filipino,

Literary (Submission): Mahika

10/13/2017 09:36:00 PM Media Center 0 Comments





Mahilig siya sa mahika
At ako ang numero unong manonood niya
Sa kanyang mga palabas.

Ang piso, pinaglalaho,
Puso’y nagiging diyamante,
Ang tatlo’y nagiging isa,
May panghuhula pang ginagawa.

Pero kakaiba siya sa lahat
Ng mga salamangkerong
Akin nang nasilayan.

Sa kanyang ngiti ako’y natutuwa,
Mga halakhak ang siyang nagpapatawa.
Pinapagaan ang loob bawat oras,
Kumpleto ang araw dahil sa kanya.
Kahit lihim ang pagtingin
Patuloy pa ring papalakpak
Sa bawat pagkumpas ng bastong tangan niya.

Ngunit ang tadhana,
Higit na bihasa rin pala sa mahika,
Dahil sa isang iglap, naglaho,
Ang aking pinapangarap.

Dala-dala ang mga baraha,
Sasakyan ay ‘di nakita ,
Sa kalsada siya’y bumulagta.

Parang isang palabas ang lahat.
Mga baraha’y nagsisihulugan,
At maglalahong parang bula,
Ang salamangkero sa entablado.

Ngunit dito, ako ang nawalan,
Kasabay ang isang buhay,
At ang pag-ibig na inaasam.

Sana’y sa huling pagkakataon,
Masilayan ulit ang iyong mahika,
At masabi na rin ang mga katagang
Mahal kita.

You Might Also Like

0 comments: