altostratus,

Literary (Submission): Huling Sayaw*

4/13/2015 08:52:00 PM Media Center 0 Comments



Ito na ang ating huling sandali”

Hindi ka importante. Ang mga mundo natin ay napakalayo sa isa’t isa, ni minsan hindi pa ata tayo naging magkaklase. Ni hindi nga kita napapansin noong Grade 7 eh. Para kang hangin sa akin. Dumadaan ka, pero hindi naman kita nakikita. Hindi ko namamalayan yung presensiya mo kahit na mga pitong taon na ata tayong magka-batch sa UPIS. Hindi naman sa ayoko sa’yo. Sadyang hindi lang kita kilala kaya ang lagi kong naiisip tuwing napapadaan ka ay “Hindi ka importante.”

“‘Di na tayo magkakamali

            Noon, para ka lamang isang bituin sa kalangitang kahit kailanman ay hindi ko kayang abutin. Tinitingala ka ng lahat. Ikaw yung tipo ng babaeng halos walang kapintasan sa buhay. Tapos, ni hindi pa nga kita nagiging kaklase. Samantalang ako, simula pa noong Kinder eh wala pa akong nagagawang bagay na maski ako ay magiging proud. Para lang akong isa sa mga lalaking tambay sa may kanto tapos kumakanta nang paglakas-lakas kahit wala sa tono. Kaya nahihiya ako sa’yo. Kaya sa bawat pagkakataong nakakasalubong kita sa hallway, wala akong magawa kundi yumuko na lamang at tumitig sa sahig.

“Kasi wala nang bukas, sulitin natin, ito na ang wakas.”

At sa hindi inaasahang pagkakataon, naging magkaklase tayo. Sa lahat pa ng araw na pwede akong mag-absent, kahapon pa. Pumili na pala ng partners para sa PE. Kapareho tayong absent at dahil ikaw ang naiwan na lalaki, tayo ang pinag-partner ni Ma'am.  Hindi ako naniniwala sa tadhana kaya sabihin nating kamalasan ‘to.

“Uhm, mali na naman paa mo. Kapag kaliwa yung gamit kong paa,  uhm ano.. kanan dapat sa’yo.” halos hindi ko na marinig yung sinasabi mo pero napangiti na lang ako.

“Kanan naman yung gamit kong paa nun ah,” Binibiro lang kita pero sineryoso mo naman.

“Ah.. eh.. ano.. kasi….sige panoorin na lang muna natin sila.” Napatawa ako ng kaunti sa’yo.

“Sorry ha. Hindi kasi talaga ako marunong sumayaw. Parang puro kaliwa lang alam ng mga paa ko.” Napangiti ka nito pero hindi ka na umimik.

Nakailang ulit pa tayo bago ako nasanay na kaliwa sa'yo, kanan sa akin, kaliwa sa'yo, kanan sa akin. Imposible atang bumagsak sa PE pero sa lagay na ‘to, mukhang uulit pa ata ako ng PE 8. Pero natutuwa ako sa mga tahimik mong komento at paggabay, mga tawa at ngiti na hindi inaasahan. Dahil sa’yo lagi akong una pumasok sa Dance Room kasi gusto ko na agad sumayaw kasama ka, makausap ka, at makakulitan ka. Inaabangan ko ang mga panahon na tinitingnan mo na ako sa mata at hindi ang sahig ang minamasdan mo.


“Kailangan na yata nating umuwi”

            Hayun nga, naging magkaklase tayo nung ikawalong grado. At sa hindi inaasahang pagkakataon, tayo pa ang naging magkapartner sa PE 8, ballroom dance. Nung malaman ko yun, grabe ang kaba na naramdaman ko. Sino ba namang hindi kakabahan kapag makapartner mo yung taong hinahangaan mo ‘diba? Pero, nalaman kong hindi ka pala marunong sumayaw. Nalaman kong pareho palang kaliwa ang mga paa mo.

            Buti na lamang at medyo marunong naman ako sumayaw. Inalalayan kita. Ginabayan. Itinuro ko sa iyo kung saan dapat nakapuwesto ang iyong mga paa, kung kailan ka dapat iikot, kung kailan mo bibitiwan ang kamay ko, at kung kailan mo ito hahawakang muli. Mahirap ka palang turuang sumayaw. Madalas pa nga, napapatid ka. Pero sige lang, nagpatuloy lang tayo.

            Sa mga pagkakataong ito kahit papaano ay nagkaroon ako ng lakas ng loob, ng tiwala sa sarili. May mga bagay pa rin naman pala na kaya kong gawin. At dahil dito, natutunan kong hindi na lamang tumingin sa sahig kapag naglalakad at nakakasalubong ka. Natuto akong maglakad nang tuwid ang likod. Natuto akong tumingala at tingnan ka sa mata.

           
Hawakan mo’ng aking kamay,”

“Kaya natin ‘to, pramis.”

Yun yung lagi mong sinasabi sa akin noon, bago tayo mag-practical test. Paminsan inaalala ko yung mga panahon na yun para makaraos. Iba na ang PE ngayon. Panay raketa at bola na ang nahahawakan ng kamay ko. Nakaka-miss rin pala na may nakahawak ng kamay mo habang umiindak. Alaala na lang ang mga munting sikreting nabubuo habang magkahawak ang kamay natin at magkasabay tayong gumagalaw ayon sa kanta.

Magkapareho pa rin ang section na sinusulat natin sa bawat papel, pero di tulad nang dati, lampas na sa PE ang pagsasama natin. Hindi na tayo puro practice lang para sa PE, paminsan nagm-movie marathon na rin tayo. Kulang na lang ay mabasag na ang lahat ng baso sa bahay ko kasi puro horror ang pinapanood natin. Parang sumasayaw pa rin tayo. Natatawa ka sa’kin at ginagabayan mo ako sa bawat eksena. Sinasabihan mo ako kung kailan pwede na akong tumingin, kung kailan ako dapat pumikit. Pero kampante naman ako kasi lagi kang nandiyan, tahimik na nanonood habang nakahawak ka sa kamay ko. Hindi ko na namalayan na importante ka na pala sa akin.


“Bago tayo maghiwalay”

            “Oo, kaya natin to.” Yan lagi ang sinasabi ko sa’yo simula noong naging magkapartner tayo sa PE noong Grade 8. Wala naman akong ibang magagawa eh, kundi i-cheer ka at palakasin ang loob mo. At saka tuwing PE ko lang naman nagagawa ‘yan, kasi yun lang naman yung natatanging bagay na may ibubuga ako kumpara sa’yo. Yun lang naman yung natatanging bagay na maipagmamalaki ko sa’yo, na mas magaling ako sa’yo sa PE. Pero hanggang dun lang yun. Langit at lupa pa rin ang pagitan nating dalawa.

            Pero, kahit langit at lupa pala ay maaari ring magtagpo. Kahit ang mga bagay na noo’y inakala kong imposible ay nangyayari. Heto, ikasiyam na grado, at magkaklase pa rin tayong dalawa. Patuloy ang ating magandang pagsasamahan. Ang ating pagkakaibigang nabuo dahil sa isang sayaw ng PE class.

Palagi tayong magkatabi kapag walang binigay na seating arrangement yung teacher. Nagpapaturo ako sa’yo ng mga lesson na hindi ko maintindihan. Magkatext tayo hanggang madaling araw, kahit pa madalas ay wala tayong pinag-uusapan at puro “Haha” na lang yung lumilitaw sa mga text messages natin. At naging kasa-kasama na rin kita sa panonood ng mga Movie Marathon mo.

Palaging Horror Movie yung pinapanood natin. Palagi kang tumitili at sumisigaw ng “AYOKO NAAAAAAAAA” kapag may lumilitaw na nakakatakot na eksena, at minsan kahit wala. Kapag nangyari yun, hahawakan kong bigla ang iyong kamay. Parang nung Grade 8 lang. At bigla kong maaalala kung paanong dati-rati ay hindi ako makatingin nang diretso tuwing dadaan ka. Kung paanong naging magkaibigan tayo dahil sa isang sayaw, at kung paanong ang lahat ng ito ay nauwi sa isang kuwento ng pag-ibig na kung saan tayong dalawa ang bida.

“Lahat lahat, ibibigay. Lahat lahat.”

"Naniniwala ka ba sa tadhana?"

Sa tinagal-tagal nating magkasama, tuwing tinatanong ako niyan, oo na ang sagot ko. Oo, naniniwala ako sa tadhana. Oo, naniniwala akong hindi biro yung isang sayaw na yun na sabay nating inaral, kung saan binuhos ang lahat para sa isa't isa. Oo, naniniwala ako na ikaw dapat prom date ko para sa unang prom natin.

Inabangan mo talaga na walang tao sa Narra Wing 1 para doon ako dalhin ng mga kaibigan natin. Nag-aabang ka sa Dance Room, hindi bulaklak ang hawak mo kundi yung malaking radyo ng PE Dept. Nakakatawa kang tingnan, parang Grade 8 lang. Kinakabahan ka at tinitingnan ng mata mo ang lahat bukod sa mga mata ko. Ibinaba mo ang radyo at pinatugtog mo ang kantang sinayawan natin sa practical test. Naglakad ka papunta sa akin at kinuha mo ang kamay ko.

"Kapag kaliwa ako, kanan ka ha?"

Mas may kumpiyansa ka na sa sarili at ikinatutuwa ko 'yun. Hindi ko mapigilan ang ngiti ko habang sumasayaw tayo. Tahimik lang tayo, naiintindihan ang hiling ng isa't isa na alalahanin na lang muna ang nakaraan habang inaasam ang hinaharap. Hindi mo na kailangan itanong.

Yes, I'd love to go to Prom with you.

“Paalam sa’ting huling sayaw”

            Oo, tadhana. Tadhana ang naglapit sa atin. Tadhana ang naging daan upang magkatagpo ang langit at lupa. Tadhana ang naging dahilan para maging magkapartner tayo noon sa PE. Tadhana ang nagbigay-daan upang magkalapit ang ating mga damdamin. At tadhana rin ang nagsasabi sa akin na ikaw nga ang dapat kong maging Prom Date.

            Hindi biro ang mga ginawa ko noon para lang makuha ang inaasam kong oo mula sa’yo. Alam mo naman kung gaano ako ka-mahiyain, ‘di ba? Kinailangan kong hiramin yung radyo ng PE Dept. Tapos kinasabwat ko pa yung mga kaibigan mo. Mamula-mula ako sa hiya noon nung pinagtututukso nila ako. Pero sabi ko sa sarili ko, ngayon, kaya ko nang gawin ang lahat, basta para sa’yo.

            Noong gabi ng Prom, para tayong nasa alapaap. Pakiramdam natin, parang ang lahat ay hindi na magwawakas. Pakiramdam natin, tumigil na ang pag-ikot ng mga kamay ng orasan. Pakiramdam natin, ganito na lang tayo habang buhay, masaya habang sumasayaw sa saliw ng ating paboritong kanta.

“May dulo pala ang langit”

Sabi nila, ang paalam, hindi naman yun lagi ang huli dahil may parating pa na pagkikita. Matatapos na ang taon, at kasabay nito ang pagtatapos ng buhay natin sa UPIS. Nasa dulo na tayo pero sa huli, lagi namang may nag-aantay na panimula pagkatapos ng paalam.

Ito na lamang ang inaalala ko nang magkasayaw tayo sa Grad Ball. Nandito na tayo. Nagpapalitan ng grad pic, hindi na cellphone number. Nag-iiyakan hindi dahil sa grades, kundi dahil huling sayaw na natin 'to. Sa loob ng tatlong taon, bumuo tayo ng kuwentong tila ilang pahina na lang ang natitira.

Bumuo tayo ng mga alaalang hindi ko na mabilang subalit mabilis kumawala ang mga alaala sa kadena ng panahon. Kung pwede lang sana, itinago ko na ang mga ito sa isang garapon para hindi na mawala, pero nababasag rin naman ang garapon. Kaya pwede ba, dalhin mo na lang ito sa puso mo. Tutal ang puso mo naman ay madadala mo kung saan ka dalhin ng tadhana.

Hindi ko inakalang magsisimula at magtatapos sa isang kanta at isang sayaw ang kuwento natin. Kailangan muna nating matutunan na mahalin ang sarili at tahakin ang sariling landas.

Kapag kaliwa ka, kanan ako, diba?

“Kaya’t sabay tayong bibitaw, sa ating huling sayaw.”

            Narito na nga tayo, sa mga huling bahagi ng ating buhay-highschool. Nakalipas na ang mga panahong hinahangaan pa lamang kita at pinagmamasdan mula sa malayo. Nakalipas na ang mga panahong magkasayaw tayo para sa isang requirement. Narito na tayo, sa huling kabanata ng ating kuwentong pag-ibig.

            Bumuhos ang lahat ng ala-ala. Mga pagkakataong ni hindi ako makatingin ng tuwid sa mga mata mo. Mga pagkakataong pumaparoo’t parito lang ako sa’yo na parang hanging hindi mo napapansin. Mga pagkakataong nabago nang maging magkapartner tayo sa PE Class. Hinding-hindi ko iyon malilimutan, tinuturuan pa kitang sumayaw, at sa ating maliit na mundong iyon umusbong ang isang pag-ibig.

            Grad Ball. Huling kanta. At ito na rin marahil ang ating huling sayaw. Ninamnam natin ang bawat sandaling magkahawak ang ating kamay. Walang nagsasalita sa atin. Walang umiimik.  At nang papatapos na ang kanta, mula sa iyong mumunting mga mata ay nagsimulang tumulo nang paunti-unti ang mga luhang bumibigkas ng mga katagang “Paalam na.” Ito na nga, ang ating huling sayaw.
           
            Niyakap kita nang matapos ang kanta. Binalot kita sa isang mahigpit na yakap na tila ba nagsasabing “Huwag ka munang aalis.” Pero, alam ko, kailangan rin kitang bitawan. At kasabay ng pagbitaw na iyon ay ang aking pagsambit ng mga katagang, “Sige, paalam na.”

            Ngunit sa piling ng ating mga munting paalam, iniisip ko, at alam kong hindi pa ito ang huli. At naniniwala ako na balang araw, muli kong mababanggit sa iyo ang mga katagang,

            “Oo, tama, kapag kaliwa ako, kanan ka.”


*Inspired by Kamikazee’s Huling Sayaw



You Might Also Like

0 comments: