Literary (Submission): Kathang-Isip
Maraming tanong ang naglalaro sa aking isipan. Alam kong may sagot ang mga ito pero hanggang ngayon, patuloy ko pa rin silang hinahanap.
"Bakit nga ba hindi tumitigil ang alon sa karagatan?"
Dahil patuloy silang naglalakbay hanggang sa makapiling nila ang dalampasigan.
"Bakit nga ba laging may bituin sa gabi?"
Dahil sinasamahan nila ang buwan, kabilugan man nito o hindi, hindi nila ito iniiwan.
"Bakit nga ba dapat may tugma ang mga tula?”
Dahil naniniwala ang mga salita na hindi dapat nag-iisa ang mga parirala.
Ilan lamang iyan sa mga teoryang binubuo ko. Ginawa ko ang mga teoryang ito sa paniniwalang ito ang tunay na mga sagot.
"Bakit nga ba hindi mo ako kayang piliin?"
Dahil kaya kitang mahalin. Gaya ng mga alon, hindi ako titigil sa paghahanap ng mga pinakapuro mong buhangin. Gaya ng mga bituin, hindi kita iiwan, masaya ka man o malungkot, lagi kitang sasamahan. Gaya ng mga salita, naniniwala rin ako na ang “ikaw” at “ako” ay magtutugma balang-araw.
Hindi mo ako kayang piliin, dahil kaya kitang mahalin sa mga pinakamalalim na pagpapakahulugan.
Hindi mo ako kayang piliin, dahil takot kang hindi matupad ang mga teorya ko.
Mali. Binuo ko ang mga ito upang paniwalain ang sarili ko sa mga bagay na hindi naman pala totoo.
"Bakit nga ba patuloy akong naniniwala sa mga kathang-isip kong ito?"
Hindi ko alam. Ewan. Siguro dahil umaasa pa rin ako sa'yo. Pero napapagod na rin ako.
"Kailan kaya ako titigil sa paniniwala sa mga kathang-isip kong ito?"
Kapag natanggap ko na
na ang mga kathang-isip ko
ay hanggang mga teorya lamang
Kapag natanggap ko na
na ang tanging sagot sa mga tanong
ay ang palayain ka
0 comments: