dimasawi,

Literary (Submission): Sabi Mo, Sabi Ko

4/13/2015 08:41:00 PM Media Center 0 Comments



Nang maupo ako sa likod mo, munti man ang
aking isipan, walang nagsabi pero minahal
kita. Sa payak na bati unang narinig ng puso
ang iyong pangalan, alam ko na.

Marami mang tao sa silid na iyon, sa aking
paglingon, ikaw ang naroon. Noon pa lamang
alam nadama ko, ikaw ang unang nagpatibok
ng puso ko.

Mula noon, nagdesisyon akong mahalin ka.
Nariyang sinundan kita ng tingin, umiiwas
naman ako kung magtatama ang ating mga
mata.  At ang aking ngiti’y ikukubli na lamang
sa sarili. Hindi destiny o fate ang maglalapit sa
atin, iyo'y ang ating pasya.

Sa tuwing nagkakasalubong
o nagkakasabay sa daan sa pagpasok man o
pag-uwi, alam kong itinakda iyon ng
pagkakataon. Kahit di ako lumapit, sa
pakiramdam ko, tadhana ang naglalapit sa
atin.

Ngunit pinili kong maghintay ngayong hindi pa
pwede. Hindi ba't sarili kong kapasyahan
naglagay sa akin dito, kuntentong nag-aabang
sa panahong sumagot ka ng oo?

May tamang panahon na inilaan para sa atin.
Ngunit hindi pa ngayon. Kailan? Tadhana ang
may alam. Ako rin ay nahihirapang maghintay
sa ating magiging kapalaran.

May kakayahang tayong magbago, di man ang
nakaraan kundi ang sarili at kapalaran. Wala
ba tayong kayang gawin? Hihintayin na lang
ba ang nakatakda sa atin?

Maaaring iyon nga ang nagdala sa atin sa isa't
isa. Pero sa patuloy na paghihintay natin,
maiiwan tayo ng panahon na walang napala.
Siguro nga'y tama ka.

Natatakot rin naman ako dahil baka lalo pang
lumala ang sitwasyon at tayo'y malayo sa isa't
isa. Minsan, sundin ang kagustuha’y di laging
maganda at Masaya ang resulta. Siguro nga'y
tama ka.
Tadhana man ang naglagay o desisyon ang
nagdala, masaya tayo sa isa't isa.
Ano man ang ating gawin, saan man pumunta,
babalik pa rin tayo sa silid kung saan lahat ay
nagsimula.

At sa akin, hihintayin ko ang pagkakataong
iyon.  Igagalang ko ang nais mo.  Subalit hindi
ko na hahayaang tadhana ang magpasimula. 
Kikilos ako pagkat nalalaman kong ikaw at
ako’y matagal nang itinakda ng tadhana para

sa isa’t isa.

You Might Also Like

0 comments: