aldric de ocampo,
Opinion: May malasakit naman sa may sakit
Sa patuloy na pabago-bagong temperatura at panahon, hindi kaila na madaling madapuan ng mga mapanganib at nakahahawang sakit ang mga mag-aaral. Dahil dito, pinapayo sa kanila ng mga school nurse na lumiban muna sa klase at magpahinga o magpatingin sa doktor para maagapan kaagad ang pagkakasakit.
Pero paano na ang kanilang mga requirements sa klase? Hindi ba’t nagiging problematiko rin ang sumasabay na pag-agapay sa aspektong ito?
Ang sigurado lamang sa usaping ito ay maayos naman ang proseso ng paaralan, partikular sa UPIS, para sa paghabol ng mga naiwanang tungkulin at gawain sa klase. Ang mahalaga rin talagang mangyari ay dapat magkaroon ng maayos na komunikasyon at koordinasyon sa pagitan ng mga kasangkot na panig para sa pagbabalik sa klase ng mag-aaral.
Paano ba muna ang sistema ng pagbabalik sa klase kapag nagkasakit?
Ayon sa Chapter 10: Rules and Regulations on Student Conduct and Discipline, sa “Standards of Behavior” bilang 5c ng UPIS Student Handbook, “Immediately upon returning to school, a student who was absent from classes even for half a day should present a letter of excuse duly signed by his/her parents/guardian, explaining the reason for the absence. The letter is submitted to the guidance counselor who signs and issues the re-entry slip. Without this re-entry slip, the student will not be allowed to go to class. If absence is due to illness requiring medical services, a certification from the physician should be presented.”
Ang ibig sabihin ng probisyong ito ay kailangan munang dumaan ng isang nagkasakit na mag-aaral sa Department of Student Services, o Guidance Office, para makapagbigay siya ng excuse letter o medical certificate sa isang counselor.
Dito sa pagdaan, ayon kay Ms. Laarni Cabrales, isang guidance counselor, nagiging opisyal ang pagliban ng isang mag-aaral. Susulat daw muna sa logbook ito tapos bibigyan ng counselor ng isang re-entry slip, na isasama sa patunay ng pagliban, para maibigay sa mga guro. Ang make-up din ng requirements tulad ng mga pagsusulit at seatworks ay mabibigyan ng isang linggong agwat para matapos, pero maaari pang pag-usapan ito para mapahaba kung hindi talaga kakayanin ng mag-aaral tapusin kaagad. Ang ibang mga major requirements naman, tulad ng mga mabibigat na proyekto, ay mas mahaba talaga ang oras, dahil nakadepende talaga sa bigat ng gawain ang ilalaang panahon para maabisuhan ito.
Ayon din kay Cabrales, may consultation hours naman ang mga guro sa UPIS. Dahil dito, sobrang dalang na mangyari na hindi maagapan, mapag-usapan, at mai-schedule ang mga pangangailangan ng mag-aaral sa klase kasama ang guro, kaya dapat nakakaangkop naman ang guro sa aspeto ng oras. Bukod dito, may mga guro naman ding sila na mismo ang nangungulit at nagpapaalala sa mga mag-aaral na magpasa ng kanilang mga kulang na requirements para makapagbigay ng grado sa mga mag-aaral.
Paano naman ang mga gawain sa klase na nakadepende sa oras, tulad ng mga pagtatanghal?
Ang mga guro ay may opsyon naman na magbigay na lang ng isang “parallel activity o requirement” sa isang mag-aaral, para magkasimbigat pa rin ang kanyang gagawin sa nagawa na ng kanyang mga kaklase.
Pero kung tutuusin, bakit ba muna may requirements at mga gawain sa klase ang mga mag-aaral?
Ang requirements kasi ay ang ginagamit na batayan at panukat ng mga guro para sa natutunan ng mga mag-aaral sa kanilang klase. Kung hindi ito gagawin ng mga mag-aaral, paano masisiguro ng UPIS na may napupulot talaga ang mga bata sa kanilang pananatili sa silid-aralan? Kung panay pakikinig lang sila sa mga tintuturo, hindi ba’t nawawala ang sintesis sa dulo ng kanilang pag-aaral?
Dahil sa ganitong pananaw, makikita natin ang halaga ng pagkakaroon ng requirements, may sakit man ang mag-aaral o wala. At kung ganito naman ang sitwasyon sa opisyal na proseso para sa pagpapaliban sa requirements, masasabing nakabubuti sa pag-agapay sa kalagayan ng mga nagkasakit na mag-aaral ang sistema sa UPIS.
Ngunit paano kung sa requirements mismo ang kadahilanan kung bakit nagkasakit sa simula pa lang ang mag-aaral?
Ang masasabi na lamang dito ay maiintindihan naman ng mga kaukulang panig kung nagkaroon talaga ng karamdaman ang mag-aaral dahil sa stress o iba pang medikal na rason. Kung magkakaroon siya ng relapse dahil dito sa requirements, maaabisuhan naman ito kaagad, tulad ng sabi kanina, kung kakausapin ng mag-aaral ang kanyang mga guro at counselor.
Ang mahalaga ring mabanggit sa ganitong sitwasyon ay responsibilidad naman din ng mag-aaral mismo ang pagtugon sa kanyang mga kinakailangang tapusin. Nasa disiplina niya rin kasi ito, na isang “soft skill.” Dito papasok ang kakayahan niya sa “time management” at pagbabalanse ng mga prayoridad, para maging maayos ang kanyang pagkilos sa kanyang tinatrabaho.
Sa kabilang dako, mainam din kung magsasabi kaagad ang mga mag-aaral kung sa tingin nila ay nagkakasabay-sabay na ang mga mabibigat na requirements para malaman din ng mga guro ang kanilang kalagayan. May mga pagkakataon kasi na maaaring hindi napapansin ng mga gurong may mga nakakasabay din silang iba pang mga guro sa pagbibigay ng mga pagsusulit o proyekto.
Kung masasabihan kaagad ang mga guro tungkol sa kalagayan ng naghahabol na mag-aaral, pwede namang mapag-usapan na iakma muna sa kakayahan at panahon ng mag-aaral ang dami ng kanyang kailangang gawin at dahan-dahanin muna ang kanyang mga deadlines para hindi na magsabay-sabay.
Sa kabuuan, malaking bahagi ng responsibilidad sa buhay ng mag-aaral ang pagtapos sa mga requirements, pero hindi ibig sabihin nito ay mas dapat na unahin ito ng mag-aaral sa kanyang kalusugan. Ganito rin ang pagtitimbang sa lahat ng pagkukumpara sa prayoridad ng mga aspeto ng buhay, dahil lahat naman talaga ay mahalaga.
Kung sa tingin ng isang mag-aaral na mabuting isakripisyo at hayaan na lang maghirap ang isang bahagi ng kanyang pamumuhay para sa pag-alalay sa isa pa, maaaring magdulot pa ito ng mas malaking problemang makaaapekto sa kanya sa kabuuan. At kung ganito rin ang kahahantungan ng kanyang sakripisyo, mas mainam na hindi na niya ito subukan sa simula pa lang.
Sa madaling salita, pakinggan na lang ang payo ng school nurse na lumiban muna sa klase kapag may sakit. Harapin na lang ang pangangailangan sa paaralan kapag natugunan na ang naaalertong pangangailangan sa kalusugan.
Tulad ng sabi ng ating Head Librarian na si Ms. Wilma Azarcon, “Tayo ay nag-aaral para mabuhay, hindi mamatay.” //nina Aldric de Ocampo at Kiel Dionisio
0 comments: