filipino,

Literary: Sa Di Malamang Dahilan

4/28/2018 07:55:00 PM Media Center 0 Comments





Tatlong taon na ang lumipas matapos mo akong sabihan na hindi mo na ako mahal.

Alam mo, hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam ang dahilan kung bakit. Okey lang, tinanggap ko naman na at di na ako nangulit pa kasi alam kong naiinis ka kapag ginagawa ko iyon. Sa katunayan, sa lahat ng lalaking minahal ko, sa ’yo ako pinakanasaktan noong nawala ka. Ikaw kasi ang may pinakamalinis na intensyon sa akin at naramdaman ko na minahal talaga ako. Salamat.

Tatlong taon na tayong hindi nag-uusap.

Pero lahat ng iyon ay nagbago noong nabalitaan mong namatayan ako ng alagang aso. Minahal mo rin siya, si Chic. Tandang-tanda ko pa noon, kapag hinahatid mo ako pauwi, tumatawad ka pa sa ’kin na manatili pa saglit para lang laruin siya. Umaabot ang iyong ngiti sa iyong mga tainga kapag pinapayagan kitang makipaglaro kay Chic. Nagulat na lamang ako dahil isang araw, nilapitan mo ako. Biyernes nang hapon iyon, katatapos lang ng klase ko sa Computer Science, sa ikaapat na palapag, naabutan kitang naghihintay sa labas ng aming silid. May dala ka pang mga tsokolate. Noong nakita mo ako, agad mo akong niyakap. Di ka pa nagsasalita pero umiyak na ako.

“Narinig ko ‘yung tungkol kay Chic. Sorry, alam kong mahal na mahal mo siya. Ito, Kisses para di ka na malungkot,” sabi mo, sabay punas sa aking mga luha. “Halika, ilabas mo na lahat ‘yan para bukas, wala na.”

Iyon ang sandali kung kailan nagsimula tayong muli. Regular na tayong nag-uusap at magkaibigan na tayo ulit na parang wala tayong masakit na nakaraan. Pero bakit bigla ka na lang lumapit? Di ko alam at ayoko nang alamin. Nagpapasalamat na lamang ako na bumalik ka ulit sa buhay ko.

Anim na buwan na tayong nag-uusap.

Sa personal, sa text, at sa chat, di na naputol ang ating komunikasyon. Napapadalas na rin ang ating pag-aaral nang magkasama dahil mayroon tayong sariling forte sa mga sabjek, ikaw sa Araling Panlipunan at Science, samantalang ako naman sa English, Filipino, at Math. Natutunan nating turuan ang isa’t isa para makakuha tayo ng mas matataas na marka. Mayroon pa tayong usapan na kapag mas mataas ang GWA ng isa ay manlilibre ng lunch. Palagi namang nauuwi sa panonood ng sine at paglalaro sa Timezone ang usapan nating “manlilibre ng lunch.” Kadalasan, imbes na ang barkada mo ang iyong kasama, mas pinili mo pa ako. Ganoon na tayo naging magkalapit, pero bakit sa akin mo lang ginagawa? Bakit mo ako pinapasaya? Natural naman na yata kapag pinapasaya ka ng isang tao ay magkakagusto ka na sa kanya, kaya nagustuhan na kita, ulit.

Isang taon na tayong malapit na magkaibigan.

Patuloy ang study dates at mga di pinaplanong lakad nating dalawa. Patuloy nang nahuhulog ang puso ko sa isang lalaking dati ko nang minahal. Sa bawat saglit ng iyong pasimpleng pag-akbay, sa bawat saglit ng iyong pagtingin sa akin, hindi ko na napigilan ang aking damdamin.

Isang araw, nasa Timezone ulit tayo. Muli, isang di inaasahang lakwatsa. Inimbita mo akong kumanta ng karaoke.

“Tara! Habang walang nakasunod, pasok na tayo. Maririnig mo na rin ang boses kong basag pag kumanta!” sabi mo, sabay hinawakan ang aking kamay at hinila ito papunta sa karaoke machine.

Ako ang unang kumanta. Inilagay ko ang numero ng kantang paborito ko sa karaoke, ang Dahil Minahal Mo Ako, ni Sarah Geronimo.

“Sus, para kanino naman ‘yan?” biro mo sa akin, di pa tapos ang kanta.

“Magugulat ka ba kung para sa ’yo?” sagot ko.

“Loko! Kaibigan mo lang ako!” sabi mo nang may pag-aatubili.

“Kaibigan nga kita. Pero sa tingin mo ba, hindi ko nakikita kung gaano ka ka-sweet sa akin? Lahat ng ginagawa mong iyon, napapansin ko ‘no?” Naupo ako.

Binitawan mo ang hawak mong mikropono. Ilang segundong tumitig ka sa aking mga mata. Blangko ang iyong paningin at naging malabo ang mga bagay sa ating paligid. Di ko maipinta ang emosyon na nais mong iparating, hindi ka nakangiti, hindi ka nakasimangot, wala. Hindi kita maintindihan, hindi ko alam kung ano na ang tumatakbo sa iyong isipan. Inilagay mo ang iyong mga siko sa iyong mga hita at ang iyong mga kamay sa iyong magkabilang templo. Nagpakawala ka ng isang buntonghininga.

“Sorry. Di ko alam na masyado ka nang naa-attach ¬sa ‘kin at sa mga ginagawa ko. Di ko ine-expect na gusto mo pala ako, akala ko, malapit lang talaga tayong magkaibigan. Siguro, di ko talaga alam ang hangganan ng pagkakaibigan sa pagkakaíbigan,” sabi mo nang nakayuko ka pa rin.
Hindi kita kayang tingnan, tinitigan ko na lamang ang mikroponong nakalagay sa iyong tabi. Bakit kasi sa akin mo lang ginagawa? Sa akin ka lang malambing, sa akin ka lang nagkukuwento ng mga sikreto, sa akin ka lang nanlilibre, sa akin ka lang nanghihiram ng notes sa klase, sa akin ka lang nagsasabi ng mga corny na biro at sa akin ka lang lumalapit kapag may problema ka? Bakit? Bakit mo ako pinaasa tapos sasabihing hindi mo ako gusto? Pahingi ako ng dahilan para matahimik na rin ang puso ko.

Dalawang linggo na tayong walang komunikasyon.

Isang Martes nang hapon, nagkita ulit tayo. Inipon ko ang lakas ng aking loob at kinausap kita, tinanong ko ang lahat ng aking mga tanong. Bawat salitang lumabas mula sa aking bibig ay puno ng hinanakit at kawalan ng pag-asa. Bawat luhang pumatak mula sa aking mga mata ay puno ng kalituhan. Nanginginig, di ko alam kung anong aking gagawin.

Natulala ka, di mo alam kung saan ilalagay ang iyong mga kamay, kung sa akin ba o huwag na lang.

“Sorry. Di ko sinasadya ang mga nangyari,” sabi mo.

Lumakas ang agos ng aking mga luha, “Pero hindi mo kayang ibalik ang nararamdaman ko?”

“Hindi pa ako handa, noon ‘tsaka ngayon. Hindi ko pa kayang pumasok sa relasyon,” sabi mo nang paputol-putol. Iyon ang unang beses na nakita kong kumawala ang luha mula sa iyong mga mata. “Mahal kita, pero hindi pa ako handa.”

Sa ilang taon kong paghahanap ng sagot, ito na ‘yon, di ka pa handa.

“Maghihintay ako. Pero dapat bigyan mo ako ng dahilan kung bakit kailangan kitang hintayin,” sabi ko.

“Sa tingin ko, ikaw lang ang nakakaalam niyan,” sagot mo sa akin, sabay hinawakan mo ang aking kamay, pinunasan muli ang aking mga luha, at umalis.

Sampung minuto akong nakatitig sa kawalan.

Laging iingatan ang pag-ibig mo, dahil minahal mo ako.

At natapos ang kanta sa aking isipan.

You Might Also Like

0 comments: