hashtag,

Literary (Submission): Sa Iyong Tabi

4/13/2015 09:03:00 PM Media Center 0 Comments



Alam mo yung malungkot ka? Yung konti na lang tutulo na yung luha mo? Yung pag tumulo yung luha mo, bigla ka na lang magwawala? Nasaktan ka kasi eh. Iniwan ka. Pinaasa sa wala.

Tapos yung mga kaibigan mo gagatungan pa 'yong lungkot mo. "Umasa ka naman kasi!" "Alam mo naman palang may iba na!" "Pwede naman kasing si ano na lang. Di ba?" Eh bakit ba? Mahal ko eh.

Minsan talaga mapapamura ka na lang. O kaya ibubulong mo na lang sa sarili mo, "Tanga-tanga ka naman kasi eh! Sige! Asa pa, more!" With matching pukpok sa ulo, para maidikdik sa kukote mo na umasa ka lang talaga.

-----

Eto na naman tayo…

Araw-araw na lang, minu-minuto, sa bawat sandali siya lang ang laman ng isip mo. Bigyan mo naman siya ng Gatorade, baka napapagod na kakatakbo sa utak mo. Hindi mo rin alam kung bakit ka ganiyan. Eh hindi ka naman gusto, pinapansin ka lang kung may kailangan siya tapos sa lahat ng babae sa school siya pa ‘yung trip mo. Marami naman diyan na “di hamak na okay” kaysa sa kanya. Ang galing mo rin eh, ang lakas mo magtiwala sa tadhana, sa tadhanang gawa-gawa mo lang diyan sa makulit mong imahinasyon. Para kang sira. Pinapapaniwala mo lang ang sarili na kayo ang destiny! Edi waw, di ba?

Maganda siguro kung pagkain na lang ‘yang pag-ibig. Kung masarap, e di tanggapin pero kung mapait na, e di pwede mo namang iluwa. Kaso wala eh, nararamdaman mo lang, wala kang takas, sa oras na tamaan ka ni Kupido. Kaya ‘yan tignan mo siya baliw na baliw sa iba samantalang ikaw; ayun, baliw na baliw naman sa kanya. Bagay talaga kayo, parehas kayong tatanga-tanga.

Tatabihan mo siya tapos titingin ka sa kanya, siya naman sabay lingon dun sa poging kaagaw mo. Ang ganda ng love cycle mo: magmahal, masaktan, at ulit-ulitin mula sa magmahal tapos masaktan...

-----

Pupunta ka sa canteen. Mag-oorder ng paborito mong lunch na siomai with rice. Kakain sa paborito mong lamesa. 'Yong dilaw na lamesang kulay lapis na gawa ng PAC1 2015. Basta yung nasa pinakasuluk-sulukan ng canteen, doon ka uupo, kasi walang nakakapansin sa’yo. Doon ka iiyak. Doon ka magdradrama. Doon mo ilalabas ang sama ng loob mo. Doon mo sasabihing bakit di na lang ikaw. Eh, ikaw naman ang may kasalanan. Sumige ka pa?

-----

Pero may napansin ka sa kaniya isang araw, nandun siya sa canteen doon sa pinaka-sulok. Well, lagi naman siyang malungkot pero ngayon kasi naramdaman mong mas kailangan ka niya kaya sumubok ka ulit, baka sakaling maputol na yung maalat na love cycle.

-----

Hindi mo alam, may nakaupo na pala sa harap mo, naghihintay lang na tumingala ka pagkatapos ng pag-iyak mo, para mapansin mo siya. Pupunasan niya nang dahan-dahan ang mga luha sa mga mata mo. Maingat at walang pagmamadali.

Siya.

Siya ang iniiyakan mo, noon pa, sa tuwing bigo ka at sawi. Di mo siya napapansin, kasi abala kang nakatingin sa iba. Hindi mo siya napansin kahit siya ang nasa tabi mo palagi.

"Nandito ako," sabi niya sa’yo. Pero hindi mo pinansin.

-----

Lumapit ka, naghintay, tinitigan mo siya. May iba lang na nangyari ngayon: tinitigan ka niya. Ngumiti siya sa’yo pagkatapos mong punasan mga luha niya, yung ngiting lagi mong inaabangan.

Ang tagal mong naghintay, ilang beses kang nasaktan, ilang ulit ka na ring binalewala. Ayos lang ‘yun, kaya nga mahal mo di ba?

-----

Napatitig ka sa mga mata niya. At nalaman mong walang kasinungalingan ang mga sinabi niya sa’yo.

Simula noon, hindi ka na tumingin pa sa iba. Bakit pa nga ba? Kung nasa tabi mo na pala.

You Might Also Like

0 comments: