colorblind,

Literary (Submission): Araw-araw

10/13/2017 08:40:00 PM Media Center 0 Comments





Araw-araw, tuwing umaga, ikaw ang naghahanda sa akin ng almusal. Ipinagluluto, ipinagtitimpla ng kape at pinaghahanda ng susuotin para sa araw.

Araw-araw, tuwing hapon, hinihintay mo akong umuwi mula eskuwela. Ipinagdarasal mong ako'y makauwi nang ligtas, at palihim na hinihiling na sana walang mantsa ang uniporme ko.

Araw-araw, tuwing gabi, tinatanong mo ako kung may takdang-aralin ba ako, kung may pinaglalamayan akong proyekto na dapat ginawa ko pa noong isang linggo at dali-dali mo akong ipinagtitimpla ng kapeng barako.

Araw-araw, gabi-gabi, hindi ako nawawala sa iyong isipan. Araw-araw, gabi-gabi, ako'y iyong inaalala.

Bukas,
Ngayon,
Kahapon.
Araw-araw.
Gabi-gabi.

Natatakot akong mawala ka. Hindi ko alam kung sino na ang magtitimpla sa akin ng kape tuwing umaga at gabi. Hindi ko na alam kung sino ang magsasabi sa akin kung gaano ako karungis pag-uwi. Natatakot ako. Natatakot akong mawala ka.

Ngunit lahat tayo'y may hangganan.

Hindi ka mananatili sa tabi ko magpakailanman.

Kaya't gusto ko lang sabihin sa iyo,

Maraming salamat.

Maraming salamat sa mga umaga, hapon, at gabi ng iyong pag-aalala.

Maraming salamat sa araw-araw na ako'y iyong ginagabayan.

Ina, maraming salamat sa pagmamahal na iyong inilaan.

Hinding-hindi kita malilimutan kailanman.

You Might Also Like

0 comments: