filipino,
Literary (Submission): 3/16
May isang alaalang hinding-hindi mabubura sa aking isipan,
Binabagabag ang aking puso hanggang sa kasalukuyan.
Tila isang larawan na kay linaw ng mga kulay
Ang pinakamatingkad na kaganapan sa aking buhay.
Ang nakalipas ay dalawang taon na nga
Mula sa mga buwan na si Haring Araw ay may dakilang korona,
Tag-init at mga bulalak nga'y natutuyo't nalalanta
Ngunit iyon ang panahon na para sa aki’y kay sagana.
Isang lalaki ang pumasok bigla sa agos ng aking buhay,
Sa ilog na hindi ko mapigil, pinili niyang sumabay.
Kung dati ang tubig ay napakatahimik at napakahinhin,
Siya ang dahilan kung bakit ang diwa nito'y nagising.
Sa gitna ng talahiban na napakalawak,
Sa aking kamay, siya ay humawak.
Noong una, inakalang gagabayan niya ako palabas
Pero ang aking problema'y di niya man lang nalutas.
Kumapit pa rin ako sa kanya
‘Pagkat mukhang sigurado naman siya sa kanyang ginagawa,
Kung mawala man kami at hindi na makalabas,
Lahat ipinagwalang bahala’t sa bawat alalahanin ay umiwas.
Doon ko natuklasan ang kanyang plano.
Natapos ang araw, nakarating na rin kami sa dulo.
Ngunit noong ako’y tutungo na sa liwanag,
Kamay ko'y hinila't napatigil sa paglalakad.
Imbis na umalis, dinala niya ako sa isang lawa,
Tubig na kay linaw, sinasalamin ang aming mga mukha.
Nagulat nang makita ang repleksyon ng kalangitan
Punong-puno ng mga talang nagsisikislapan.
Nanatili kami roon sa aming kinatatayuan,
Nawala sa aking isipan ang lahat ng kinatatakutan.
Di bale nang manatili sa kadiliman,
Di naman gaanong nakakatakot 'pag may nakakapitan.
Puso'y nakuntento at muntik nang makalimutan
Na kailangan ipagpatuloy ang mga tungkuling iniwanan.
Tumayo na ako at sa pag-alis ay naglakad
Siya’y nagpaiwan at nagsabing, "Ika'y mag-ingat."
Hindi na ako sigurado kung nasaan ka na ngayon,
Ang katangi-tanging lalaking nagparamdam sa akin ng ganoon.
Ang unang taong nagpamulat sa aking mga mata
Na ang buhay ay mahirap ngunit may nililihim ding ganda.
Ang mga araw na iyon ay kay sarap maalala,
Hanggang sa ngayon, ito‘y aking binibisita.
Mahirap mang hindi malito sa noon at sa kasalukuyan,
Ikaw at ikaw pa rin ang inaasam na makatuluyan.
0 comments: