Literary(Submission): Alaala
Naalala ko noong mga araw na tayo pa. Madalas akong kumuha ng mga larawan nating dalawa na magkasama sa paniniwalang magsisilbing alaala sa ating mga pinagsamahan.
Ngunit dumating ang araw na kailangan mong umalis at iwan ako. Sa umpisa ay hindi ito gaanong kalungkutan sapagkat may litrato tayong naglalaman ng masasayang alaala. Umaasa pa rin ako noong babalik ka't sasamahan akong gumawa ng mga bagong alaala.
Taon na ang lumipas at hindi ka pa rin bumabalik sa piling ko. Unti-unti na rin akong nawawalan ng pag-asa. Tila ba sumasabay sa lumbay na ito ang paghulas ng mga larawan nating dalawa. Kahit na ganoon ay nasasabik pa rin akong palitan ito ng marami at bago nating masasayang alaala kaya't naghintay akong muli.
Lumipas pa ang mga taon ay wala ka pa rin sa aking tabi. Napilitan na akong palitan ang mga larawan nating kupas upang makalimutan na kita, sa pag-aakalang kinalimutan mo na nga talaga ako.
Siguro nga ay nakalimutan mo na ako sapagkat ilang taon na rin ang nakalipas mula noong umalis ka. Siguro nga wala na akong litrato nating dalawa ngunit kahit ganoon ay mananatili pa ring nakaukit ang larawan mo sa puso ko.
1 comments: