elane madrilejo,

Feature: Iwas-Stress Tips para sa mga Bigating Proyekto

10/19/2018 08:15:00 PM Media Center 0 Comments


Photo Source: https://www.pinterest.co.uk/
Nakakapagod. Nakakabangag. Nakakapanghina.

Ilan lamang ito sa mga nararamdaman ng mga estudyante tuwing panahon ng “hell week” kung kailan sabay-sabay nang nagpaparamdam ang mga proyekto’t pagsusulit at kadalasan ay nagkakapareho rin ang iskedyul ng mga ito. Kaya naman hindi maiiwasan na mahirapan at matambakan ng mga gawain ang mga mag-aaral tulad ng mga pangkatang proyekto, paglikha ng bulul, paggawa ng music video, at marami pang iba.

Ngunit huwag mangamba! May paraan upang maiwasan ang pagdurusang ito at hindi mapabayaan ang mga kailangan mong ipasa.

Heto ang ilang tips sa paggawa ng malalaking proyekto sa paaralan:

1) Mag-umpisa nang maaga—mag-set ng mga mini-deadline.

‘Wag mo nang hayaang paabutin ng isa o dalawang araw na lang bago ang deadline bago ka magsimula. Hindi lang grado mo ang dehado riyan, pati na rin ang tulog mo para sa kinabukasan. Puyat ka na nga, mababa pa ang grades mo.

Kaya naman gawin mo na nang maaga ang bawat proyekto, dahil hindi ka lang magkakaroon ng sapat na oras para gawin ito, mas marami ka pang panahon para ayusin ito hanggang sa katanggap-tanggap na itong isumite.

2) Isulat LAHAT ng ideyang papasok sa utak.

Minsan ay bigla na lang may darating na isang ideya sa utak mo nang di inaaasahan. Puwede sa loob ng dyip habang bumibiyahe, sa loob ng klasrum habang nagkaklase, o sa canteen habang kumakain ka. Sa tuwing papasok ang mga ideyang ito, dapat na matandaan mo, malay mo magamit ito para sa proyekto. Kaya naman sa oras na nakaisip ka na ng ideya ay agad mo itong isulat sa kahit anong papel o kaya i-type sa iyong cell phone. Sa ganitong paraan, maaari mo itong mabalikan at magamit para sa iyong mga gawain.

3) “Call a friend!” ‘Wag puro ikaw lang.

Di ikaw si Superman, di ka invincible. Kung minsan ay kailangan mo rin ng kasama dahil, magpakatotoo na tayo, hindi lahat ng bagay ay kaya nating gawin nang mag-isa. Kaya’t sa oras na nahihirapan ka na, humingi ka na ng tulong. Puwedeng sa kaibigan, kapatid, o magulang.

Magpatulong lalong-lalo na kung ito’y gawaing panggrupo! Huwag mong hayaan na ikaw lamang ang gagawa ng halos lahat. Matutong magtira o hatiin ang trabaho nang pantay-pantay at laging makipag-ugnayan sa kanila upang maisagawa nang maayos ang proyekto.

4) Siguraduhing may “back-up” at iorganisa ang mga file.

Kung ang inyong proyekto ay ginagawa sa kompyuter, siguraduhin na maya’t maya i-save ang ginagawang file. Dahil madalas ay may mga gawain na nakakaligtaang i-save kaya kapag biglang nag-hang o namatay ang kompyuter agad silang mamomroblema.

Palagi ring siguraduhin na may back-up ito at i-save sa iba pang kompyuter upang hindi mawala. Maaaring i-upload ito sa Google Drive, ipadala ang file sa sarili gamit ang e-mail, o ilagay sa isang USB flash drive. Lagyan ito ng angkop na pangalan at iwasan ang pagpapangalan gamit lang ang pagpindot ng kung ano-anong letra sa keyboard tulad ng “hkjhljkh.avi” dahil maaaring malito ka lamang kung ano ang laman nito at mahirapan pa sa paghahanap. Para sa pagpapangalan, mas maganda kung gagawin na lamang na “IyongAsignatura_Proyekto.docx” upang madali mong matukoy ang file kung sakaling kailanganin mo ito muli.

5) “Huwag mahihiyang magtanong…”

Kung may mga tanong o agam-agam tungkol sa proyekto, bago pa man ito simulan ay magtanong na agad sa guro, lalo na kung hindi naging malinaw sa ’yo ang naiturong lesson at ito ang gagawan ng proyekto. Huwag din mahiyang magpakonsulta ng iyong ideya upang mas magabayan ka sa paggawa nito at masiguradong tama ang landas na iyong tinatahak.

Ilang gabay lamang ito na mula sa isang mag-aaral tungo sa kapwa mag-aaral upang matulungan na makagawa ng maayos na proyektong natugunan ng atensyon. Kahit ang pagsunod lamang sa karamihan ng mga ito ay siguradong makatutulong na sa mga gawain. Huwag lang kalimutan na kahit na maraming kailangang gawin at aralin tuwing hell week ay huwag magpapakain sa stress na nadudulot nito. Tamang paggamit ng oras, pagiging masipag at pagkalma lamang ang iyong kailangan upang makaraos at makapasa ng magandang proyekto! //nina Marlyn Go at Elane Madrilejo

You Might Also Like

0 comments: