filipino,

Literary: Siklo

12/14/2019 08:09:00 PM Media Center 0 Comments





Pagsikat ng araw sa silangan
Paunti-unti kong nararamdaman
Ang panibagong umagang pipilitin ko lang tapusin
Umagang tila hindi na naaaninag ang liwanag

Sa bawat umagang para sa iba'y puno ng pag-asa
Patuloy lang na bumibigat ang nararamdaman
Hindi na nagbago ang silakbo ng puso
Wala naman akong pagpipilian kundi bumangon

Sa pagmulat ng aking mata,
Narito pa rin ang bakanteng damdamin,
Paulit-ulit, hindi nawawala
Bumangon sa mga natuyong unang kagabi'y naging daluyan ng pagluha

Maliligo, maghahanda para sa pangkaraniwang araw na paparating
Huli na ako sa klase kaya't hindi na makakakain
Sasakay sa dyip papuntang paaralan
Makikinig, magsusulat, ayaw ko man

Sa mga oras na walang ginagawa,
Hindi nag-iisip, hindi nakikinig
Sa harap ma'y may nagsasalita, tila hindi ko nakikita
Sapagkat narito na naman ang bakanteng damdaming palagi akong binibisita

Tulala lang sa kawalan
Lahat ay paunti-unti nang nawawalan ng halaga
Alam kong wala na ako sa tamang landas
At hindi ko na mahahanap ang sinasabi nilang tamang daan

Paulit-ulit na tinanong kung ayos lang ba ako
Ang lagi kong sagot ay oo
Pero ayos nga lang ba ang taong hindi na maramdaman ang sarili niya
Ang taong hindi na maramdamang buhay pa siya

Magigising sa pagkakatulala,
Lahat sila'y naglabasan na't ako na lang ang nakaupo
Tumayo ako't isinantabi ang paninikip ng dibdib
Ang bakanteng damdami'y nagiging masakit

Ang kaninang maliwanag na umaga
Paunti-unti nang pinapalitan ng maulap na kalangitan
Tuluyan nang hindi nakita ang liwanag
Kinain na ng dilim ang kapaligiran

Sumakay sa dyip na iba sa sinakyan ko kanina, ngunit pareho ng ruta
Binuksan ko ang pinto, pumasok ng bahay
Humiga sa kama, ipinikit ang mga mata
Sinandalan ang aking unan na laging sumasalo ng pabagsak kong mga luha


Ito ang buhay ko, paulit-ulit..

You Might Also Like

0 comments: