angelia albao,
MC, nakisalamuha sa mga Lumad sa immersion activity
PAGKAKAISA. Sama-samang nagtatalakay ng mainam na paksa para sa balita ang mga Lumad at mga facilitator mula sa UPIS Media Center. Photo credits: Mariel Diesta
Nagsagawa ang UPIS Media Center (MC) ng immersion program sa UPIS 7 – 12 Gymnasium para sa 18 na dumalong Lumad mula sa Bakwit School noong Nobyembre 26.
Bilang pangunahing bahagi ng programa, nagkaroon ng news writing workshop na pinamunuan nina Aldric de Ocampo at Kiel Dionisio. Tinalakay nila ang mga elemento ng balita tulad ng headline & lead, at istruktura ng inverted triangle. Tinuruan din nila ang mga mag-aaral kung paano tumukoy ng mga kabali-balitang pangyayari.
Matapos ang lektiyur, tinulungan ng mga MC facilitator ang mga estudyanteng Lumad sa pagsulat ng mga balita tungkol sa mga karanasan nila. In-edit at ni-lay out ng MC ang mga nasulat na balita at ibinigay ang output na polyeto upang baunin ng mga estudyante sa pagbabalik sa kanilang paaralan.
Nakinig din ang MC sa pagbabahagi ng mga estudyante tungkol sa kanilang mga karanasan at kalagayan sa Bakwit School. Dito, binigyang-diin ang pagpapaalis sa kanilang mga tirahan sa Mindanao at saloobin nila sa kasalukuyang administrasyon.
Bukod sa mga nabanggit na aktibidad, nagbigay ang MC ng mga donasyon na nalikom nila kagaya ng mga hygiene kits, school supplies, at staple goods.
Ayon kay Owen Bernos, isa sa mga nag-host ng programa, “Mas namulat pa [kami] sa mga karanasan ng mga biktima ng conflict sa Pilipinas... para sa mga Lumad naman, naging significant ang immersion na ito para sa kanila dahil may nakuha silang skills sa pagsusulat ng balita. [Magagamit] ang mga skills na ‘yun upang makapagsulat ng mga balitang may halaga sa kanilang sitwasyon.”
Ang immersion activity na ito ay isa sa mga proyekto ng MC para sa kanilang cluster course na Community Development. Ang kanilang guro sa kurso ay si Prof. Marvie D.C. Manalo. //nina Angelia Albao at James Tolosa
0 comments: