4ever,

Literary: Alarm Clock

2/02/2019 08:06:00 PM Media Center 0 Comments




“Hoy tanghali na! Gumising ka na! Kanina pa tunog ng tunog ‘yang cellphone mo. Ang ingay!” sigaw ng aking nanay. Mabilis akong bumangon mula sa aking kama at inabot ang cellphone ko na nasa loob ng aparador. Tiningnan ko kung anong petsa na ngayong araw.

“Hala, may date nga pala kami ni Aubrey ngayon. Patay, late na ako!” nag-aalala kong sabi. Dali-dali kong kinuha ang aking towel at mabilis na pumasok sa banyo para maligo. Pagkatapos ay nag-sipilyo ako habang nagbibihis. Kaagad akong nagpaalam sa aking ina at nagmamadaling tinungo ang pintuan palabas sa aming bahay.

“Ano nang gagawin ko? Sana naman wala pa si Aubrey sa meeting place namin,” sabi ko sa aking sarili. Mabilis ang aking lakad patungo sa waiting shed habang iniisip kung ano ang aking sasabihing dahilan sa aking pagkahuli. Ito kasi ang unang date namin ni Aubrey kaya kinakabahan ako sa magiging first impression niya sa akin, lalo pa’t huli na ako sa napagkasunduan naming oras.

“O, pasok, pasok! Maluwag pa!” sigaw ng barker.

Kaagad akong pumasok sa jeep. Hindi ko na inireklamo na kalahati lang ng aking pwet ang nakaupo. Ang tanging nasa isip ko ay kung ano ang mga maaari naming gawin ni Aubrey. Wala akong napapansin sa aking paligid. Nakatuon lang ako sa aking mga iniisip. Nakikita ko kaming dalawang magkahawak ng kamay habang tumatakbo sa Luneta Park. O ‘di naman kaya’y naghahabulan sa ilalim ng puno ng balete. Nariyan din ang pagtatampisaw namin sa may dalampasigan ng Manila Bay habang nangongolekta ng mga inanod na basura.

“Boss, nasa terminal na po tayo,” sabi ng drayber sa akin. Hindi ko namalayan na ako na lang pala ang pasahero sa loob ng dyip. Masyado yatang napatagal ang pagda-daydream ko. Agad akong bumaba at tumakbo papunta sa plasa. Sandali akong tumigil para tingnan ang paligid. Ang daming tao ngayon sa plasa. Puno ng mga batang naghahabulan habang nagbabatuhan ng buhangin at mga magkasintahang kumakain ng sorbetes. Marami ring nagtitindi ng mga bulaklak, lobo, at mga couple bracelets.

“Kailangan ko na palang hanapin si Aubrey.” sabi ko sa aking sarili.

Pinuntahan ko ang swing kung saan kami magkikita at doon ay nakita ko si Aubrey. Napanatag ang aking loob nung nakita ko na hindi naman siya mukhang galit kahit late na ako.

Nakasuot siya ng puting t-shirt at maong pants na tinernohan pa ng puting sneakers at isang makintab na kwintas.

Nagkasalubong ang aming mga mata at bigla na lang nag-slow-mo ang paligid. Unti-unti kaming lumapit sa isa’t isa habang hindi inaalis ang aming titig. Kakaibang kilig ang aking nararamdaman abang papalapit ako ng papalapit sa kanya. Mas matindi pa ito sa kilig na nararamdaman ko tuwing ako’y umiihi. Kaunting hakbang na lang at mahahagkan ko na ang babaeng matagal ko nang pinapangarap na makasama.

“Kriiinnggg! Kriiinnggg!” biglang tunog ng aking alarm clock.

“Hoy Boyet bumangon ka na diyan at papasok ka pa!” galit na sigaw ng aking nanay. Dali-dali akong bumangon at tumingin sa aking paligid. “Ha? Panaginip lang pala iyon? Umasa pa naman ako kasi akala ko totoo na,” sabi ko sa aking sarili. Kukunin ko na sana ang aking cellphone sa aparardor nang may makita akong kumikinang na bagay sa loob nito. “Kanino naman kayang kwintas ito? Wala naman akong biniling kwintas ah,” sabi ko.

Bigla na lang akong may naalala na naging dahilan para mas higpitan ko pa ang hawak sa kwintas habang nagtatatalon sa tuwa at sa kilig.

You Might Also Like

0 comments: