craig aquino,

Feature: A is for Apple nga ba?

10/19/2018 08:33:00 PM Media Center 0 Comments


“Ang kahalagahan ng panitikang pambata ay ipinapakita nito sa mga bata ang kapangyarihan ng salita, at ito rin ang kanilang unang introduksyon sa kapangyarihan ng panitikan para sila ay maging mas mabuting mambabasa at mabuting mamamayan sa hinaharap,” wika ni Eugene Y. Evasco.

Sa mga salitang ito makikita ang pilosopiya sa likod ng pagsusulat ng Alpabeto ng Kulturang Filipino, isang bagong aklat mula sa PLL Publishing House na isinulat ni Evasco at isinalarawan ni Arron Asis.

Photo Credit: PLL Publishing House
Sa takip ng libro ay isang bangka sa ibabaw ng pamagat. Dito pa lamang, mahihinuha na kung ano ang nilalaman nito: isang paglalakbay sa kultura ng Pilipinas.

At ganoon nga ang pakiramdam ng pagbabasa ng aklat na ito. Ang karaniwang banyagang A is for Apple hanggang Z is for Zebra ay ipinagpalit para sa A ay para sa Ati-atihan hanggang sa Z ay para sa Zigattu.

Kitang-kita ang atensyon sa detalye sa paggawa ng aklat. Mula sa mga piniling konsepto para sa bawat letra, hanggang sa mga larawan na iginuhit para ipakita ang mga ito, punong-puno ang libro ng mga detalye na ipinapakita ang pagpapahalaga ng mga gumawa ng libro sa kulturang Filipino.

Isang magandang halimbawa nito ay ang ‘tnalak’ para sa T. Kuwento ng manunulat, ilang aklat at tao ang nakonsulta nila upang siguraduhin na tama ang baybay nito na walang kudlit. Sinigurado rin nila na tama ang mga kulay na ginamit para sa larawan dahil tatlo lamang ang kulay na ginagamit para sa tnalak.

Halimbawa, ang guhit para sa V (vakul) ay nagpapakita ng babae lamang, dahil nga ang vakul ay isang Ivatang kasuotan para lang sa mga babae. Gayon din ang larawan para sa F (fatek), kung saan lalaki ang naglalagay nito, dahil sa mga Bontoc, lalaki lang ang maaaring gumawa nito.

Sa pagbasa, mauunawan mo rin kung gaano kalaki ang pagpapahalaga ng mga gumawa ng libro sa kulturang Filipino. Hindi sila sumunod sa tipikal na pananaw sa Pilipinas na nakapokus sa mga Kristiyanong taga-Luzon. Sa halip, naipakita nila ang pagiging sari-sari ng kulturang Filipino, mula Luzon hanggang Mindanao, Kristiyano man o hindi.

Maging ang istilo ng pagguhit ay nagpapakita ng kamalayan sa kultura at kasaysayang Filipino — ito ay hango mula sa letras y figuras, isang uri ng pagpinta mula sa panahon ng Espanyol.

Makikita rin na kinikilala at pinahahalagahan ng aklat ang pangunahing mambabasa nito: ang mga bata. Simple lamang ang mga paliwanag sa mga kultural na konsepto at madaling intindihin. Hindi rin sila matagal basahin, at sa katotohanan, kayang tapusing basahin ang aklat sa ilang minuto lamang.

Makukulay at kaakit-akit ding tingnan ang mga larawan. Siguradong makukuha nito ang atensyon ng mga bata, at kakayaning makipagkompetensya sa digital devices.

Maging ang materyal ng libro ay pinagtuunan ng pansin. Matibay at matigas ito, at siguradong kakayanin ang “pambubugbog” na matatanggap nito mula sa mga bata.

Kapuri-puri ang aklat na ito, na unang naisipang gawin ng may-akda matapos siyang lapitan para sumulat ng bagong aklat pambata.

At mahalagang mayroon tayong ganitong kasangkapan.

Sa panahon ngayon kung kailan mas maalam pa tayo sa banyagang kultura, binibigyan tayo nito ng oportunidad na mas kilalanin pa ang yaman ng ating bayan. Matutulungan tayo nito na hindi maging, sa mga salita ng may-akda, ‘banyaga sa sariling kultura.’

Makakatulong din ito sa edukasyon ng mga Pilipino, sapagkat ito ay maaaring magsilbing isang pundasyon para kilalanin ng mga bata ang kanilang sariling kultura, at, ayon nga kay Professor Emeritus Rosario Torres-Yu, ang kultura ay haligi ng edukasyon.

At hindi lamang ito sa mga Pilipinong laking-Pilipinas makakatulong. Maaari din itong maging paraan upang kilalanin ng mga Filipino expat ang bansang pinanggalingan ng kanilang lahi. Maaari din itong magsilbing pagpapakilala sa mga dayuhan sa kagandahan at pagkasari-sari ng ating bayan.

Ipinapakita ng aklat na ito na may mga taong kumikilala sa halaga ng kabataan at ng kamalayan sa kultura para sa hinaharap ng bayan. Sinisimbolo rin ng aklat na ito ang pag-asa para sa isang mas edukado at mas malay na mamamayan.

Katulad ng iminungkahi ni Professor Emeritus Torres-Yu, dapat nating suportahan ang akdang ito, lalo na’t pribadong pagsisikap ang bumuhay rito. Kung nawalan ito ng suporta, maaaring maglaho ito, at bakit natin gugustuhin iyon?

Ipagbibili ang Alpabeto ng Kulturang Filipino sa Kultura sa mga SM Mall at sa mga museo mula Oktubre o maagang Nobyembre. Ito ay nagkakahalagang Php 390.00.//ni Craig Aquino


--------------------

Erratum: “Mula Oktubre hanggang maagang Nobyembre” ang nakatala sa huling talata ng artikulo noong unang inilabas ito. Ito ay dapat na “Mula Oktubre o maagang Nobyembre.” Humihingi po kami ng paumanhin ukol dito. 

You Might Also Like

0 comments: