chocobutternut,

Literary (Submission): Sa Dulo x Magkikitang Muli

4/23/2018 09:35:00 PM Media Center 0 Comments




Sa Dulo Nang Tayo’y Nagtagpo


Ito na ba
Ang huling takipsilim
Ang huling ihip ng hangin
Ang huling haplos sa aking pisngi?

Dahil alam ko na ang 'yong sasabihin
Bakit hindi mo na lang hawakan ang aking kamay
Huwag ka na sanang magsalita
At isayaw na lang ako sa himig ng mga tala

Sana'y huwag nang magpaalam
Sana'y huwag mo nang ipahiwatig
Hayaan na lang nating dumating ang bukang-liwayway
Sabay sa huling indak, saka ka na mawalay

Sa ating napipintong katapusan
Marapatin sana ang aking hiling
Kailangan ko ng maitatagong alaala
Dahil baka ang puso'y di na tumibok pa...




Magkikitang Muli

Ito man ang huli nating takipsilim
Ito man ang huling ihip ng hangin
Ang ating huling sandali
Hindi pa ito ang huling paghaplos sa iyong pisngi

Hindi na muna hahawakan ang 'yong kamay
Baka mas piliin ko pang manatili
Kahit kailangan ko nang lumisan
Lulubusin ang sandali habang ika'y pinagmamasdan

Ako muna'y iyong bitawan
Ngunit ating mga alaala'y huwag kalilimutan
Uunahin muna ang aking pag-aaral
Sabay nating sasalubungin ang bukang-liwayway nang magkahiwalay

Ngunit, huwag kang mag-alala
Pangako, magkikita tayong muli...

You Might Also Like

0 comments: