00101,

Literary (Submission): Parati na Lamang Huli

10/13/2017 08:45:00 PM Media Center 0 Comments






Nasanay na akong magpasa nang huli.
Mapa-proyekto, pangkatang gawain, o takdang aralin,
Parati na lamang akong huli.

Dalawang buwan na ang nakalipas
Nang ibigay ng guro ang ilang pahina
Ng panuto para sa gawain namin sa isang asignatura.
Malinaw ang lahat –
Ang layunin, ang mga tanong na kailangang bigyang-pansin.
Na dapat ay masundan ng guro ang aking sagot
Habang binabasa ang aking sulatin.

Ang sarap isipin
Na paglalaruan ko ang mga salita
Hanggang sa makabuo ng isang akda
At iniisip ko na magiging mas maganda
Kung isusulat ko ang aking totoong nadarama.

Dalawang buwan ang lilipas.
At siguro’y maaari ko munang ipagpaliban.
Baka maka-isip pa ako ng isang
Kwento, tula, o kahit anong akda
Na mas maganda sa naiisip ko ngayon.
At ganito ako binisita ng katamaran.

Dahil nga, nasanay na akong magpasa nang huli.
Mapa-proyekto, pangkatang gawain, o takdang aralin,
Parati na lamang akong huli.

Kahapon, nangarag ako dahil bukas na ang pasahan.
‘Yung utak ko parang nauubusan na ng laman
Sa nadarama kong kapaguran
At sa iba pang gawaing nakatambak sa aking harapan
Pero ni isa sa kanila’y ‘di ko pa nasisimulan
Pati ‘yung proyekto ko na ibinigay dalawang buwan na ang nakaraan,
Blangko.

Ayan na nga ba ang sinasabi ko
Kung sinimulan ko nang mas maaga, sana tapos na ‘to!
Kung isinulat ko na ang lahat ng nasa isip ko, sana may mapapasa na ako!
Bakit ba kasi nangunguna ang katamaran sa katawan
Na akala mo’y walang oras na nawawala at nasasayang?

Kaya ako nasasanay magpasa nang huli
Mapa-proyekto, pangkatang gawain, o takdang-aralin,
Parati na lamang akong huli.

At lumipas na ang araw ng pasahan
Iisipin ko ‘yung pwede ko pang gawin
Maaari ko namang gawing mas malikhain
Ang aking proyekto nang masulit man lang
Ang mga araw na dapat ay nasa kamay na ito ng guro namin.

Paano kaya kung magpalusot ako?
Sabihin na nawala ang orihinal na akda
O iniwan ko na ito sa kanyang mesa?
Para mabigyan pa ako nang oras upang gumawa.
At sabihin kong natagpuan ko na
Sa pagkakataong natapos ko ito at handa ko nang ipasa.

Pero maniwala ka.
Sanay man ako sa gawain kong ito
Na nakakairita at walang patutunguhan
Ang pagiging huli, kailanma’y ‘di ginusto.

Ang mahuli sa pagpasa ng mga proyekto at akda
Ay sa akin nang nakatakda
Sa dalawang buwan ng paggawa sa aki’y iniatas
Ikaw at ikaw lamang ang sa isip ay lumalabas

Dalawang buwan na ang nakalilipas
Nang magtanong ka sa akin mula sa kawalan
“May gusto ka ba sa’kin?”
Hindi ko alam ang sasabihin.
Samahan pa ng tono na talagang seryoso
Para akong binuhusan ng baldeng puno ng yelo.

Wala akong nagawa kundi ngitian ka
At magkunwari na walang narinig
Bakit mo pa kasi natanong ang bagay na iyan
Na hanggang sa pag-uwi mo
Ay pinaulit-ulit mo pang kinlaro?

Sa araw-araw na magkasama tayo,
Nag-iisip ng palusot kung paanong maiwasan ang tanong mo.
Maingat sa mga salitang sasabihin.
Natatakot sa mga hakbang na kailangang gawin
At kahit medyo masakit, natuto na akong makasama ka
Kahit sa mga sulyap lamang at tingin.

Pero, hindi pa rin matahimik ang tanong mo sa isip ko
Binabalik-balikan pa rin
Kung paanong sasagot at aamin.
Nang sinisiguradong walang magbabago sa atin
At humihiling ako na kahit papaano
Matutunan mong ibaling ang iyong pagtingin sa akin.

At sa dalawang buwan kong binuo ang mga salita
Ng nagkalat nitong mga titik,
Matapos kong burahin ang lahat ng hiya
At takot na naipon sa aking dibdib.

Hindi na mag-aatubili.
Ayoko nang mahuli.
Nasanay man sa ganoong gawi,
Hindi na papayag na ako’y maunahan
Dahil sa dalawang buwan
Na ika’y naghintay at nanatili.

Ako na’y sasagot: “Oo, gustong-gusto kita.”
Bago pa mahuli ang lahat.

You Might Also Like

0 comments: