (Submission): Tabernakulo
1
Apat na buwan ang sa buhay nati’y lumipas
Inaakalang mga naramdaman ay kumupas
Sa ilalim ng kalangitang sa buwan nagtatapos
Nagkita tayo at sa puso ay muling tumagos
2
Tinawag mo ako sa ‘king pangalan
Pamilyar ang boses, parang napanaginipan
Sa mata natin nanatili ang tinginan
Puso’y bumangon sa kapahingahan
3
Ganoon pa rin ang dilaw mong salamin
Ang kasuotan mong pagbabago’y di malimit
Mga makakapal mong kilay ay nanatili
Mga mata mong laging nangngusap sa akin
4
Libo-libong tanong ang lumangoy sa isipan
Ngunit walang nakarating sa labing nakaawang
“Kumusta ka na?” tanong na aking inasahan
Ang tanging nasabi ay nasa maayos na kalagayan
5
Nais ko ring ipahayag sa ’yo ang “kumusta”
Nais kong ibulong sa ’yo na na-miss kita
Nais kong ikuwento ang lahat ng nasa isipan
Ngunit tadhana’y di tayo pinayagan
6
Lahat ng alaala natin sa isipan ko’y bumalik
At tanging ikaw lamang ang nakapagkalabit
Gusto ko pang manatili sa minutong iyon
Ngunit di mapigilang segundo’y tumakbo
7
Namaalam na tayo’t gayundin ang puso
Umaasa muling magkita sa susunod na pagkakataon
Sana’y manatili, walang pagbabago
Nang di mabigo sa pag-antay ang puso
0 comments: