filipino,

Literary (Submission): Panghalip

10/13/2017 09:49:00 PM Media Center 0 Comments





Para sa tulang ito,
Sisimulan ko sa ikaw at ako
Kung paanong dahil sa’yo
Buhay ko'y nagbago.

Sisimulan ko sa ikaw at ako,
Noong panahong ang puso'y nalito.
Kung saan si ‘ako’ ay nananahimik,
Nang ikaw sa buhay ko ay nagbalik.

Matagal na hindi nag-usap
Dahil sa’ting masalimuot na nakaraan.
Ngunit sa isang iglap… sa isang tingin
Sa 'yo'y muli akong nahumaling,

Ako namang si tanga,
Ilang beses nang nagsawa
Ngunit bakit ‘di pa rin natututo?
'Eto na naman, muling nahuhulog sa'yo.

Ginawa ko ang lahat para ika'y pasayahin.
Nagbaka-sakaling ika’y mapasa-akin.
Ngunit unti-unti, hindi ko napansin
Ako pala ay nauubos din.

Itong tulang ito ay tungkol sa'ting muling pagkikita.
Tungkol doon sa dalawang salita;
Sa kung paano ang mga salitang "ikaw" at "ako"
Ay muntik na namang maging "tayo".

Kaso nakalimutan ko na meron nga pa lang "siya"
Siya na sa’yo ay nagpapasaya.
Siya na pinapakilig ka.
Pinaparamdam sa’yo, mga bagay na hindi ko nagawa.

Aaminin ko, ako pa rin ay umaasa,
Sabi ko nga, ako'y tanga.
Kinalimutan ko na lang na mayroong "siya".
At lahat ng sakit ay aking kinakaya.

Pero 'di nagtagal ang "ikaw" at "siya",
Nagsimula nang maging "kayo".
Isang letra lang ang pinagkaiba sa "tayo",
Pero puso ngayo'y nagdurugo.

Isa lang naman ang aking hiling,
Ang ikaw sa wakas ay makapiling.
Ang aking puso’y sayo'y ihahabilin
Ngunit, ako lamang ay iyong inalipin.

Ilang panulaan na rin ang para sayo'y sinulat,
Pero ito ang pinakamasakit sa lahat.
‘Wag ka mag-alala, ito na ang aking huling tula,
Pagkat pangako, susubukan ng pusong kalimutan ka na.

You Might Also Like

0 comments: