craig aquino,

Komunidad ng UP, ginunita ang anibersaryo ng Batas Militar

10/05/2018 07:43:00 PM Media Center 0 Comments


PAKIKIBAKA. Matapang na ipinahayag ng mga Isko at Iska ang kanilang pagtutol sa diktadura noong paggunita ng pagdeklara ng Martial Law. Photo Credit: Craig Aquino

Nagsagawa ng malawakang kilos-protesta ang mga estudyante, guro, kawani, at manggagawa ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman sa harap ng Palma Hall noong ika-21 ng Setyembre upang gunitain ang ika-46 na anibersaryo ng pagdeklara ng Batas Militar sa Pilipinas.

Dumalo ang Presidente ng UP na si Danilo Concepcion upang magbigay ng suporta sa mga raliyista. Itinalaga niya ang 21 Setyembre bilang UP Day of Remembrance sa pamamagitan ng Proclamation 1, Series of 2018.

Ang mga estudyante ay nagtipon muna sa kani-kanilang kolehiyo bago nagsanib-puwersa ang lahat sa Palma Hall.

Nagsagawa rito ng programa kung saan nagbahagi ang mga kinatawan ng ilang organisasyon ng kanilang mga sentimyento ukol sa panahon ng rehimeng Marcos at kasalukuyang pamumuno ni Pangulong Duterte.

Kabilang sa mga nagsalita si dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo, na sinabing, “May mga dinadakip pa na mga tao. Wala raw pinapatay sa Pilipinas sabi nila. Ano sila, hilo? Ipaglaban ang karapatan. Ipaalam na hindi tayo papayag sa Batas Militar!”

Nagsalita rin si John Isaac ‘Ice’ Punzalan, mula sa College of Arts and Letters (CAL) at kasapi ng Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights (STAND-UP), tungkol sa pahayag ni Imee Marcos. “Hindi tayo magmu-move on! Hindi tayo makakalimot sa mga ginawa ng diktador na si Marcos. Klaro sa atin kung sino ang kaaway at terorista: si Rodrigo Duterte na nagpapahirap at pumapaslang ng mga Pilipino."

Tumugtog din ang ilang miyembro ng UP Alay Sining ng isang orihinal na kanta.

“Itong buong UP community ay nagkakaisa ngayon laban sa tiraniya at diktadura ni Duterte. Siguro matatandaan natin na sa kahabaan ng kasaysayan ng pakikibaka, nanguna ang Unibersidad ng Pilipinas sa pagpapatalsik sa diktador na si Marcos. Ngayong mayroon tayong nag-aastang na diktador sa mukha ni Duterte na patuloy na pumapatay at gumugutom sa mga mamamayang Pilipino, walang pag-aalinlangang kikilos muli ang buong komunidad ng UP para mapatalsik na si Duterte sa kaniyang pwesto,” sabi ni Nickolo Domingo, kasapi ng organisasyong Anakbayan UP Diliman.

“Itong demonstrasyong ito ay ang kolektibong pagpapakita ng galit ng mga mamamayan. Hindi na tayo papayag sa ganitong paulit-ulit na mga nangyayari: patayan, ginugutom ang mga mamamayan,” dagdag niya.

“Hindi lamang ito komemorasyon ng Martial Law noong ‘70s, kundi pagpapakita rin ng paglaban sa kasalukuyang diktadura at tiraniya ni Duterte,” pahayag ni Ram Hernandez, isang mananaliksik sa Academic Union ng UP Diliman.

Matapos ang programa, sumakay ang mga nagpoprotesta sa mga dyip patungong Plaza Miranda kung saan nakipagtipon sila sa iba pang nakikibaka mula sa iba’t ibang paaralan, sektor, at organisasyon. Nagtungo silang Luneta para sa huling bahagi ng protesta.//nina Craig Aquino, Julius Guevarra Jr. at Vea Dacumos

You Might Also Like

0 comments: