anthony lagdameo,

Literary (Submission): Binibining DimpleS, Salamat

4/09/2015 08:10:00 PM Media Center 0 Comments


Nang una kong mabasa ang iyong tula
Di naiwasang magkaroon ng ngiti sa aking mukha
Sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng isang akda
Na ginawa para sa akin ng isang tagahanga.

Ang aking unang reaksyon, siyempre, sino kaya ito?
Subalit tuntunin ka, hindi na sumagi sa isipan ko
Kaya sa pamamagitan na lang ng Facebook, ipinarating ko
Pasasalamat sa natatanging handog mo.

Tuwing ako’y magtuturo sa inyong klase
Palagi tayong tinutukso ng iyong mga kaklase
Kaya hindi ko naisip, para yatang imposible
Sadyang halata naman kung ikaw ang makatang babae.

Dumating ang JS Prom na inyong higit na pinaghandaan
Isang kaibigan ang nakiusap, ikaw ang aking unang isayaw
At doon sa gitna ng dance floor, sa saliw ni Ed Sheeran
Matapang mong inamin, ang makatang binibini ay ikaw.

Alam kong hindi sapat ang higit sa limang minutong sayaw
Maging ang lahat ng larawan na tayong dalawa ang nilalaman
Kahit isama pa itong hamak na pitong saknong kong taludturan
Upang maipaabot sa iyo ang aking taos-pusong pasasalamat.

Kaya nga sa mga susunod na taon, kahit hindi mo na ako guro
Bukas na bukas ang mesa ko, lalo’t ikaw ang darayo
Anumang joke, kwento o problema ang nais mong ibahagi
Para sa makatang binibibini, maaasahang ako ay makikinig palagi.

Muli, mula sa kaibuturan ng puso kong nagagalak
Babaunin ang tula mong naghatid sa akin ng galak
Kaya naman minsan pa ay ipararating ko sa lahat
“Salamat Binibining DimpleS, Salamat!”


*Ang tulang ito ay sagot sa tula ni Dimples na Brenzoned. Basahin dito.

You Might Also Like

0 comments: