chapter 7,

Literary: E=MC^2 (Chapter 7)

4/10/2015 09:38:00 PM Media Center 0 Comments

Ang E=MC^2 ay kuwentong binuo, sinulat at pinaghirapan ng Media Center 2 2015 staff bilang kanilang creative writing project ngayong semestre.

Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pawang kathang isip lamang, hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng kuwentong ito ang maaring ilathala at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng may-akda.




[Matt]

Marso.

Huling linggo na ng regular na klase ng mga Grade 10. Huling linggo na ng pahirap. Huling linggo na ng pagpupuyat gabi-gabi at pagsusunog ng kilay sa pag-aaral. Huling mga araw namin bilang mga mag-aaral ng UPIS. At kaakibat ng mga huling araw na ito ang huling mga pagkakataon upang maayos ko ang napakalaking pagkakamaling nagawa ko kay Coco.

Huwebes noon, katatapos lang ng Periodic Test ng mga Grade 10. Ito ‘yung unang pagkakataon na parang hindi ako confident sa mga sinagot ko sa exam. Siguro dahil hindi ako nakapag-review kagabi sa kagagawa ng thesis namin. Pero sige, sapat naman na siguro ang kaalaman ko para maipasa ‘yung mga test.

Nag-iinat-inat ako sa labas nang bigla akong tinawag ni Luis.

“Hoy, Matteo!” sigaw niya, habang tumatakbong papalapit sa akin.

“Ano, Luis?”

“Anong sagot dun sa Part 4, number 1 ng test sa Math?”

“3+5i. Di mo nasagutan?” tanong ko sa kanya. Nakahanda na rin sana ‘yung explanation nang bigla siyang sumagot.

“Ah, tama pala ako. Cinoconfirm ko lang kung tama ‘yung nakopya ko dun sa katabi ko,” sabi niya sabay tawa nang sobrang lakas.

“HOY! Walanghiya ka, buti hindi ka nahuli nung proctor! Ang sungit pa naman nun, tapos ang taray pa. Di ka sana makakagraduate kung sakali oh. Loko ka.”

“Sorry na po, ‘di na po mauulit,” sagot niya sa akin, sabay kindat.

“Malamang, ‘di na talaga mauulit. Wala nang exam eh. ‘Lika nga. Punta nga tayong canteen at nagugutom ako,” yaya ko sa kaniya.

“Tara game on!”

Bumaba kami ng hagdan galing second floor. Kapansin-pansin na walang gaanong tao sa paligid. Malamang nagkaklase pa siguro yung mga Lower Batches. Sa aking pagmamasid habang naglalakad papuntang canteen, napatingin ako sa harap. At nakita kong makakasalubong namin si Coco.

“Uhm, Coco,” bungad ko sa kaniya nang magkatapat kami.

“Hmm?” maikling sagot niya sa akin.

“Hello.”

“Uhm, hi?”

“Kamusta yung test?”

“Ayos lang, as usual, the Math was madali lang.”

“Ah, okay, nice,” wala na akong masabi kundi iyon na lang. Hindi na talaga ganoon kadaling humanap ng sasabihin sa kaniya ‘di tulad nung dati.


[Coco]

Talaga naman. Ang kapal rin talaga ng mukha na mangamusta pa sa exam. Mas makapal pa mukha niya sa foundation ko ah! GRRRR. Matapos niyang durugin ang puso ko, ganun ganun na lang?!?!

UGH MATTY.

Pwede niya naman akong kausapin. Pwede naman niya akong lapitan para kamustahin. Kamustahin ako, kamustahin kami.. PERO ANG SINABI LANG KAMUSTA YUNG TEST?!?!?!

Unti-unti napaupo na lang ako sa may upuan sa canteen. Unti-unti...

‘Uy Coco! COCO!! COCCC--’

*BLAAAG*

Kaka-emote ko yung butas na silya pala yung naupuan ko.

‘Tumayo ka nga diyan Coco, ano ba yang dinadrama-drama mo diyan? Si Matteo Monteverde na naman ba ‘yan? Jusko, girl! Tama na nga ‘yan! Mukha ka nang ewan!’

‘Hindi siya yung iniisip ko, ano ba! I’m so over him!’

‘Asa naman girl! So, anong iniisip mo at halos maluha-luha ka diyan?’

“Yung Fun--’

‘Huwag na huwag mong mahihirit yang Function na ‘yan dahil  tapos na tayo diyan! Taas taas nga ng kita natin eh!’

‘Ah eh.. Yung The---’

‘Yung Thesis? ASA. Kayo yung powerhouse na grupo dun eh? Pwede ba girl, sakin ka  pa magsisinungaling eh alam ko namang si Matteo yang iniisip mo… Ano ba, girl.. Sinasayang mo lang luha mo sa kaniya eh alam naman nating lahat kung gaano kasama yung ginawa niya sa’yo.’

Wala na akong nagawa kundi umiyak na lang.  Ngayon bang matatapos na ‘tong school year na ‘to? Matatapos na rin kami ni Matty?

‘Tara na Coco, ilang minuto ka ng umiiyak, nawala na ata yung make-up mo. Tara na, magretouch ka na dun. Dumadami na rin yung tao.’

Buti na lang mayroon akong kaibigan na nandiyan para damayan ako.


--------------------------------


[Matt]

Maaga akong dumating sa school nung sumunod na Huwebes para manood ng play ng FilDrama 2015. Balita ko kasi, talagang kaabang-abang yung ginawa nilang produksyon. Dapat pa nga, nakatakda kaming umalis ng pamilya namin nung araw na yun pero hindi na ako sumama para lang makanood ng play ng FD.

Umakyat agad ako papuntang Auditorium. Mainit noon, kahit umaga pa lang. Tirik na tirik ang araw, at pinagpapawisan ako kahit sa pag-akyat pa lang ng Ramp. Umikot pa ako sa Asoteya papunta sa banyo sa kabila para mag-ayos at magpunas ng pawis. At pagkatapos kong mag-ayos ng katawan, dumiretso ako sa Auditorium.

Pagpasok ko, agad kong napansin ang magandang pagkakaset-up ng Stage na talagang hinanda para sa kanilang produksyon. May kaunti nang nakaupo sa mga upuan at karamihan ay mga magulang ng mga kabatch kong gaganap sa dula. Iginala ko ang aking mata at nakita ko, sa dulo, naroon siya, nakaupo, at walang kasama. Si Coco.

Hindi ko alam ang gagawin ko.
Ah, alam ko na. Tatabihan ko na lang si Coco. Baka sakaling manumbalik ‘yung tinatawag nilang ‘sparks’ na dating mayroon. Tulad nga ng sabi sa kanta, “Muling Ibalik.”

Inayos ko yung uniform ko, at dahan-dahang naglakad papunta sa kinauupuan niya. Pagdating, wala akong naibulalas kundi,

“Coco...”


[Coco]
Nasa Earth pa ba ako? Para na kong nasa Sun sa lagay na ‘toooo!! Soooooooooooooooo init like ughhhhhhh. Pero para  sa batch nandito ako, para panuorin ang pinaghirapan nilang production. So, keri lang. Bawal rin mastress dahil lalong uminit ‘pag uminit ang ulo ko.

Naghanap ako ng mauupuan, dahil maaga ako at magaling ako at higit sa lahat maganda ako, nakahanap ako ng magandang seat. Good job, self. Ang galing mo talaga. Sa galing mong  ‘yan, pano kang naisipang hiwalayan ni Matt. Napatawa akong mag-isa sa iniisip ko. Nababaliw na naman ako.

Aba, tignan mo nga naman... Speaking of the devil. Here come’s Matteo Monteverde. Act pretty, Coco. Ay, di na pala kailangan . Pretty ka naman talaga. Chin up and  smize. Ang ganda mo talaga. Nganga na lang sa’yo ‘yang Matteo na ‘yan. Look away, kunyari ‘di mo siya nakita. Kunyari wala kang pake. Nakamove on ka na sa duwag na yan na ‘di ka man lang binalak kausapin. Ilang araw na ang nagdaan nganga pa rin. Hayaan mo siya.

Tagal kong nakalook away. Mga 5 minutes na ata. 5 minutes ko na rin siyang minumura at pinapatay sa isip ko. Mamatay ka ng Matteo ka. Masagasaan ka sana ni Mang Domeng habang minamaneho yang pinagmamalaki mong Camaro. O kaya, malunod ka sana sa bath tub mo bwisit kang..

“Coco..”

“Ay bath tub!”

“Ha? Anong bath tub?”

“Wala. Ang ibig kong sabihin.. Bat ka nandito?”

“May nakaupo na dito?”

“UHHH Ako?”

“Ang ibig kong sabihin, itong katabing upuan.”

“Wala pa.”

“Okay. “

Umupo si Matty sa tabi ko. How nice. Great. Makakatulong talaga ‘to sa akin eh.

“Coco, mamaya…”

“Matteo, quiet. Magsstart na ang play.”

“HUH? Eh ang aga pa nga eh.”

“Matteo.”

Tinignan ko siya nang masama. I thought mapapatay ko na siya sa tingin kong sobrang talim. Akala ko mapapatay ko siya gamit ang magaganda kong mata. Pero, tumitig rin siya sa akin, na parang maamong pusa. Parang ako ata ‘yung mamamatay.

Teka, ano bang kalandian ‘to? Sa pagkakaalam ko, bitter ako eh.

“*Ahem*, Mamaya na tayo. magtitigan, este mag-usap Matteo.”

“Ah, sorry. Sige, sige.”

Iba ka rin talaga, Matteo Monteverde. Pati katalinuhan mo ginagamit mo para maloko ako. No, no, no, no. ‘Di na ako magpapaloko. Bahala ka diyan.

‘Di ko namalayan, ang dami na palang tao. Maya-maya pa, pinatayo na ang lahat para sa Lupang Hinirang. Magsisimula na ang play. At ang awkward pa rin ng atmosphere. Ano ba kasing pumasok sa kokote nito ni Matteo at tumabi pa rito. Kaazar.

Wow. Infairness ah. Ang galing ng batchmates ko. 10 out of 10 ang acting. Ibang klase. Tumatagal na rin ang play, medyo nangangalay na rin ang beauty ko. So, sumandal ako dun sa arm rest ko sa kanan. At kapag minamalas ka naman talaga. Sabay pa kaming sumandal sa arm rest na ‘yun. AWKWARD. Syempre, inalis ko agad. Ayoko kayang madikit sa Matteo na ‘to. Ew.

Nakakaistorbo.  Coco, ‘wag mo na lang isipin na katabi mo si Matteo. Enjoy the play. Sayang ang effort ng batchmates mo kung si mo maappreciate ang pinaghirapan nila, okay.

Halakhakan nang halakhakan ang audience. Halatang na-eenjoy nila ang play. Ako rin, enjoy na enjoy. Sa kabila ng kalungkutan at galit ko. Napatawa ulit ang ng malakas. Muntik nang mawala ang poise ko. Isang scene pa ang lumipas, at tawang-tawa na naman ang crowd. At ako rin. Nawala ata ako sa sarili at nahampas-hampas ko pa si Matteo.

Napatingin sa akin si , Matteo.

“Uhm.. Sorry, ‘di ko sinasadya.”

“Okay lang, Coco. “ Sabay ngiti niya sa akin.

Nagulat naman ako. Anong nginingiti-ngiti nitong si Matteo? Akala ata, nahampas ko lang okay na. Wow. Over my dead body. No way.

Bakit naman kasi sira  yung upuan dito sa kaliwa ko? Wala tuloy akong katabi na pwede kong mahampas. ARGH.

            Kaunting tiis na lang, Coco. Matatapos na ang play. Tiisin mo na lang. Matatapos na rin ang lahat ng ito. Matatapos na.

            Isa-isang nag-bow ang mga artista sa play, gayundin ang mga direktor. Ang gagaling nila. At sa wakas, UP Naming Mahal na, makakawala na rin ako dito sa sitwasyon na ‘to.
Dali-dali akong umalis sa audi at nagpanggap akong walang naririnig na may makulit na paulit-ulit na tumatawag sa akin. Paalam, Matteo.

[Matt]

Ika-25 ng Abril. Ang araw na pinakainaabangan ng lahat pagkatapos ng Graduation. Ang Grad Ball.

Maganda ang pagkakaset-up ng venue. Maliwanag ang mga kumikislap-kislap na ilaw. Maayos ang ventilation. Maganda rin ang pagkakaayos ng mga lamesa, sapat para maging malawak ang dance floor.

Perpekto ang lahat. At sana maging perpekto rin ang gabing ito para sa akin. Para sa amin ni Coco. Kung meron pa bang matatawag na ‘amin’ o kung matatapos na ba ang lahat ngayong gabi. Sana hindi pa.

Mabilis ang naging mga pangyayari. Naupo ang lahat, nagkaroon ng kaunting programa, pinarangalan ang mga pararangalan. At siyempre, nagkainan na rin habang hinaharana kami ng mga naggagandahang boses ng mga kumakanta. At pagkatapos ng lahat ng ito, heto na. Ang “main event” ng okasyon, ang sayawan.

Sinimulan ang sayawan sa isang masiglang party song. Bigay na bigay ang lahat. May mga nagsho-showdown pa sa gitna. Masaya ang lahat, nagtatalunan, nag-iindakan, naghihiyawan. Tama lang naman na magsaya, hindi ba? Ito na marahil ang aming huling okasyon kung saan magkakasama kaming lahat na buo bilang isang batch.

Natapos ang party songs, at sumunod ang mga kantang pang-slow dance. Naunang nagsisayawan ang mga magkakasintahan. Pinuno nila ang halos kalahati ng dance floor at sumayaw sa saliw ng kantang Thinking Out Loud ni Ed Sheeran.

Iginala ko ang aking mga mata. Kung marami na ang nagsasayaw, marami ring nakaupo. Mayroon ding mga walang magawa sa buhay na nantitrip lang ng mga nagsasayaw. At naglalakad-lakad din si Erick, yung batchmate naming palaging designated photographer sa bawat event ng batch.

Sa isang sulok, nakita ko si Coco, walang kasama. Ang aga-aga pa pero nakasalampak na yung mukha niya sa lamesa. Parang pinanawan ng lakas. Binalak kong lapitan siya, para sana kausapin, pero nawalan ako ng lakas ng loob. “Mamaya na lang siguro, kapag last songs na,” sabi ko sa sarili ko.

Marami akong sinayaw na kabatch. Oo, pati si Claire, isinayaw ko. Si Claire na ginawa kong prom date. At hayun, ni hindi kami nakapag-usap. Sinabayan na lang namin yung kantang Terrible Things ng Mayday Parade habang sumasayaw tapos hayun, tapos na.

Hindi ko namalayan yung oras. Nakatanga ako sa upuan ko nang biglang nagsalita yung isang taga-Senior Council sa microphone.

“Okay guys, last 3 songs na po. Tapos maghihiwa-hiwalay na tayo. Awwww.”

Maraming mangiyak-ngiyak na, karamihan, mga babae. Pero hindi ko na sila kinibo. Agad kong hinanap si Coco.

Nakita ko siya sa gitna, magandang maganda sa kanyang kulay Pink na dress. May kasayaw siya, si Luis, yung bestfriend kong mukhang ewan. Napansin niya akong tinitignan sila. Agad niya akong kinindatan at inginuso sa akin ang kasayaw niyang si Coco.

Nang matapos ang kanta, dinala ni Luis sa akin si Coco.

“Pre, siya nga pala si Consolacion Monteverde. Coco for short. Gusto ka daw niyang makasayaw,” sabi sakin ni Luis, na sinabayan niya ng malaking ngiti.

“HOY EXCUSE ME. Wala kaya akong sinabi. Manahimik ka nga diyan, Mr. de Vera,” naiiritang sabi ni Coco.

“Well, I was going to ask you anyway. Coco, may I have this dance?” sabi ko.

“Uhmmm, okay, fine.”

Dinala ko si Coco sa gitna ng dance floor. Nakapalibot sa amin ang ilan ding mga pares na nagsasayaw sa saliw ng kantang I Won’t Give Up ni Jason Mraz.

“Uhmm, Coco,” bungad ko.

“Why?”

“Ay, nope, nevermind.”

Hindi pa rin talaga maalis yung ‘awkward’ na atmosphere sa aming dalawa. Parang may pader na hindi nakikita na namamagitan sa amin.

“Uhmm, Coco,” bungad ko ulit.

“Why nga?”

“May itatanong sana ako sa’yo.”

“What is it?”

“Uhm, ano...”

“Ano nga?”

“May pag-asa pa bang maging ano… maging tayo ulit?”

“What?”

“Narinig mo naman, ‘diba?”

“Pinag-usapan na natin ‘to dati, ‘diba?”

“Oo, pero umaasa akong magbabago yung sagot mo.”

“Sorry, pero hindi. Masyado akong na-brokenhearted sa mga pinaggagagawa mo. The answer’s still NO.”

Natapos yung kanta. Pero parang pareho kaming ayaw bumitaw. Walang nagbago, tahimik ang paligid, nang biglang tumugtog ang huling kanta para sa gabing iyon. Ang kantang Paalam ng Silent Sanctuary.

“So, paano ba ‘yan, last song na,” sabi ko sa kaniya.

“Oo nga eh. So sad, right?”

“Parang dati lang, kinakanta pa natin tong kantang to habang sinasagutan yung homework sa Math or Science.”

“Oo, diba? Kinakanta ‘natin’,”sabi niya, sabay tingin nang tuwid sa aking mata.

Hindi ako nakatagal sa titig niya, “Sorry.”

“Will you do that monologue again parang yung ginawa mo sa may Clinic?”

“Gusto ko lang talaga mag-sorry. Kahit alam kong kasalanan ko ang lahat at sinasadya kong mangyari ang lahat ng ginawa ko noon.”

“Don’t worry, you’re forgiven na.”

“So ibig sabihin--”

“Nope. I don’t want to make the same mistake again. Pinapatawad na kita, pero hindi na ulit magiging tayo.”

“Wala na talaga akong magagawa.”

“Yep, wala na nga. There’s nothing you can do. My decision is final and irrevocable,” sabi niya, sabay kindat.

“Salamat pa rin.”

“Para saan?”

“Sa lahat. Sa lahat ng pinagsamahan natin. Sa mahigit halos dalawang taon nating pinagsamahan. Hindi ko makakalimutan yun.”

“Yep, salamat din. Kahit na ginanito mo ako, we still shared valuable memories, ‘diba?”

“Oo nga.”

“So paano, is this goodbye?” sabi niya sa akin. Nakangiti siya, pero namumugto ang kaniyang makikislap na mga mata.

“Oo, sa tingin ko, ito na nga. Paalam.”

“Goodbye, and thanks for the memories.”
At unti-unting lumuwang ang hawak ng aming mga kamay, hanggang sa tuluyan na kaming bumitaw sa aming pagkakakapit.

Natapos ‘yung kanta, at unti-unting bumukas ang mga ilaw. Kasabay nito, naglakad kami nang papalayo sa isa’t isa, patungo sa hinaharap na alam naming hindi na kami magiging magkasama.


WAKAS.

You Might Also Like

0 comments: