akinse,

Literary (Submission): Akinse

4/20/2015 08:39:00 PM Media Center 0 Comments


Sa aming mga minamahal na ate at kuya,
Palapit na ang araw na inyong kinasasabikan
Masusulit na ang mga araling pinagpuyatan,
Pati ang bawat gawain at proyektong pinaghirapan

Nais naming ipabatid na ipinagmamalaki namin kayo,
Sa lahat ng inyong dinaanang hirap, pagod at sakripisyo
Saludo kami sa inyong pagsisikap
Para lamang makamit ang inyong mga pangarap

Ngunit sa inyong paglisan sa paaralan,
‘Di maiiwasang malungkot at masaktan.
Ang dating mga ate at kuya na lagi naming kakulitan,
Ngayo’y malalaki na’t handa nang magsipag-alisan.

Mami-miss namin kung paano kayo magsaya,
Mga awit at tugtugan niyo sa corridors kasabay ng gitara,
Mga laro niyo ng ultimate Frisbee tuwing uwian,
Mga trip niyong napakalakas, mami-miss naming ‘yan.

Hinding-hindi namin malilimutan
Ang batch niyong astig at ibang klase.

0 comments:

2x9,

Sagot ni Oble kay Lorna

4/20/2015 08:34:00 PM Media Center 0 Comments

Basahin ang liham ni Lorna dito.

0 comments:

19nite,

Maligayang Pagtatapos, Akinse!

4/20/2015 08:28:00 PM Media Center 0 Comments


0 comments:

behind the scenes,

Dear Future MC

4/13/2015 09:57:00 PM Media Center 0 Comments



Humanda kang mabuko ang lahat ng pinakatago-tago mong mga sikreto dahil ang MC ang pinakamagaling maghukay. Matututo ka ring maging honest sa sarili mo. Kaya ‘wag matakot maglabas ng feels sa mga article. Pero wag niyong uubusin ang patience nina Ma’am Cathy at Ma’am Wena. Mahalin niyo sila. Hahaha. And just enjoy what you do! :)
- Noelle Lumbre, Writer (MC1 2015)

Hi guys! Pinagsisisihan niyo na ba? (HAHA joke lang!) Ang demanding di ba? Dahil pati sa bahay nagtatrabaho ka, nagsusulat, nagpopromote, etc. Pero galingan ninyo! Maging masipag kayo. ‘Wag magpasa ng mediocre work at magpasa on time! Sana rin madami kayong hugot para madali lang buhay niyo, haha. Sana grumaduate kayo! <3 <3
- Raine Abaya, Writer (MC2 2015)

Ang MC ang pinakanakakabaliw dahil di ka lang patatawanin sa mga usapan habang klase pero paiiyakin ka rin sa dami ng kailangang gawin. Mag-promote kayo tuwing publishing day para matalo niyo record namin at para di magalit sina Ma’am CatWeng dahil di niyo magugustuhan ang mangyayari. Wag rin kayo mag-aaway-away sa klase. Prioritize well at wag na wag mag-procrastinate dahil kayo rin ang mahihirapan. Nasa huli ang pagsisisi (pati na rin ang pandidiri sabi nga ni Ma’am Cathy).
- Patricia Enriquez, Writer (MC2 2015)

Mag-isip ka ng topic na makakarelate ang karamihan sa students. Maganda lalo kung unique pero may laman. May mga times na mahihirapan kang maglagay ng title sa mga lits at headlines sa mga news mo pero kahit wala ka nang maisip na isulat, kailangan pa rin ipilit!!! Maging masaya lalo na kung work session dahil may free food HAHA! Pero enjoy, promise!
- Camille Lita, Writer (MC2 2015)

Wag kayong matakot maging vulnerable. Puhunan ninyo yung emotions niyo, gamitin niyo siya to its full potential. Magiging best friend niyo rin ang Merriam Webster kapag nagsusulat kayo ng English lit. I-enjoy niyo rin ang work program na ‘to kasi masaya siya. Relax ka lang. Wag mong masyadong i-stress ang sarili. :)
- Zita Pedragosa, Writer (MC2 2015)

Ang MC ang pinaka-masaya na subject/work program dahil feeling mo hindi talaga siya subject, tapos tuwing matatapos yung klase mafefeel mo na nag-enjoy ka talaga. Kikiligin ka rin dahil malalaman mong maraming tao ang nakakaappreciate sa ginagawa niyo. Kung may doubt kayo o pagsisisi sa inyong mga isip, tanggalin niyo na, i-enjoy niyo lang habang MC pa kayo. Siya nga pala, yung kuweba natin, paki-ingatan. Panatilihing sagrado ang ating kulto :))
- Aina Ramolete, Writer (MC2 2015)

Maha-hassle ka dahil sobrang daming requirements. Pero puro articles lang ang gagawin mo. Kaya punuin mo na ang quota mo para chill ka na lang kahit bawal ang naka-chill. Dapat laging may ginagawa.
- Uriel Sunga, Writer (MC2 2015)

Matuto kang pahalagahan ang oras. Aabot ang work program mo hanggang 6:00 pm. Pero MC ang pinakaastig dahil nae-enjoy mo ang ginagawa mo. Write as much as you can. Cooperate with your fellow MC peeps. And enjoy!
- Julou Tirol, Writer (MC2 2015)

Ang MC ang pinaka-risible and ruminative yet tenacious and fervent na work program. Oha 'di ko alam ang ibig sabihin nun. Pero ang alam ko, pag nasa MC ka, mararanasan mo ang lahat ng PINAKA sa buong sem mo.
Kung gusto mo talagang ma-enjoy ng mga mambabasa ang gawa mo, handa ka dapat magbigay ng todong effort. Sobrang mae-enjoy mo 'yang MC. Kapag hindi ka nag-enjoy, e di hindi hahahahahaha may magagawa ba ako dun? Good luck! :)
- Don Oriel, Sports Editor (MC1 2015)

Alam kong kinakabahan kayo sa mga kailangan ninyong gampanan bilang MC pero isa rin ito sa mga pinakamasayang bahagi ng Grade 10 life. Inaabangan ko ito tuwing Wed-Fri.
Magtiwala lang kayo sa inyong mga sarili. Magsulat ka ng lits para maipahayag ang iyong feelings. Sana ay ipagpatuloy ninyo ang pagpapakita ng husay at pagkamalikhain ng isang UPIS student.
- Katreena Nulud, Literary Editor (MC1 2015)

Maghanap kayo ng hugot kung saan-saan—sa water fountain, Econ, kay Sir Brenson, atbp. Matututo kayong mag-Photoshop o magmukhang marunong mag-Photoshop. Patawanin niyo ang mga nagbabasa kasi pinaiyak na namin sila. Good luck sa mga projects at try ninyong simulan nang maaga para may tulog kayo. Huwag iwala ang artiks bago magpub. Follow your dreams, never give up, smile, breathe, cry, and remember: MC is everything.
- Kathlyn Hebron, Art Director (MC1 2015)

Sa MC, natuto akong bigyang boses ang tinta ng bolpen ko, at bigyang buhay ang mga blangkong papel na mayroon ako. Ibuga mo lahat ng kasipagang maibubuga mo, kailangan mo yan. Pag nagkaroon ka ng writer's block, isipin mo lang yung crush mo, may masusulat ka na. Higit sa lahat, maging masaya at i-enjoy lang ang pagiging MC! Magugulat ka sa kapangyarihan ng imahinasyon mo. God bless you!
- Christine Bailon, Associate Editor - Filipino (MC1 2015)

Sa first day, malulunod kayo sa dami ng gagawin pero sa mga susunod na araw… malulunod pa rin kayo. Haha! Pero pwede naman kayong magpatugtog ng Hiram, Pangako Sa’yo, at Isang Linggong Pag-ibig habang may klase. Pwede ring magpalaro ng Agawang Talong sa last day.
Sinasabi ko na sa inyo, hindi niyo pagsisisihan ang pagiging MC dahil marami kayong madi-discover na mga shocking news and revelations wow hahaha jk! Pwera biro, marami talaga kayong matututunan at magiging close pa kayo. Good luck sa inyo!
- Anna Punzalan, Managing Editor (MC1 2015)

Ang MC ang pinaka-nakakaattach na asignatura dahil huhugot at huhugot ka kahit anong mangyari. Tapos dahil dun sa hugot na 'yun maaappreciate mo ang pagsusulat hanggang sa maging natural na sa'yo ito. #PowerofHugot Sa MC, kailangan ng kahit onti lang, or medyo lang, ay may angkin kang kabaliwan dahil hindi ka makakasurvive kung completely mentally stable ka. Lahat kasi ng bagay kakailanganin mong isipin at maisip, lalo na kapag nagsusulat ka na ng lits with matching theme. Mahalin niyo ang MC. Ang pagsusulat. Kasi ipinapangako ko sa inyo na magiging madali, masaya, at kailanma'y hindi ninyo iisiping trabaho ito kapag ginawa niyo 'yun. Sobra talagang fulfilling nung entire thing.
- Jesica Caneca, Editor in Chief (MC1 2015)

Ang MC ang pinakamahirap dahil maraming requirements. Pero panindigan mo ang MC dahil pinili mo yan. Mas masaya naman ito kaysa sa ibang work programs kaso mas matrabaho rin. Humanda ka nang bumalik-balik sa school ng summer dahil sa Sulyap ninyo.
- Andrei Vertudes, Literary Editor (MC2 2015)

Maging masipag ka, lalo na kung magpapub kayo ng gabi. Kahit di ka masyadong magaling magsulat, basta masipag ka, okay na! :) Ang MC ang pinakamasayang work program dahil kahit maraming ginagawa, masaya pa rin kasi marami kayong magtutulong-tulong para matapos agad.
- Nicole Rabang, News Editor (MC2 2015)

Allergic ka siguro sa pahinga. Andito ka eh. Pero ang MC ang pinaka-rewarding lalo na kapag nakita mo ang impact ng ginawa mo sa readers. Kung gusto mo maging Art Director, mag-ipon ka ng maraming ideas, magsearch ng maraming art blogs para makakuha ng inspirasyon lalo na pag pub day at, higit sa lahat, wag kang tatamarin kundi gg ka!
- Aemel de Leon, Art Director (MC2 2015)

1) Seryosohin ninyo itong work program na ito.
2) Hindi ito biro, swear. Nalaman kong mahirap ang aking pinasukang work program.
3) Huwag mag-volunteer sa paggawa ng video for K-12 kasi sobrang madugo at nakakaiyak huhuhu.
- Reisa Elgincolin, Associate Editor – English (MC2 2015)

Ang MC ang pinaka-horror dahil nakasalalay sa iilang tao ang paggraduate mo. ‘Wag kayong magka-crunchtime ng pub day. Kumpletuhin niyo agad ‘yung required article count especially yung news articles kasi mahirap humagilap niyan. ‘Wag kayong mag-CoC lang habang may work session. At siyempre, ‘wag niyong gagalitin sina Ma’am. :)
- Macky Barrientos, Associate Editor – Filipino (MC2 2015)

Maging handa ka sa mga gagawin dahil karamihan ng oras mo dito mapupunta. Kahit tapos na ang class hours, may klase pa rin kayo. Dapat matuto kang chumismis para malaman mo ang mga bagong balita lalo na sa paghahanap kung sino ang mga nagsubmit ng lits. Kahit pinaka-nakakasabaw dahil mauubusan ka ng ideya kakasulat, pinakabongga rin naman dahil may party at free food.
- Arienne Baladad, Managing Editor (MC2 2015)

Hi! Isasama kita sa aking mga panalangin. Alam kong kakayanin mo ito. Koya/’Teh, wala nang atrasan. Maloloka ka sa work program na ito dahil dito, lahat ng emosyon pwede mong maranasan sa ilang minutong pag-upo mo sa silya. Mapapatunayan mo nang #everythingisaboutMC o kaya naman na #MCisLife. Kayanin mo ‘yan. Matulog ka na habang maaga pa. :p
- Quiela Salazar, Editor in Chief (MC2 2015)

-----

Dear Former MC,

Kamusta na kayo? Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Hehe. :)

Maraming salamat! Lahat ng inyong ideya, kuwento, balita, chika, kagalingan, kalokohan, pawis, hirap, lungkot, kaba, saya, at tagumpay ay nagamit naming puhunan sa pagpapabuti ng mga sumunod na publication at MC staff.

Tunay na hindi malilimutan ang mga opinyong  at ideyang inyong ibinahagi sa panulat, mga emosyong inyong ibinuhos sa papel, at ang mga karakter na inyong binigyang-buhay sa mga kuwento.  Dahil sa inyong mga naiambag, naging matagumpay ang Work Program na ito.  Higit sa lahat, kinagiliwan at kinaabangan ng mga mambabasa ang bawat artikulong ibinibahagi ng MC.  Tunay na kayo at ang higit pang mga nauna sa inyo ang naging pundasyon ng programa ng Media Center.

Alam namin na bilang MC (o kahit bilang tao na nga lang hehe) hindi kayo nauubusan ng sasabihin at isusulat kaya sana’y alam niyo rin na laging bukas ang mga pahina ng Ang Aninag para sa inyo. 

See you again! :)

Dear Future MC,

Sana okay pa kayo diyan. Hehe. :)

Kung kayo’y kabado, natatakot, o nagsisisi na dahil sa mga sinasabi nila tungkol sa dami ng requirements, pag-oovertime, at pagtatrabaho hanggang summer… sige lang. Totoo naman lahat ‘yan. Hindi namin ipagkakaila.

Pero sinisigurado rin namin na kayo ay maraming matututuhan habang nasisiyahan at nag-eenjoy! :) Kung gaano kayo matutuwa at mag-eenjoy, aba, depende na ‘yon sa inyo.

Mas madalas sa minsan, makakahanap ka ng barkada at pamilya sa mga kasama mo sa MC. Iba ang bonding na dulot ng sama-samang pagtatrabaho mula sa simula hanggang  matapos—mula sa pag-iisip ng ipapublish at pakikinig (at minsan pang-aasar) sa mga ideas at hugot, hanggang sa pagsusulat at pagpo-promote. Mararanasan ninyo na bukod sa kakayahan, talento, at talino, mahalaga rin ang pakikisama, pagtitiwala, at pananalig sa isa’t isa.

Maaaring masabi ninyong nakakapagod, pero sa huli babawiin n’yo rin yun.  Pagkat walang katumbas ang matatamis na ngiti ng mga readers kapag nagustuhan nila ang articles.  Walang katumbas ang papuri ng mambabasa kapag nakita nila ang husay ng pagkakasulat ng literary ninyo.  Ang pagod, lungkot, hirap, at pagkayamot sa tambak na trabaho ay nawawala dahil sa mga tumatangkilik ng inyong gawain. 
 
Hinihintay na namin kayo sa MC.  Excited na kaming makatrabaho kayo.

See you soon! :)

Dear MC 2015,

Lagi naming sinasabi na may tatak ang bawat MC staff na dumadaan sa amin.  Kayo, MC 2015 ang pinakaadik naming batch. 

Para sa MC1, Kayo ang nagpasimula ng hashtags bilang theme ng bawat publishing.  Naging sikat din ang MCPakisabi dahil sa inyo.  Unang batch kayo, na kung saan, inabot ng dalawang araw ang publishing day mapagbigyan lamang ang submissions ng iba.  Sa batch n’yo rin nanggaling ang mga pinakahugot na mga article.  Bihira kayong magsulat ng Happy Lits, mas madalas sawi at malungkot. 

Kahit ilang beses kaming na-stress sa inyo dahil sa pagkawala ng ilang articles, at hindi pagiging ready sa pub, proud kami sa inyo dahil natural, sa kabila nun nakatapos pa rin kayo sa inyong work program :).  At marami kayong naidagdag na bago sa programa.  Ipinakikita lamang nito ang inyong pagiging malikhain at kasipagan sa pag-iisip ng mga bago.  

Para sa MC2, 1st place kayo pagdating sa bilang ng views ng site dahil sa #MCPaps.  Natalo ninyo ang mga batch na nauna sa inyo.  1st place din kayo sa kabaitan at katahimikan pag nagtatrabaho (kahit sa MC party tahimik.  Sobra).  Ang totoo di kami makapaniwala na magkakaroon kami tahimik na MC staff.  Ilang beses na rin naming sinabi sa isa’t isa ‘yun na para bang nananginip lang kami kaya kailangan naming ulit-ulitin sa sarili naming na tahimik kayo. 

2nd place naman kayo sa pagiging OC.  Lahat ng bagay kailangang  tignang mabuti at balikan na, masasabi naming mainam naman.  Hindi kayo umuuwi hanggat hindi tapos ang lahat ng kailangan (kahit pa pub day).  Kinailangan nyo pang orasan ang mga sarili ninyo para ma-remind kayo na kailangan ninyong umuwi na nang bahay dahil may MC rin sa bahay.  Pangalawa kayo sa lahat na nakakapuno ng MC board kakasulat ng schedule :).  Pero, sa totoo, bilib na bilib  kami sa inyo.  Mahusay kayong sumulat (kaya di kami nahirapang mag-edit), mag-isip, marami kayong ideas. Higit sa lahat, mahusay kayong mag-handle ng pressure sa trabaho. 

Naging masaya kami na kasama kayo. Naging matagumpay ang MC ngayong taon dahil sa inyo.  Hindi namin pinagsasawaan ang pag-handle ng work program na ito pagkat nandiyan kayo at ang iba pang MC batch (na nauna sa inyo at siguro’y susunod pa) na talaga namang kahanga-hanga.  Kaya, sa inyo MC 2015, maraming salamat!

Love,
Ma’am CatWeng

0 comments:

behind the scenes,

5, 10, 15... The MC 2015 Behind the Scenes

4/13/2015 09:39:00 PM Media Center 0 Comments



5 Katangian ng Taga-MC

1.      Inuunang gumawa ng articles kaysa sa ibang requirements. – Macky Barrientos
2.      Nakakakain ka at nakakapag-earphones sa 2:30 pm class mo ng Malaya. – Aina Ramolete
3.      Ang notifs lang sa Facebook ay mga posts sa MC group. – Andrei Vertudes
4.      Tumatawa na lang bigla dahil sa biglaang pag-alala sa mga usapan sa loob ng MC Room. – Don Oriel
5.      Ma-Chika, May Concern, at Ma-curious (PINILIT HAHAHAHA) sa mga bagay-bagay. – Anna Punzalan

----- 

10 Bagay na Kailangan sa MC

1.      Hugot o inspirasyon dahil ito ang mga susi para sa magaganda at makabagbag-damdaming mga article. – Kathlyn Hebron, Katreena Nulud, Quiela Salazar, Arienne Baladad, Macky Barrientos

2.      Sources… para sa balita, feature, at… sources para malaman mo kung sino ang mga nagsusubmit sa #MCPakisabi. – Anna Punzalan

3.      Matinding time management skills dahil napakaraming ginagawa nang sabay-sabay. – Aemel de Leon

4.      Focus at kasipagan dahil maraming kailangang tapusin at maiiwanan ka ng mga kasama kapag hindi mo sinimulan agad. Mahihirapan ka rin pag sunod-sunod na ang requirements mo dito. – Aina Ramolete, Julou Tirol

5.      Patience dahil matagal maghintay sa taong nagsusulat ng lit. – Andrei Vertudes

6.      Dedikasyon dahil hindi kayo gagraduate kapag di kayo lahat gumagawa. Hehehe. – Zita Pedragosa

7.      Kape dahil kailangan mong manatiling gising para makagawa ng requirements. – Nicole Rabang

8.      WiFi dahil… wala lang. Para fun! Haha. – Raine Abaya

9.      Determination, wits, fighting spirit, at puso dahil mare-realize mo na kaya mong gumawa ng mga bagay na ikatutuwa ng mga tao sa paligid mo kapag nabasa nila iyon. Pero bago 'yon, 'wag mo namang kalimutang magdala ng bolpen at papel. Dami mo ngang dinadamdam, wala ka pa palang panulat. – Don Oriel

10.  Kagitingan dahil balang araw haharapin mo ang iyong mga pagkukulang. – Uriel Sunga

-----

10 Matututunan o Malalaman sa MC

1.      Iba talaga kapag kaya niyong mag-work together within the group. – Zita Pedragosa
2.      Mag-multitask. – Macky Barrientos
3.      Magtype nang mabilis pero may typo, maging organized, gumawa ng typogs, at magpub. – Arienne Baladad
4.      Maging chismosa HAHAHAHAHAHA. Kailangan eh para may masulat HAHA. – Raine Abaya
5.      Manahimik kapag chika time kasi… HAHAHAHAHA! Secret! :)) – Camille Lita
6.      Hindi magandang mag-react kaagad sa sarili mong suggestion. #parakayMC – Katreena Nulud
7.      Mag-dinner sa oras na pa-midnight snack na ang ibang tao. HAHAHA. – Anna Punzalan
8.      Maging malungkot kahit masaya kasi mas madaling magsulat ng lit na malungkot. – Patricia Enriquez
9.      Patuloy na pagtawa at ngiti kahit na ilang beses ka nang sinasampal nina Stress, Pressure, at Time. – Don Oriel
10.  Paano maging panginoon ng crunchtime. – Aemel de Leon

----- 

10 Pub na Hindi Malilimutan

1.      #ParaKayMC
Memorable ang paghahanda para sa pub na ito dahil wala nang maisip na hashtag pero na-inspire ang isang staff ng lit na Para Kay A. Habang tahimik ang lahat, bigla niyang naisigaw: “Para kay MC!” Hindi pa nakakareact ang iba, naidagdag niya, “Ay. Okay,” sabay tayo at lipat ng upuan. Kami’y natawa dahil initials yun ng crush niya.

2.      #MCPakisabi
Nabuo ang publishing tradition na ito nang mapansin na mas marami na ang submissions kaysa sa naisulat ng staff. Ang hashtag ay inspired ng tulang Pakisabi na sinubmit ni Manuel at sinagot ng Sabi-sabi ni Feeling Natalie. Sa pamamagitan ng pub na ito, napatunayan naming malaki ang writing potential ng UPIS students at nalaman naming marami silang feelings.

3.      #MCAnniversary
Hinanap at pinakiusapan ang mga dating MC staff na magsulat at mag-submit para sa pub na ito. Special ito dahil bukod sa nagsilbi itong reunion, isa rin itong pagpapatunay na once you’ve been part of MC, you will always be a part of it.

4.      #MC1Month
Isang buwan na lang ang natitira bago ipasa ng MC1 2015 ang kanilang mga responsibilidad sa MC2. Ready na lahat ng typogs para sa pub at handa na rin silang magpromote pero… nang magsisimula na, naku, nawawala ang banner article! Hindi malaman kung na kanino. Sinubukang isulat ulit ngunit hindi na umabot. Dahil doon, hinding-hindi malilimutan ng MC1 ang tanging pub na naunsyami ngayong taon.  Dagdag pa rito ang pagharap nila sa mga naiinis na adviser.

5.      #MCGeneration
Memorable para sa MC1 ang pub na ito dahil nang maupo si Don Oriel bilang Di MaAninag Online EIC, two weeks yata silang walang ginawa kundi mantrip, manlaglag, at humalakhak. Muntik pang magkabatuhan ng upuan at magbangayan dahil dito. Ang #MCGeneration ay inspired ng teaser na ito:


Kilala rin ang pub na ito bilang #MCNaNulud dahil noong mga panahong kailangang-kailangan ang pagiging ME ni Katreena Nulud, nasa Japan siya.  Sa MC, kapag absent ka maghanda ka na dahil ikaw ang topic at biktima ng chikahan.  Kaya bihira ang absent takot silang mapag-usapan.

6.      #UndertheMC
Excited na excited kami para sa pub na ito dahil magaganda at hugot na hugot ang lits tungkol sa dagat at dalampasigan. Pati hashtag bet na bet. Meron pang bonus na ganitong panggulat teaser mula sa nag-iisang Lit Mermaid:


Pero sa kalagitnaan ng pub, nalunod sa kaba ang staff dahil biglang nag-announce na lalabas na ang results ng UPCAT.  Ayun, dedma ang beauty ng mga article.  Hanggang ngayon hinayang na hinayang kami sa pub day na ito.

7.      #MCPaps
Ito na ang pinakapopular na edisyon ng Di MaAninag Online. Sa pamumuno (at pagsasakripisyo) ni EIC Macky Barrientos, napahalakhak at napuno ng good vibes ang UPIS online community. Dahil sa pagkahulog ni Bochog, sa kapogian ni Carlo, sa mga deboto ni Jama, at sa mga reklamo ni Sinigang na Adobo, umani ito ng halos 2000 hits in 2 days.  Nilampasan ang lahat ng pub day simula nang mag-online ang Ang Aninag.

8.      #MCSagutan
Medyo matagal pinag-isipan ng MC2 2015 kung ano ang publishing tradition na kanilang iiwanan. At dahil nauuso at pumapatok ang sagutan lits, naisip ni Ma’am Cathy magbunutan ang staff at magreply sa lit na isusulat ng partner nila. Wala nga namang thrill masyado kaya sabi ng MC2, submissions ang sasagutin nila. Hindi nila alam kung sino ang nagsulat ng nireplyan nila pero hindi sila makatiis kaya hinanap at pinagtanong pa rin nila.  Umabot pa sila sa puntong nakikipag-bargain na sila ng ibang chismis kapalit ng name ng writer.

9.      #MC365
Wala pang kalahati ng sem, naisip na ang theme na “time” at nakapagsulat na rin ng articles para dito. Ngunit hanggang sa araw ng pub, wala pa ring maisip na hashtag. Ilan sa mga suggestions ang MClock, MCentury, MCconds, MCgundo, at MCcondToTheLast hanggang sa nauwi sa #MC365. Lahat ng title ng lits para dito ay may kinalaman sa oras at halos lahat ay malungkot o sawi ang nilalaman.

10.  #LoveMC
Wala na sigurong mas espesyal pa sa pub na ito dahil ito ang huling pub bago mailipat sa K-12 program ang MC. Maaaring isa’t kalahating taon pa bago muling buksan ang Ang Aninag Online kaya sinulit na ng mga staff, writers, contributors, at readers. Naramdaman namin sa dalawang pub night na ito how much we all #LoveMC.

-----

15 Palatandaan na ikaw ay taga-MC2015

1.      Unang meeting pa lang nagplano na kayo ng design ng ID at t-shirt. Maganda! MC na MC talaga.  Kakaiba.  Naka-print ang pen name tapos may illustration ng camera, papel, ballpen at iba pang madalas gamitin sa MC. Sosyal pa ang kulay—teal. Pero… nangalahati  na ang sem… hanggang natapos  na ang sem… tapos na rin ang taon… wala. Wala pa rin kayong ID at t-shirt.

2.      Isa sa mga unang ipinagawa sa inyo ay brainstorming ng CW project.  Sige lang plano lang.  Kahit ano pupuwede.  Kahit nga “joke time” lang ang konsepto, tinanggap. Kayo naman ang mahihirapan eh. Pero sa CW niyo napatotohanan na may success story sa joke dahil kahit isang linggo niyong pinagtripan ang mga pangalan at pangyayari, mauuwi pa rin naman sa relatable na kwento ng mga interesting na characters kagaya ng mayabang at wrong-gramming lord na si Kevin, grammar nazi na si Jia, genius mama’s boy na si Matty, at arte girl Math whiz na si CohCoh.

3.      Mula nang magkaroon ng Ang Aninag Online, kayo pa lang ang MC na naka-survive ng walang maayos na computer at walang laptop ang Art Director. Kering-keri niyong i-manual labor ang pub days!

4.      Kayo ang nagsimula ng mga pub day na may hashtag at theme. May mga pub kayong nakaabot ng 2800+ hits at marami rin kayong pub na umabot ng 1,000+. Ganoon siguro talaga pag spammer ang mga EIC at hindi nahihiyang magpost sa lahat ng group (kahit yung mga nabaon na sa limot at napaglumaan na ng panahon) sa Facebook.

5.      Sa inyo ang unang beses na online ang mga EIC sa first pub days ng sem. Konti lang ang pub days na na-cram n’yo. Mga dalawang beses lang kayo nag-apologize para sa di natuloy na pub day—noon lang nakawala kayo ng mahalagang article na naging dahilan kaya nadismaya ang pub. Hindi lang isang beses napaaga ang pub day. Pero hindi niyo pa rin na-break ang sumpa ng MC—third quarter na, wala pang grade, at summer na, pumapasok pa!

6.      Pagbukas ng mga bag ninyo, nag-uumapaw sa papel. May yellow paper, intermediate paper, scratch paper, at kung ano-ano pang klaseng papel. Sa mga papel na ‘yon nakasulat ang mga article na hindi  pa ninyo tapos isulat, hindi ninyo tapos iedit, o tapos na ninyo  isulat o iedit pero di n’yo pa ipinapasa.  Kung minsan, nasulat at na-edit na pero di naman approved for publishing.  Ang saklap!

7.      Lumuhod at nagmakaawa kayo kay Ma’am Wena para kumanta siya ng TL Ako Sa’yo. Uwing-uwi na kayong lahat, masakit na ang tuhod niyo pero hindi kayo tumayo hangga’t di niya pinipirmahan ang inihanda ninyong kontrata. Nagdala pa kayo ng Magic Sing noong last day. Pero di pa rin siya kumanta. Hehe.

8.      Nanghuhula kayo kung sino ang writers na nagsusubmit ng articles. Minsan, pati kung sino at ano ang hugot, hinuhulaan niyo rin. Nanghihingi kayo ng clues, nag-oobserve, nag-iinterview, at nagreresearch. Nakikipagtawaran at pilitan pero hindi niyo pa rin matalo si Ma’am Cathy sa hulaan. Kasi alam niya lahat ng tungkol sa life n’yo.  Akala n’yo lang hindi. Pero oo. :)

9.      Bumuo kayo ng literary OTPs. Sinuwerte kayong makahanap ng writers na may “literary chemistry” (Atordido, 2015). Kinilig kayo sa mga tambalang Uni Pin 0.5 x Needle Pin, Faber Castell 0.7 x Battlefield, Ms. Takes x Altostratus, at Saviour of the Broken x Pandaz dahil bagay sila sa lit, minsan pati na rin sa totoong buhay.

10.  Magkukwentuhan muna kayo tungkol sa kung ano-ano, maglalaro ng CoC o NBA, kakain, mag-eedit ng thesis, tatapusin ang financial report sa PA… basta gagawa muna kayo ng ibang bagay bago kayo magtatrabaho para sa MC kaya imbis na hanggang 5pm lang, uuwi ng 6pm, at magtatrabaho pa hanggang hatinggabi.

11.  Naranasan mo nang hindi matulog dahil wala ka pang approved article ni isa (dito nakasalalay ang grades mo).  Naging best friend mo ang kapeng barako dahil may publishing kinabukasan at kailangan mong gumawa ng sandamamak na typogs, sasabay pa ang pag layout ng Aninag, at dadagdag pa ang Sulyap.

12.  Nagka-LQ kayo ng boyfriend/girlfriend (pseudo man o totoo) mo dahil naubos na ang oras mo sa MC. Pati siya damay sa late na pag-uwi. Minsan pa, tawag na siya ng tawag sa’yo dahil wala ka nang kailangan ka niya. (Pero di siya dapat magalit kasi minsan pag focused na focused ka sa work, sinisigawan ka na ng mga kasama mo, navideohan ka na, di mo pa nahahalata. Anywaaay...) Nasaan ka?  Hayun, nakaupo sa harap ng mahiwagang MC computer at nagkakandabulag sa pag-eedit ng mga class pic mula kinder hanggang hayskul.  At dahil gahol ka na sa oras, ang tangi mo na lang magagawa ay magmakaawang “huwag mo na akong awayin ngayon plis… marami pa akong gagawin para sa MC.” Pero napatunayan mo rin na talagang mahal ka niya kasi hinihintay at pinapatawad ka pa rin niya. Yihee.

13.  Kakaiba ang mga #MCParty niyo. May parlor games at karaoke. Meron ring guests na hindi former MC staff na inimbita ang kanilang mga sarili kaya nagpadala sila ng sampung 1.5 na drinks with matching cooler pa  at nagbahagi ng maraming kwento ng kanilang kasawian.

14.  Nakakapit kayo ng mahigpit at nagdadasal kayo ng taimtim kasi thirty minutes before approval of graduating students, nasa listahan pa rin kayo ng pending dahil wala pa ang draft ng printed Aninag. Nakahinga kayo ng maluwag, nag-cheer kayo nang malakas, at di maubos ang pasasalamat niyo sa lahat ng itinuturing niyong diyos at diyosa nang humahangos na dumating ang inyong Art Director para ipasa na ang kopya.

15.  Napatunayan na ninyong hindi kayo binibiro noong sinabihan kayo na #everythingisaboutMC. Para sa inyo pa nga, #MCisLife.

0 comments:

bella swan,

Literary (Submission): Tadhana*

4/13/2015 09:18:00 PM Media Center 1 Comments



"Sa hindi inaasahang pagtatagpo ng mga mundo..."

2014.

Siguro ‘pag nababagot ang Universe sa kanyang araw-araw na gawain, tinatawag niya at inuutusan ang pilyong si Tadhana para bahagyang guluhin ang mga bagay-bagay.

“Class number one… at…” Muling kumuha si Ma’am ng maliit na papel mula sa fishbowl.

“Number… fourteen.”

Sa Biyernes na ‘yan, nang tinawag ang mga class number natin para sa literary writing project sa MP (Malikhaing Pagsulat), naging biktima ako ng pagkabagot ni Universe at kapilyuhan ni Tadhana.

Ang malas kaya! Major project sa subject na di ko gamay tapos yung partner ko maganda nga, hindi ko naman masyadong kilala, first time kong kaklase. Paano naman ako papabuhat niyan? Diyahe naman kung aasa ako. Sayang! Mukhang kayang-kaya mo pa naman gawing mag-isa dahil yung mga isinusulat mo, laging napopost sa bulletin board.

Haist! Mapipilitan tuloy akong mag-effort—sa project at sa pakikisama sa’yo. Parang mas problema ko pa nga kung paano ka pakikisamahan para di naman boring. Tahimik ka lang kasi eh. Pati yung tawa mo parang walang sound. Tawa na nga lang, pabulong pa para sa’yo. Pero madalas ka namang nakangiti, may mga kaibigan ka naman siguro. Okay ka naman. Di ka naman dead kid.

Nang pinagtabi na ang partners, hindi kita masyadong tinitingnan kasi, wala lang… nakakailang. Kaya tinanong kita habang kunwaring nagnonotes, “Pano ‘to? Kelan natin gagawin?”

1… 2… 3… 4… 5… 6… 7… *kroo kroo*

Hintay ako nang hintay ng sagot mo. Pero wala. Sige na nga, titingnan na kita. “Anong gagawin natin?” Napansin kong gumagalaw yung bibig mo pero hindi ko marinig ang sinasabi mo. Tagtipid sa boses? Mauubusan?

“Ha? Ano yun?” tanong ko. Bumuntong hininga ka at umirap pa. Aba naman! Galit ka pa yata. Nilapit ko na lang ang tenga ko para siguradong marinig ko.

“Sa Monday na lang,” sabi mo ng mahinang-mahina. Sige lang. Para matapos agad.

"May minsan lang na magdugtong, damang dama na ang ugong nito..."

Pero dumating ang Monday, hindi tayo natapos agad. Siguro tatlong Lunes nating isinulat. Di pa kasama diyan yung sinusubukan nating gawin sa klase mismo. Nung pa-deadline na, nagmi-meeting pa tayo after ng klase pag TTh.

Sa dami ng requirements sa ibang subject, kung tutuusin, pwede namang sa chat na lang gawin o kaya magkanya-kanya tas pagsamahin na lang natin. Pero wala eh. Nag-enjoy akong kasama ka.

Nalaman kong medyo lumalakas naman pala ang boses mo at marami kang kwento pag komportable ka na sa kasama mo. Nakikinig ka sa mga walang kwenta kong sinasuggest at pinipilit mo pang isama sa kwento.
Nalaman kong nag-MC ka kasi gusto mong maging writer. At dahil mas gusto mong nagsusulat kesa nagsasalita.
My Gel lang ang ballpen na ginagamit mo. Kumpleto mo lahat ng kulay nun. Di ka mapakali pag may kulang dun.
Bago mag-6:30 am nasa school ka na pero bandang 6:30 pm ka sinusundo kahit pa maaga ang tapos ng klase.
Mahilig kang magbasa at mabilis kang matapos sa isang libro. Ayaw mo kay John Green. Mas gusto mo si Jason Grace kesa kay Percy Jackson.
Mahilig ka sa sour cream fries. Ayaw mong may pearls ang milk tea.
Adik ka dati sa K-pop pero ngayon sa Koreanovela na lang.
Sapat na si Harry Styles pero iiyak ka pag na-disband ang One Direction.
May alaga kang aso, si Bruno.
Mabilis kang matawa at nakakahawa ang tawa mo.
Mabait ka. Matulungin sa kapwa. Masunurin sa magulang. Masayahin. Maganda. Lahat na.

Sa maikling panahon na magkatrabaho tayo, marami akong nalaman tungkol sa’yo. At marami pa akong gustong malaman.

"Hindi pa ba sapat ang sakit at lahat na hinding hindi ko ipararanas sa'yo..."

Pero paano? Dito lang tayo magkaklase. Hindi naman tayo yung masasabing magkaibigan na talaga. Ayoko naman maging FC (feeling close). Baka naman ma-turn off ka pag bigla na lang kitang itext o kaya chinat. Lalo na siguro pag bigla na lang akong lumapit at makipagkwentuhan sa’yo ng walang dahilan. Baka lalo pa tayong di maging friends. Baka sa halip na bumubulong ka pag kausap mo ako, daanin mo na lang senyas. Sayang naman ang maikling panahon na nagkasama tayo.

Nanghihinayang ako sa nasimulan natin. Aaminin ko, may halo na rin sigurong takot. Hindi malayong mahulog ako sa’yo dahil ngayon pa lang, nagsisimula na akong magustuhan ka. Madalas na kitang maisip. Kaso palagay ko hindi pa panahon para dito. Baka lalo akong manghinayang kung hindi maganda ang kahinatnan.

"Ibinubunyag ka ng iyong mata, sumisigaw ng pagsinta..."

Kaya siguro okay na munang pagmasdan at hangaan ka mula sa malayo. Susulitin ko na lang yung tatlong oras kada linggo na sigurado akong pareho ang iniikutan ng mga mundo natin. Kahit hanggang hi, hello, bye lang muna ang usapan natin, at least kahit papano napapansin mo ako. Kung may pagkakataong makatabi ka, makamusta, makausap, matulungan… kukunin ko ng walang pag-aalinlangan.

Pero sa ngayon, bahala na muna si Tadhana. Pababayaan ko na muna ang Universe. Tutal kasalanan naman nila.

At kung talaga namang sinadya nila ‘to, siguro naman… sana naman… hindi “tayo” matatapos sa pagsulat natin ng kwento.

-----

"Ba't di pa patulan ang pagsuyong nagkulang..."

2015.

Sabi nila, yung pagdating ng mga tao sa buhay mo, sinasadya raw yun ng Tadhana. Lahat—kung paano kayo magkikita, magkakakilala, kung magiging magkaibigan ba kayo o magkaaway, kung mananatili ba siya o mang-iiwan… lahat raw ‘yan pinlano nila ng Universe.

Pero naniniwala ako na ‘yang Universe at Tadhana na ‘yan, hanggang first encounter lang ang naplano ng buo niyan. Yung pangalawa, pangatlo, pang-apat o pang-ilan mang beses na pantitrip nila sa’yo, hanggang dun lang siguro sa pagkikita ang inoorchestrate nila.

Kung ano man mangyayari sa inyo dun, nasa sa’yo na ‘yun. Hindi mo na pwedeng isisi sa Universe o kaya kay Tadhana. Kahit sila naman talaga ang adik.

Parang itong ginawa nila sa ‘kin.

“In pairs isusulat ang chapters ng CW project. Draw lots tayo para sa partners. ‘Yung magkapareho ng number, sila ang magkapartner,” paliwanag ni Ma’am.

Nung tinawag ka ni Ma’am para sabihin kung ano ang number na nabunot mo, sabi mo, “Seven.”

HAY NAKU NAMAN, UNIVERSE.

Ako ‘yun. Ako ‘yung seven. Tayo na naman. Partner na naman tayo sa sulatan.

"Tayong umaasang Hilaga't Kanluran..."

Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Kasi nung huli tayong maging partners sa MP, na-enjoy ko ng sobra yung paggawa ng project. Mahiyain ako by nature at matagal mapalagay ang loob ko sa isang tao pero ewan ko ba kung bakit sa’yo, parang natuwa agad akong magkwento at makinig sa kwento. Masaya kang kasama. Akala ko nga magiging friends na tayo. Kaso pagkatapos ng project na ‘yun, wala na rin. Sa bagay, hindi naman kasi tayo friends talaga. Baka sadyang hanggang MP classmates na lang tayo.

Ngayon eto na naman. Hay.

Humila ka ng upuan, papalapit sa akin. Ngumiti ka at sinabing, “Kamusta ka na? Malakas na ba ang boses mo?”

Natawa ako at umiling. Siguro naman dahil may puhunan tayo kahit papano, magiging okay naman ang pagwowork natin. Umasa akong mas mabilis natin tong matatapos kesa dun sa MP project.

Kaso… hindi. Isang buwan na yata, hindi pa rin tayo makadecide. Malapit na yung deadline ng chapter natin, wala pa tayong legit na kwento. Sa bagay, nalilibang kasi tayong magkwentuhan tungkol sa buhay-buhay.

"Ikaw ang hantungan..."

Nalaman kong maingay ka pa rin. Parang mamamatay ka pag di ka nakapagsalita.
Nalaman kong nag-MC ka kasi sabi ng mga kaibigan mo sa higher batch na masaya raw. Tsaka lagi kang nagbabasa pag pub day.
Wala kang laging panulat. Pero marami kang papel. Weird.
Hindi ka pa rin umaabot sa Flag Ceremony. Lagi kang napagsasarhan ng pinto sa first period class.
Gustong-gusto mong nanonood ng horror movies kaya nahihirapan kang matulog sa gabi at ayaw mong tumitingin sa salamin.
Pizza lang buhay ka na. Di ka umiinom ng milkshake at ayaw mo rin ng ice cream.
Puro OPM ang nasa iPod mo. Paborito mo yung mga 90s na banda—Eraserheads, Rivermaya, Parokya ni Edgar.
Mas gusto mong mag-ball is life kesa mag-aral. Pero lagi kang mabango. Parang di ka pinapawisan.
Super corny at luma na ng jokes mo pero nakakatawa pa rin.
Naiinis ka pag umaabot na sa collar ng polo mo ang buhok mo. May dimples ka pag ngumingiti.
Maloko ka. Mapang-asar. Pero mabait ka rin naman. Magalang. Masayahin. Gwapo ka pa rin.

Hay. Ano ba ‘to?

"At bilang kanlungan mo..."

One day before deadline. Wala pa rin tayong kwento.

“Eh kung ano na lang…” biglang sabi mo.

“Ano?” tanong ko.

“Tungkol na lang sa magkababata.”

“Tapos?”

“Parang... ano… parang elem pa lang magkakilala na sila. Pero hindi sila magkaibigan. Tas high school na lang sila naging magkaklase.”

“Hmmm… pwede.”

“Isang araw, naging partner sila sa project! Haha! Sa English!” sabi mo.

Parang alam ko ‘to ah. “Okay. Tapos dahil doon naging close sila?” Tumango ka.

“Ano ang conflict?” tanong ko.

“Magugustuhan nila yung isa’t isa pero di sila sigurado kung may chance.”

“Kaya lalayo na lang sila sa isa’t isa?”

“’Yung lalaki lang. Kasi… ewan… siguro natatakot siya.”

“Natatakot siyang ano?” tanong ko.

“Tuluyang ma-fall,” sagot mo.

‘Yun ba? ‘Yun ba ang dahilan kaya hindi mo na ko kinausap pagkatapos ng MP?

“Sige. Ganun na lang. Pero gawin nating happy ending ah!” sabi ko.

Malapit nang mag-6:30 nang matapos natin ang chapter. Iniilawan na natin gamit ang phones natin ang papel.

Nag-inat ka, sabay sabing, “Ayan! Saya naman ng mga bida sa kwento natin!”

Mahina akong tumawa at nagsimula nang magligpit ng gamit. Maayos na ang bag ko nang muli akong mapatingin sa’yo.

“Tayo kaya?” nakangiti mong tanong.

“Huh? Anong tayo?” nagtataka kong sinabi.

Kahit madilim, napansin ko ang pamumula mo. 1… 2… 3… 4… 5… 6… 7… *kroo kroo*

“Hanggang CW project lang rin kaya tayo?”

Hala. Naramdaman ko na rin yung pamumula ng mukha ko. Pero napangiti ako at sinabi sa’yong…

“Hindi naman siguro.”

"Ako ang sasagip sa'yo."


*Inspired by Up Dharma Down's Tadhana

1 comments:

literary,

Literary (Submission): Once Upon a Regret

4/13/2015 09:08:00 PM Media Center 0 Comments



When we fell in love with each other, I knew
That loving you is something I will never undo
There was no problem we can’t pass
So I thought that 'til the end, we will last

Now, we’re still together
But I don’t know if it’s the best for one another
I know there’s so much to hold on to
But I have to go on and leave you

He said it’s the best for me
But the reason for our separation is what I can’t see
And what’s the point of leaving for a good cause
When the other half of my heart is lost.

You thought this... this is better?
This... may be worse than believing in forever.
When you finally found the one
You decide to end what we just begun

It’s been a long time since we’ve parted ways
But my heart still beats for you everyday
I admit, I regret leaving you
Because a life without you is something I can never get used to

I’ve been waiting for your return
When to live without you is something I couldn’t learn
But how can you fix my broken heart
When it was also you who tore mine apart

I just wish that I could press rewind
Hoping that you would change your mind
And if you do, we can start over
And make sure that we’ll end the same way we started, together.

0 comments:

hashtag,

Literary (Submission): Sa Iyong Tabi

4/13/2015 09:03:00 PM Media Center 0 Comments



Alam mo yung malungkot ka? Yung konti na lang tutulo na yung luha mo? Yung pag tumulo yung luha mo, bigla ka na lang magwawala? Nasaktan ka kasi eh. Iniwan ka. Pinaasa sa wala.

Tapos yung mga kaibigan mo gagatungan pa 'yong lungkot mo. "Umasa ka naman kasi!" "Alam mo naman palang may iba na!" "Pwede naman kasing si ano na lang. Di ba?" Eh bakit ba? Mahal ko eh.

Minsan talaga mapapamura ka na lang. O kaya ibubulong mo na lang sa sarili mo, "Tanga-tanga ka naman kasi eh! Sige! Asa pa, more!" With matching pukpok sa ulo, para maidikdik sa kukote mo na umasa ka lang talaga.

-----

Eto na naman tayo…

Araw-araw na lang, minu-minuto, sa bawat sandali siya lang ang laman ng isip mo. Bigyan mo naman siya ng Gatorade, baka napapagod na kakatakbo sa utak mo. Hindi mo rin alam kung bakit ka ganiyan. Eh hindi ka naman gusto, pinapansin ka lang kung may kailangan siya tapos sa lahat ng babae sa school siya pa ‘yung trip mo. Marami naman diyan na “di hamak na okay” kaysa sa kanya. Ang galing mo rin eh, ang lakas mo magtiwala sa tadhana, sa tadhanang gawa-gawa mo lang diyan sa makulit mong imahinasyon. Para kang sira. Pinapapaniwala mo lang ang sarili na kayo ang destiny! Edi waw, di ba?

Maganda siguro kung pagkain na lang ‘yang pag-ibig. Kung masarap, e di tanggapin pero kung mapait na, e di pwede mo namang iluwa. Kaso wala eh, nararamdaman mo lang, wala kang takas, sa oras na tamaan ka ni Kupido. Kaya ‘yan tignan mo siya baliw na baliw sa iba samantalang ikaw; ayun, baliw na baliw naman sa kanya. Bagay talaga kayo, parehas kayong tatanga-tanga.

Tatabihan mo siya tapos titingin ka sa kanya, siya naman sabay lingon dun sa poging kaagaw mo. Ang ganda ng love cycle mo: magmahal, masaktan, at ulit-ulitin mula sa magmahal tapos masaktan...

-----

Pupunta ka sa canteen. Mag-oorder ng paborito mong lunch na siomai with rice. Kakain sa paborito mong lamesa. 'Yong dilaw na lamesang kulay lapis na gawa ng PAC1 2015. Basta yung nasa pinakasuluk-sulukan ng canteen, doon ka uupo, kasi walang nakakapansin sa’yo. Doon ka iiyak. Doon ka magdradrama. Doon mo ilalabas ang sama ng loob mo. Doon mo sasabihing bakit di na lang ikaw. Eh, ikaw naman ang may kasalanan. Sumige ka pa?

-----

Pero may napansin ka sa kaniya isang araw, nandun siya sa canteen doon sa pinaka-sulok. Well, lagi naman siyang malungkot pero ngayon kasi naramdaman mong mas kailangan ka niya kaya sumubok ka ulit, baka sakaling maputol na yung maalat na love cycle.

-----

Hindi mo alam, may nakaupo na pala sa harap mo, naghihintay lang na tumingala ka pagkatapos ng pag-iyak mo, para mapansin mo siya. Pupunasan niya nang dahan-dahan ang mga luha sa mga mata mo. Maingat at walang pagmamadali.

Siya.

Siya ang iniiyakan mo, noon pa, sa tuwing bigo ka at sawi. Di mo siya napapansin, kasi abala kang nakatingin sa iba. Hindi mo siya napansin kahit siya ang nasa tabi mo palagi.

"Nandito ako," sabi niya sa’yo. Pero hindi mo pinansin.

-----

Lumapit ka, naghintay, tinitigan mo siya. May iba lang na nangyari ngayon: tinitigan ka niya. Ngumiti siya sa’yo pagkatapos mong punasan mga luha niya, yung ngiting lagi mong inaabangan.

Ang tagal mong naghintay, ilang beses kang nasaktan, ilang ulit ka na ring binalewala. Ayos lang ‘yun, kaya nga mahal mo di ba?

-----

Napatitig ka sa mga mata niya. At nalaman mong walang kasinungalingan ang mga sinabi niya sa’yo.

Simula noon, hindi ka na tumingin pa sa iba. Bakit pa nga ba? Kung nasa tabi mo na pala.

0 comments:

hunyo,

Literary (Submission): Kay Tagal

4/13/2015 08:58:00 PM Media Center 0 Comments



Isa…
Dalawa…
Tatlo…
Apat…

Apat na taon na tayong magkasama.
Mahabang panahon na ang iginugol sa isa’t isa.
Masaya naman tayong dalawa,
Lalo na ako dahil ikaw ang kasama.

Isa…
Dalawa…
Tatlo…
Apat…
Lima…

Limang taon na kitang minamahal.
Limang taon na kitang hinihintay.
Nariyang maiinip na ako’t nalulumbay.
Subalit patuloy pa rin akong sumugal.

Isa…
Dalawa…
Tatlo…
Apat…
Lima…
Anim…

Anim na taon na ngayong ikaw at ako pa rin.
Matapos ang anim na taon,
Problema mo’y natapos na rin.
At sinabing tayo na hanggang sa huli.

Isa…
Dalawa…
Tatlo…
Apat…
Lima…
Anim…
Pito…

Ikapitong tao’y hindi natin aabutin
Pagkat sa anim na taon,
Napagod sa paghihintay yaring puso,
Naglaho maging damdamin kong may pagsuyo.

Unti-unti pag-ibig ko’y naglaho
Na naghintay sa’yo nang Kay Tagal.

0 comments:

altostratus,

Literary (Submission): Huling Sayaw*

4/13/2015 08:52:00 PM Media Center 0 Comments



Ito na ang ating huling sandali”

Hindi ka importante. Ang mga mundo natin ay napakalayo sa isa’t isa, ni minsan hindi pa ata tayo naging magkaklase. Ni hindi nga kita napapansin noong Grade 7 eh. Para kang hangin sa akin. Dumadaan ka, pero hindi naman kita nakikita. Hindi ko namamalayan yung presensiya mo kahit na mga pitong taon na ata tayong magka-batch sa UPIS. Hindi naman sa ayoko sa’yo. Sadyang hindi lang kita kilala kaya ang lagi kong naiisip tuwing napapadaan ka ay “Hindi ka importante.”

“‘Di na tayo magkakamali

            Noon, para ka lamang isang bituin sa kalangitang kahit kailanman ay hindi ko kayang abutin. Tinitingala ka ng lahat. Ikaw yung tipo ng babaeng halos walang kapintasan sa buhay. Tapos, ni hindi pa nga kita nagiging kaklase. Samantalang ako, simula pa noong Kinder eh wala pa akong nagagawang bagay na maski ako ay magiging proud. Para lang akong isa sa mga lalaking tambay sa may kanto tapos kumakanta nang paglakas-lakas kahit wala sa tono. Kaya nahihiya ako sa’yo. Kaya sa bawat pagkakataong nakakasalubong kita sa hallway, wala akong magawa kundi yumuko na lamang at tumitig sa sahig.

“Kasi wala nang bukas, sulitin natin, ito na ang wakas.”

At sa hindi inaasahang pagkakataon, naging magkaklase tayo. Sa lahat pa ng araw na pwede akong mag-absent, kahapon pa. Pumili na pala ng partners para sa PE. Kapareho tayong absent at dahil ikaw ang naiwan na lalaki, tayo ang pinag-partner ni Ma'am.  Hindi ako naniniwala sa tadhana kaya sabihin nating kamalasan ‘to.

“Uhm, mali na naman paa mo. Kapag kaliwa yung gamit kong paa,  uhm ano.. kanan dapat sa’yo.” halos hindi ko na marinig yung sinasabi mo pero napangiti na lang ako.

“Kanan naman yung gamit kong paa nun ah,” Binibiro lang kita pero sineryoso mo naman.

“Ah.. eh.. ano.. kasi….sige panoorin na lang muna natin sila.” Napatawa ako ng kaunti sa’yo.

“Sorry ha. Hindi kasi talaga ako marunong sumayaw. Parang puro kaliwa lang alam ng mga paa ko.” Napangiti ka nito pero hindi ka na umimik.

Nakailang ulit pa tayo bago ako nasanay na kaliwa sa'yo, kanan sa akin, kaliwa sa'yo, kanan sa akin. Imposible atang bumagsak sa PE pero sa lagay na ‘to, mukhang uulit pa ata ako ng PE 8. Pero natutuwa ako sa mga tahimik mong komento at paggabay, mga tawa at ngiti na hindi inaasahan. Dahil sa’yo lagi akong una pumasok sa Dance Room kasi gusto ko na agad sumayaw kasama ka, makausap ka, at makakulitan ka. Inaabangan ko ang mga panahon na tinitingnan mo na ako sa mata at hindi ang sahig ang minamasdan mo.


“Kailangan na yata nating umuwi”

            Hayun nga, naging magkaklase tayo nung ikawalong grado. At sa hindi inaasahang pagkakataon, tayo pa ang naging magkapartner sa PE 8, ballroom dance. Nung malaman ko yun, grabe ang kaba na naramdaman ko. Sino ba namang hindi kakabahan kapag makapartner mo yung taong hinahangaan mo ‘diba? Pero, nalaman kong hindi ka pala marunong sumayaw. Nalaman kong pareho palang kaliwa ang mga paa mo.

            Buti na lamang at medyo marunong naman ako sumayaw. Inalalayan kita. Ginabayan. Itinuro ko sa iyo kung saan dapat nakapuwesto ang iyong mga paa, kung kailan ka dapat iikot, kung kailan mo bibitiwan ang kamay ko, at kung kailan mo ito hahawakang muli. Mahirap ka palang turuang sumayaw. Madalas pa nga, napapatid ka. Pero sige lang, nagpatuloy lang tayo.

            Sa mga pagkakataong ito kahit papaano ay nagkaroon ako ng lakas ng loob, ng tiwala sa sarili. May mga bagay pa rin naman pala na kaya kong gawin. At dahil dito, natutunan kong hindi na lamang tumingin sa sahig kapag naglalakad at nakakasalubong ka. Natuto akong maglakad nang tuwid ang likod. Natuto akong tumingala at tingnan ka sa mata.

           
Hawakan mo’ng aking kamay,”

“Kaya natin ‘to, pramis.”

Yun yung lagi mong sinasabi sa akin noon, bago tayo mag-practical test. Paminsan inaalala ko yung mga panahon na yun para makaraos. Iba na ang PE ngayon. Panay raketa at bola na ang nahahawakan ng kamay ko. Nakaka-miss rin pala na may nakahawak ng kamay mo habang umiindak. Alaala na lang ang mga munting sikreting nabubuo habang magkahawak ang kamay natin at magkasabay tayong gumagalaw ayon sa kanta.

Magkapareho pa rin ang section na sinusulat natin sa bawat papel, pero di tulad nang dati, lampas na sa PE ang pagsasama natin. Hindi na tayo puro practice lang para sa PE, paminsan nagm-movie marathon na rin tayo. Kulang na lang ay mabasag na ang lahat ng baso sa bahay ko kasi puro horror ang pinapanood natin. Parang sumasayaw pa rin tayo. Natatawa ka sa’kin at ginagabayan mo ako sa bawat eksena. Sinasabihan mo ako kung kailan pwede na akong tumingin, kung kailan ako dapat pumikit. Pero kampante naman ako kasi lagi kang nandiyan, tahimik na nanonood habang nakahawak ka sa kamay ko. Hindi ko na namalayan na importante ka na pala sa akin.


“Bago tayo maghiwalay”

            “Oo, kaya natin to.” Yan lagi ang sinasabi ko sa’yo simula noong naging magkapartner tayo sa PE noong Grade 8. Wala naman akong ibang magagawa eh, kundi i-cheer ka at palakasin ang loob mo. At saka tuwing PE ko lang naman nagagawa ‘yan, kasi yun lang naman yung natatanging bagay na may ibubuga ako kumpara sa’yo. Yun lang naman yung natatanging bagay na maipagmamalaki ko sa’yo, na mas magaling ako sa’yo sa PE. Pero hanggang dun lang yun. Langit at lupa pa rin ang pagitan nating dalawa.

            Pero, kahit langit at lupa pala ay maaari ring magtagpo. Kahit ang mga bagay na noo’y inakala kong imposible ay nangyayari. Heto, ikasiyam na grado, at magkaklase pa rin tayong dalawa. Patuloy ang ating magandang pagsasamahan. Ang ating pagkakaibigang nabuo dahil sa isang sayaw ng PE class.

Palagi tayong magkatabi kapag walang binigay na seating arrangement yung teacher. Nagpapaturo ako sa’yo ng mga lesson na hindi ko maintindihan. Magkatext tayo hanggang madaling araw, kahit pa madalas ay wala tayong pinag-uusapan at puro “Haha” na lang yung lumilitaw sa mga text messages natin. At naging kasa-kasama na rin kita sa panonood ng mga Movie Marathon mo.

Palaging Horror Movie yung pinapanood natin. Palagi kang tumitili at sumisigaw ng “AYOKO NAAAAAAAAA” kapag may lumilitaw na nakakatakot na eksena, at minsan kahit wala. Kapag nangyari yun, hahawakan kong bigla ang iyong kamay. Parang nung Grade 8 lang. At bigla kong maaalala kung paanong dati-rati ay hindi ako makatingin nang diretso tuwing dadaan ka. Kung paanong naging magkaibigan tayo dahil sa isang sayaw, at kung paanong ang lahat ng ito ay nauwi sa isang kuwento ng pag-ibig na kung saan tayong dalawa ang bida.

“Lahat lahat, ibibigay. Lahat lahat.”

"Naniniwala ka ba sa tadhana?"

Sa tinagal-tagal nating magkasama, tuwing tinatanong ako niyan, oo na ang sagot ko. Oo, naniniwala ako sa tadhana. Oo, naniniwala akong hindi biro yung isang sayaw na yun na sabay nating inaral, kung saan binuhos ang lahat para sa isa't isa. Oo, naniniwala ako na ikaw dapat prom date ko para sa unang prom natin.

Inabangan mo talaga na walang tao sa Narra Wing 1 para doon ako dalhin ng mga kaibigan natin. Nag-aabang ka sa Dance Room, hindi bulaklak ang hawak mo kundi yung malaking radyo ng PE Dept. Nakakatawa kang tingnan, parang Grade 8 lang. Kinakabahan ka at tinitingnan ng mata mo ang lahat bukod sa mga mata ko. Ibinaba mo ang radyo at pinatugtog mo ang kantang sinayawan natin sa practical test. Naglakad ka papunta sa akin at kinuha mo ang kamay ko.

"Kapag kaliwa ako, kanan ka ha?"

Mas may kumpiyansa ka na sa sarili at ikinatutuwa ko 'yun. Hindi ko mapigilan ang ngiti ko habang sumasayaw tayo. Tahimik lang tayo, naiintindihan ang hiling ng isa't isa na alalahanin na lang muna ang nakaraan habang inaasam ang hinaharap. Hindi mo na kailangan itanong.

Yes, I'd love to go to Prom with you.

“Paalam sa’ting huling sayaw”

            Oo, tadhana. Tadhana ang naglapit sa atin. Tadhana ang naging daan upang magkatagpo ang langit at lupa. Tadhana ang naging dahilan para maging magkapartner tayo noon sa PE. Tadhana ang nagbigay-daan upang magkalapit ang ating mga damdamin. At tadhana rin ang nagsasabi sa akin na ikaw nga ang dapat kong maging Prom Date.

            Hindi biro ang mga ginawa ko noon para lang makuha ang inaasam kong oo mula sa’yo. Alam mo naman kung gaano ako ka-mahiyain, ‘di ba? Kinailangan kong hiramin yung radyo ng PE Dept. Tapos kinasabwat ko pa yung mga kaibigan mo. Mamula-mula ako sa hiya noon nung pinagtututukso nila ako. Pero sabi ko sa sarili ko, ngayon, kaya ko nang gawin ang lahat, basta para sa’yo.

            Noong gabi ng Prom, para tayong nasa alapaap. Pakiramdam natin, parang ang lahat ay hindi na magwawakas. Pakiramdam natin, tumigil na ang pag-ikot ng mga kamay ng orasan. Pakiramdam natin, ganito na lang tayo habang buhay, masaya habang sumasayaw sa saliw ng ating paboritong kanta.

“May dulo pala ang langit”

Sabi nila, ang paalam, hindi naman yun lagi ang huli dahil may parating pa na pagkikita. Matatapos na ang taon, at kasabay nito ang pagtatapos ng buhay natin sa UPIS. Nasa dulo na tayo pero sa huli, lagi namang may nag-aantay na panimula pagkatapos ng paalam.

Ito na lamang ang inaalala ko nang magkasayaw tayo sa Grad Ball. Nandito na tayo. Nagpapalitan ng grad pic, hindi na cellphone number. Nag-iiyakan hindi dahil sa grades, kundi dahil huling sayaw na natin 'to. Sa loob ng tatlong taon, bumuo tayo ng kuwentong tila ilang pahina na lang ang natitira.

Bumuo tayo ng mga alaalang hindi ko na mabilang subalit mabilis kumawala ang mga alaala sa kadena ng panahon. Kung pwede lang sana, itinago ko na ang mga ito sa isang garapon para hindi na mawala, pero nababasag rin naman ang garapon. Kaya pwede ba, dalhin mo na lang ito sa puso mo. Tutal ang puso mo naman ay madadala mo kung saan ka dalhin ng tadhana.

Hindi ko inakalang magsisimula at magtatapos sa isang kanta at isang sayaw ang kuwento natin. Kailangan muna nating matutunan na mahalin ang sarili at tahakin ang sariling landas.

Kapag kaliwa ka, kanan ako, diba?

“Kaya’t sabay tayong bibitaw, sa ating huling sayaw.”

            Narito na nga tayo, sa mga huling bahagi ng ating buhay-highschool. Nakalipas na ang mga panahong hinahangaan pa lamang kita at pinagmamasdan mula sa malayo. Nakalipas na ang mga panahong magkasayaw tayo para sa isang requirement. Narito na tayo, sa huling kabanata ng ating kuwentong pag-ibig.

            Bumuhos ang lahat ng ala-ala. Mga pagkakataong ni hindi ako makatingin ng tuwid sa mga mata mo. Mga pagkakataong pumaparoo’t parito lang ako sa’yo na parang hanging hindi mo napapansin. Mga pagkakataong nabago nang maging magkapartner tayo sa PE Class. Hinding-hindi ko iyon malilimutan, tinuturuan pa kitang sumayaw, at sa ating maliit na mundong iyon umusbong ang isang pag-ibig.

            Grad Ball. Huling kanta. At ito na rin marahil ang ating huling sayaw. Ninamnam natin ang bawat sandaling magkahawak ang ating kamay. Walang nagsasalita sa atin. Walang umiimik.  At nang papatapos na ang kanta, mula sa iyong mumunting mga mata ay nagsimulang tumulo nang paunti-unti ang mga luhang bumibigkas ng mga katagang “Paalam na.” Ito na nga, ang ating huling sayaw.
           
            Niyakap kita nang matapos ang kanta. Binalot kita sa isang mahigpit na yakap na tila ba nagsasabing “Huwag ka munang aalis.” Pero, alam ko, kailangan rin kitang bitawan. At kasabay ng pagbitaw na iyon ay ang aking pagsambit ng mga katagang, “Sige, paalam na.”

            Ngunit sa piling ng ating mga munting paalam, iniisip ko, at alam kong hindi pa ito ang huli. At naniniwala ako na balang araw, muli kong mababanggit sa iyo ang mga katagang,

            “Oo, tama, kapag kaliwa ako, kanan ka.”


*Inspired by Kamikazee’s Huling Sayaw



0 comments: