bella swan,

Literary (Submission): Tadhana*

4/13/2015 09:18:00 PM Media Center 1 Comments



"Sa hindi inaasahang pagtatagpo ng mga mundo..."

2014.

Siguro ‘pag nababagot ang Universe sa kanyang araw-araw na gawain, tinatawag niya at inuutusan ang pilyong si Tadhana para bahagyang guluhin ang mga bagay-bagay.

“Class number one… at…” Muling kumuha si Ma’am ng maliit na papel mula sa fishbowl.

“Number… fourteen.”

Sa Biyernes na ‘yan, nang tinawag ang mga class number natin para sa literary writing project sa MP (Malikhaing Pagsulat), naging biktima ako ng pagkabagot ni Universe at kapilyuhan ni Tadhana.

Ang malas kaya! Major project sa subject na di ko gamay tapos yung partner ko maganda nga, hindi ko naman masyadong kilala, first time kong kaklase. Paano naman ako papabuhat niyan? Diyahe naman kung aasa ako. Sayang! Mukhang kayang-kaya mo pa naman gawing mag-isa dahil yung mga isinusulat mo, laging napopost sa bulletin board.

Haist! Mapipilitan tuloy akong mag-effort—sa project at sa pakikisama sa’yo. Parang mas problema ko pa nga kung paano ka pakikisamahan para di naman boring. Tahimik ka lang kasi eh. Pati yung tawa mo parang walang sound. Tawa na nga lang, pabulong pa para sa’yo. Pero madalas ka namang nakangiti, may mga kaibigan ka naman siguro. Okay ka naman. Di ka naman dead kid.

Nang pinagtabi na ang partners, hindi kita masyadong tinitingnan kasi, wala lang… nakakailang. Kaya tinanong kita habang kunwaring nagnonotes, “Pano ‘to? Kelan natin gagawin?”

1… 2… 3… 4… 5… 6… 7… *kroo kroo*

Hintay ako nang hintay ng sagot mo. Pero wala. Sige na nga, titingnan na kita. “Anong gagawin natin?” Napansin kong gumagalaw yung bibig mo pero hindi ko marinig ang sinasabi mo. Tagtipid sa boses? Mauubusan?

“Ha? Ano yun?” tanong ko. Bumuntong hininga ka at umirap pa. Aba naman! Galit ka pa yata. Nilapit ko na lang ang tenga ko para siguradong marinig ko.

“Sa Monday na lang,” sabi mo ng mahinang-mahina. Sige lang. Para matapos agad.

"May minsan lang na magdugtong, damang dama na ang ugong nito..."

Pero dumating ang Monday, hindi tayo natapos agad. Siguro tatlong Lunes nating isinulat. Di pa kasama diyan yung sinusubukan nating gawin sa klase mismo. Nung pa-deadline na, nagmi-meeting pa tayo after ng klase pag TTh.

Sa dami ng requirements sa ibang subject, kung tutuusin, pwede namang sa chat na lang gawin o kaya magkanya-kanya tas pagsamahin na lang natin. Pero wala eh. Nag-enjoy akong kasama ka.

Nalaman kong medyo lumalakas naman pala ang boses mo at marami kang kwento pag komportable ka na sa kasama mo. Nakikinig ka sa mga walang kwenta kong sinasuggest at pinipilit mo pang isama sa kwento.
Nalaman kong nag-MC ka kasi gusto mong maging writer. At dahil mas gusto mong nagsusulat kesa nagsasalita.
My Gel lang ang ballpen na ginagamit mo. Kumpleto mo lahat ng kulay nun. Di ka mapakali pag may kulang dun.
Bago mag-6:30 am nasa school ka na pero bandang 6:30 pm ka sinusundo kahit pa maaga ang tapos ng klase.
Mahilig kang magbasa at mabilis kang matapos sa isang libro. Ayaw mo kay John Green. Mas gusto mo si Jason Grace kesa kay Percy Jackson.
Mahilig ka sa sour cream fries. Ayaw mong may pearls ang milk tea.
Adik ka dati sa K-pop pero ngayon sa Koreanovela na lang.
Sapat na si Harry Styles pero iiyak ka pag na-disband ang One Direction.
May alaga kang aso, si Bruno.
Mabilis kang matawa at nakakahawa ang tawa mo.
Mabait ka. Matulungin sa kapwa. Masunurin sa magulang. Masayahin. Maganda. Lahat na.

Sa maikling panahon na magkatrabaho tayo, marami akong nalaman tungkol sa’yo. At marami pa akong gustong malaman.

"Hindi pa ba sapat ang sakit at lahat na hinding hindi ko ipararanas sa'yo..."

Pero paano? Dito lang tayo magkaklase. Hindi naman tayo yung masasabing magkaibigan na talaga. Ayoko naman maging FC (feeling close). Baka naman ma-turn off ka pag bigla na lang kitang itext o kaya chinat. Lalo na siguro pag bigla na lang akong lumapit at makipagkwentuhan sa’yo ng walang dahilan. Baka lalo pa tayong di maging friends. Baka sa halip na bumubulong ka pag kausap mo ako, daanin mo na lang senyas. Sayang naman ang maikling panahon na nagkasama tayo.

Nanghihinayang ako sa nasimulan natin. Aaminin ko, may halo na rin sigurong takot. Hindi malayong mahulog ako sa’yo dahil ngayon pa lang, nagsisimula na akong magustuhan ka. Madalas na kitang maisip. Kaso palagay ko hindi pa panahon para dito. Baka lalo akong manghinayang kung hindi maganda ang kahinatnan.

"Ibinubunyag ka ng iyong mata, sumisigaw ng pagsinta..."

Kaya siguro okay na munang pagmasdan at hangaan ka mula sa malayo. Susulitin ko na lang yung tatlong oras kada linggo na sigurado akong pareho ang iniikutan ng mga mundo natin. Kahit hanggang hi, hello, bye lang muna ang usapan natin, at least kahit papano napapansin mo ako. Kung may pagkakataong makatabi ka, makamusta, makausap, matulungan… kukunin ko ng walang pag-aalinlangan.

Pero sa ngayon, bahala na muna si Tadhana. Pababayaan ko na muna ang Universe. Tutal kasalanan naman nila.

At kung talaga namang sinadya nila ‘to, siguro naman… sana naman… hindi “tayo” matatapos sa pagsulat natin ng kwento.

-----

"Ba't di pa patulan ang pagsuyong nagkulang..."

2015.

Sabi nila, yung pagdating ng mga tao sa buhay mo, sinasadya raw yun ng Tadhana. Lahat—kung paano kayo magkikita, magkakakilala, kung magiging magkaibigan ba kayo o magkaaway, kung mananatili ba siya o mang-iiwan… lahat raw ‘yan pinlano nila ng Universe.

Pero naniniwala ako na ‘yang Universe at Tadhana na ‘yan, hanggang first encounter lang ang naplano ng buo niyan. Yung pangalawa, pangatlo, pang-apat o pang-ilan mang beses na pantitrip nila sa’yo, hanggang dun lang siguro sa pagkikita ang inoorchestrate nila.

Kung ano man mangyayari sa inyo dun, nasa sa’yo na ‘yun. Hindi mo na pwedeng isisi sa Universe o kaya kay Tadhana. Kahit sila naman talaga ang adik.

Parang itong ginawa nila sa ‘kin.

“In pairs isusulat ang chapters ng CW project. Draw lots tayo para sa partners. ‘Yung magkapareho ng number, sila ang magkapartner,” paliwanag ni Ma’am.

Nung tinawag ka ni Ma’am para sabihin kung ano ang number na nabunot mo, sabi mo, “Seven.”

HAY NAKU NAMAN, UNIVERSE.

Ako ‘yun. Ako ‘yung seven. Tayo na naman. Partner na naman tayo sa sulatan.

"Tayong umaasang Hilaga't Kanluran..."

Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Kasi nung huli tayong maging partners sa MP, na-enjoy ko ng sobra yung paggawa ng project. Mahiyain ako by nature at matagal mapalagay ang loob ko sa isang tao pero ewan ko ba kung bakit sa’yo, parang natuwa agad akong magkwento at makinig sa kwento. Masaya kang kasama. Akala ko nga magiging friends na tayo. Kaso pagkatapos ng project na ‘yun, wala na rin. Sa bagay, hindi naman kasi tayo friends talaga. Baka sadyang hanggang MP classmates na lang tayo.

Ngayon eto na naman. Hay.

Humila ka ng upuan, papalapit sa akin. Ngumiti ka at sinabing, “Kamusta ka na? Malakas na ba ang boses mo?”

Natawa ako at umiling. Siguro naman dahil may puhunan tayo kahit papano, magiging okay naman ang pagwowork natin. Umasa akong mas mabilis natin tong matatapos kesa dun sa MP project.

Kaso… hindi. Isang buwan na yata, hindi pa rin tayo makadecide. Malapit na yung deadline ng chapter natin, wala pa tayong legit na kwento. Sa bagay, nalilibang kasi tayong magkwentuhan tungkol sa buhay-buhay.

"Ikaw ang hantungan..."

Nalaman kong maingay ka pa rin. Parang mamamatay ka pag di ka nakapagsalita.
Nalaman kong nag-MC ka kasi sabi ng mga kaibigan mo sa higher batch na masaya raw. Tsaka lagi kang nagbabasa pag pub day.
Wala kang laging panulat. Pero marami kang papel. Weird.
Hindi ka pa rin umaabot sa Flag Ceremony. Lagi kang napagsasarhan ng pinto sa first period class.
Gustong-gusto mong nanonood ng horror movies kaya nahihirapan kang matulog sa gabi at ayaw mong tumitingin sa salamin.
Pizza lang buhay ka na. Di ka umiinom ng milkshake at ayaw mo rin ng ice cream.
Puro OPM ang nasa iPod mo. Paborito mo yung mga 90s na banda—Eraserheads, Rivermaya, Parokya ni Edgar.
Mas gusto mong mag-ball is life kesa mag-aral. Pero lagi kang mabango. Parang di ka pinapawisan.
Super corny at luma na ng jokes mo pero nakakatawa pa rin.
Naiinis ka pag umaabot na sa collar ng polo mo ang buhok mo. May dimples ka pag ngumingiti.
Maloko ka. Mapang-asar. Pero mabait ka rin naman. Magalang. Masayahin. Gwapo ka pa rin.

Hay. Ano ba ‘to?

"At bilang kanlungan mo..."

One day before deadline. Wala pa rin tayong kwento.

“Eh kung ano na lang…” biglang sabi mo.

“Ano?” tanong ko.

“Tungkol na lang sa magkababata.”

“Tapos?”

“Parang... ano… parang elem pa lang magkakilala na sila. Pero hindi sila magkaibigan. Tas high school na lang sila naging magkaklase.”

“Hmmm… pwede.”

“Isang araw, naging partner sila sa project! Haha! Sa English!” sabi mo.

Parang alam ko ‘to ah. “Okay. Tapos dahil doon naging close sila?” Tumango ka.

“Ano ang conflict?” tanong ko.

“Magugustuhan nila yung isa’t isa pero di sila sigurado kung may chance.”

“Kaya lalayo na lang sila sa isa’t isa?”

“’Yung lalaki lang. Kasi… ewan… siguro natatakot siya.”

“Natatakot siyang ano?” tanong ko.

“Tuluyang ma-fall,” sagot mo.

‘Yun ba? ‘Yun ba ang dahilan kaya hindi mo na ko kinausap pagkatapos ng MP?

“Sige. Ganun na lang. Pero gawin nating happy ending ah!” sabi ko.

Malapit nang mag-6:30 nang matapos natin ang chapter. Iniilawan na natin gamit ang phones natin ang papel.

Nag-inat ka, sabay sabing, “Ayan! Saya naman ng mga bida sa kwento natin!”

Mahina akong tumawa at nagsimula nang magligpit ng gamit. Maayos na ang bag ko nang muli akong mapatingin sa’yo.

“Tayo kaya?” nakangiti mong tanong.

“Huh? Anong tayo?” nagtataka kong sinabi.

Kahit madilim, napansin ko ang pamumula mo. 1… 2… 3… 4… 5… 6… 7… *kroo kroo*

“Hanggang CW project lang rin kaya tayo?”

Hala. Naramdaman ko na rin yung pamumula ng mukha ko. Pero napangiti ako at sinabi sa’yong…

“Hindi naman siguro.”

"Ako ang sasagip sa'yo."


*Inspired by Up Dharma Down's Tadhana

You Might Also Like

1 comment: