feature,
Feature: Int-2nt-ship: BusinessEntrep
Taon-taon ay may pinupuntahang internship sites ang mga Grado 12 bilang tugon sa kanilang requirement. Dalawang linggo sumailalim ang mga Grado 12 sa kanilang on-campus internship. Bawat track ay may iba’t ibang internship sites. Narito ang pitong internship sites sa On-Campus Internship ng Grado 12 sa Business and Entrepreneurship (BE) track.
1. University Food Service (UFS)
Ang mga UPIS Grade 12 interns kasama ang mga katrabaho nila sa University Food Service.
Photo credit: Milcah Aragones
Ang University Food Service o UFS ay makikita sa Kalayaan Residence Hall sa harap ng dating Shopping Center. Ayon kay Milcah Aragones, isa sa mga interns sa site, napakarami nilang ginagawa sa UFS. Nakita rin nila ang mga posibilidad na trabaho sa food service. Naransansan nilang mag-cater sa mga opisina sa loob ng UP Diliman, maghain ng pagkain sa counter, maging barista sa coffee shop, mag-inventory sa purchasing, at tumulong sa bakeshop.
Napakasaya ng experience nila sa UFS, ayon kay Milcah. Isa ito sa mga hindi niya makakalimutan sa buong Grade 12 niya. Sa isang buong araw nilang pagtatrabaho ay hindi na nila ramdam ang kanilang pagod dahil masaya sila sa kanilang ginawa at magaan kasama ang mga katrabaho. Kung tatanungin sila kung gusto nila ulit mag-intern dito ay hindi sila tatanggi. Sa loob ng dalawang linggo nilang pananatili sa UFS ay hindi nila malilimutan ang mga taong nakilala nila rito, bagong kaibigan o mga bagong ate at kuya. Nagkaroon sila ng bagong interaksyon sa ibang tao na hindi nila aakalain na mangyayari.
2. UP Accounting Office
Ang mga UPIS Grade 12 interns kasama ang mga katrabaho nila sa break room ng UP Accounting Office. Photo credit: Chloie Guanzon
Ang UP Accounting Office ay matatagpuan sa Shopping Center. Ayon kay Bryant Galicia, isa sa mga mag-aaral na nagtrabaho rito, bawat linggo ay nasa iba’t ibang departamento sila. Sa unang linggo nilang pananatili sa UP Accounting Office ay nasa Pre-Audit Department sila. Nag-ayos sila ng disbursement vouchers o DV. Ang disbursement voucher ay isang slip ng mga pinagbibili ng isang organisasyon o empleyado ng UP. Ibinibigay ito sa Accounting Office para ma-reimburse ang mga pinagkagastusan. Ang mga interns ang nag-ayos at nag-input kung magkano ang nagastos, sinong gumastos, anong organisasyon ang gumastos, para saan ang pinagkagastusan at kailan naganap ang isang aktibidad.
Sila rin ay pinagkompyut ng tax. Bago ipagawa sa kanila angbtrabaho, ipinaliwanag sa kanila kung ano ang mga gagawin tulad ng tamang percentage, rate at kung non-VAT o VAT, at kung anong klaseng tax ang ilalagay para sa mga produkto, services, gas, oil, atbp. Dagdag dito, pinag-ayos din sila ng mga impormasyon sa PhilHealth ng mga empleyado ng UP.
Sa pangalawang linggo nila ay inilipat sila sa ibang departamento, ang Special Projects Department. Ang pinagawa sa kanila rito ay pinag-reconcile ng mga transaction. Binigyan sila ng dalawang set ng papel: ang isa ay listahan ng mga transaksyon at ang isa naman ay mas detelyadong transaksyon na may DV number at petsa ng isang tseke.
Ayon kay Bryant, naging masaya naman ang experience niya sa UP Accounting Office dahil accountancy talaga ang gusto niyang kursong kuhanin sa kolehiyo. Kahit na dalawang linggo lang silang nag-internship, marami siyang natutunan dito. Isa pa, masaya nilang kasama ang kanilang supervisors kahit na medyo may pagkasensitibo ang mga impormasyon na kanilang hawak. Madalas rin na hindi nila naiintindihan ang mga komplikadong bagay-bagay, pero madaling kausapin ang kanilang mga supervisors at hindi sila pini-pressure sa trabaho. Hindi malilimutan ni Bryant ang karanasan nila sa internship dahil bawat araw ay may natutunan silang bago tungkol man sa opisina, sa accounting, at ang mga bagay-bagay na natutunan niyang pwede i-apply sa personal na buhay.
3. Institute for Small-Scale Industries (UP ISSI)
Ang mga UPIS interns sa UP ISSI sa seremonya ng paggawad pagkatapos ng internship.
Photo credit: Angela Babaran
Ang UP Institute for Small-Scale Industries o UP ISSI ay matatagpuan malapit sa UP College of Human Kinetics, sa tapat ng UP School of Urban and Regional Planning. Ayon kay Angela Babaran, isa sa mga interns sa site, sumakto ang kanilang internship sa gagawin ng ISSI na training programs para sa mga MSME o ang Micro Small Medium Enterprises. Sila ay tumulong sa mga programa na ito. Ang ilan sa mga gawain nila ay paggawa ng directory ng mga participant, pagtanggap ng mga bayad ng participants, at paghahanda ng mga sertipiko ng gantimpala. Gumagawa rin sila ng ‘office work’ tulad ng pag-encode ng mga data.
Sa kanilang naging karanasan, nakita nila kung paano gumagalaw sa isang opisina at ang mga ginagawa bago magkaroon ng mga training. Ayon kay Angela, noong una akala niya'y madali gumawa ng mga ganitong trainings ngunit nalaman niya ngayon na mayroon palang mahabang proseso bago maaprubahan ang mga gawain pinlano. Kailangan magpasa ng training course design bago ipaapruba ang training program at kailangang magsaliksik kung ano ang magiging laman ng isang training program. Si Angela ay itinalaga sa isang mentor na nag-aayos ng mga finances at natutunan din niyang gumawa ng mga vouchers. Hindi sila itinuring bilang interns na mag-aaral lamang, ang turing ng mga katrabaho nila sa kanila ay parang collegue silang lahat. Hindi rin sila binibigyan ng madadaling trabaho kaya mas marami silang natutunan, partikular ang pagsasanay sa kanilang time management, dahil madami silang trabahong kailangang matapos.
Kahit nakakapagod ang trabaho hindi nila ito gaanong naramdaman dahil masaya ang mga kasama nila sa trabaho. Hindi nila naramdaman na interns lang sila. Mas pinaramdam sa kanila na parte sila ng pamilya ng ISSI. Ang pinaka di malilimutang ni Angela sa internship ay pagiging malapit niya sa kanyang mentor. Nakakapag-usap sila tungkol sa iba’t ibang bagay na parang mga magkaibigan. Subalit, hindi nawawala ang kanyang respeto sa mga supervisor at katrabaho.
4. The Tea Room
Mga UPIS interns sa harap ng The Tea Room. Photo credit: Ayesha Fernandez
Makikita ang The Tea Room sa UP College of Home Economics. Naranasan ng mga interns ang gawain ng waiter at waitress ng restaurant. Sila ang taga-serve ng pagkain, tagalinis, taga-handa ng pagkain, at tagagawa ng kape na parang barista.
Ang kanilang naging karanasan dito ay nakakapagod dahil tuloy-tuloy ang kanilang trabaho. Walong oras ang kanilang trabaho at maraming pagkakataon na nakatayo sila. Ayon kay Ayesha Fernandez, isa sa mga mag-aaral na napunta sa site, kung minsan dahil sa pagod nila ay naiiyak na sila. Ngunit kahit ganoon pa man ay masaya nilang kasama ang mga staff at co-interns nila sa trabaho. Nawawala na rin ang pagod nila dito kahit papaano. Ang pinaka-memorable na experience nila ay tuwing patapos ang kanilang oras sa trabaho, magkakantahan na lang sila. Ito ang kanilang nagiging “mini” pahinga habang naglilinis dahil nakakapagkwentuhan sila sa isa’t isa.
5. UP Balay Kalinaw
Mga UPIS interns kasama ang kanilang katrabaho sa harap ng Balay Kalinaw.
Photo Credit: Anne Dela Cruz
Ang UP Balay Kalinaw ay matatagpuan sa kanto ng Dagohoy at Gomburza Street, malapit sa Ilang Ilang Residence Hall at UP Hostel. Ang ginawa ng mga interns sa Kapit Balay, ang apartment complex na kaugnay sa Balay Kalinaw, ay naglilinis ng mga kwarto at housekeeping sa inventory ng mga supplies. Sila rin ay nag-iinventory ng mga ipapalaba at ang mga idedeliber na labahin. Sa Balay Kalinaw naman ay sumagot sila ng mga tawag, tumanggap din sila ng mga kliyente para sa venue at accommodations, at gumawa rin sila ng final billing.
Para kay Anne, masaya ang naging karanasan niya ngunit nakakapagod ang kanilang ginagawa lalo na sa Balay Kalinaw. Doon ay puro pisikal na gawain ang kanilang ginagawa at labas pasok din sila sa opisina. Pero kahit napapagod sila ay masaya pa rin sila dahil sa mga supervisors na kasama nila. Kung minsan kapag wala silang gagawin, nakakapagkwentuhan silang magkakatrabaho. Ang pinaka di makakalimutan nila sa internship ay ang mga huling araw nila sa Balay Kalinaw at Kapit Balay. Sa Kapit Balay, sa kanilang huling araw bago sila lumipat sa Balay Kalinaw office, nahuli silang umuwi dahil tinapos pa nila ang kanilang brochure. Ngunit biglang may kumatok sa pinto, at noong binuksan nila walang tao sa labas kaya nagkatakutan sila. Sa Balay Kalinaw office naman, sa huling araw din nila, sobrang nataranta sila noong hapon dahil minadali nila ang isang event sa linggo, sa punto na pati mga katrabaho nila ay nataranta na rin. Masaya ang kanilang pananatili sa site dahil sa mga taong nakasama nila sa opisina na itinuring silang parte ng pamilya.
6. UP College of Fine Arts (UP CFA)
Sa UP College of Fine Arts, na matatagpuan sa Emilio Jacinto street, nagbukas ng dalawang departamentong tatanggap ng interns at hindi lamang galing sa BE track ang nandito sa site. Mayroon ding mga galing sa Social Sciences and Humanities (SSH) track.
a. Ceramic Studio
Mga mag-aaral UPIS sa UP Fine Arts para sa internship.
Photo credit: Angel Dizon
Sa Ceramic Studio, ang mga naging intern sa BE track ay si Diego Badion at Alizia Marquez, sa SSH track naman ay si Angel Dizon. Ang mga ginawa nila ay tumulong sa operasyon ng mga katrabaho nila, naglinis, nagpunas ng mga lamesa at ng pottery wheel, at nagwalis din sila ng 2nd floor. Dagdag pa dito pinagmasa sila ng clay, tinuruan magputol ng kahoy na gagamiting panggatong, nagsiga din sila ng kahoy para sa mga pots na patitigasin at huli ay pag-glaze nila ng mga pots. Actuwal silang pinaggawa ng mga proseso ng paghuhurno ng tasa.
Para kay Diego ang naging karanasan niya rito ay masaya. Marami silang natutunan na mga bagong impormasyon at may mga kakayahan siyang nadiskubre para sa kanyang sarili. Ang pinaka hindi makakalimutan na karanasan ni Diego ay ang mga kulitan nila nina Angel at Alizia pati na rin ng mga kasama nila sa trabaho. Walang araw na wala silang biruan sa o kaya prank. Dahil din dito, nawawala ang pagod nila.
b. FABLAB
Mga UPIS interns kasama ang kanilang mga supervisors sa FABLAB.
Photo credit: Alapaap Coquilla
Ang mga naging interns sa FABLAB ay sina Kitakat Cuerdo at Eunice Regresado ng BE track at
Si Alapaap Coquilla ng SSH track. Ang kanilang mga ginawa dito ay tinuruan sila ng mga basic ng kagamitan at mga kailangan sa Adobe illustrator at RDworks. Nagamit nila ito upang paganahin ang CNC laser cutter. Nagkaroon din sila ng pagkakataong tulungan ang mga kliyente sa FABLAB, at maging pokus ang customer service. Bukod pa rito ay pinagawa rin sila ng isang video na isang dokumentasyon tungkol sa kanilang internship.
Ayon ka Kitkat masaya ang karanasan niya sa internship, at nagustuhan niya ang mga tao, pasilidad at environment kung nasaan sila. Maraming siyang natutunan at naging inspirasyon niya ito upang ipagpatuloy ang passion sa sining. Ang pinaka hindi niya malilimutan na bahagi ng internship ay ang mga nakasama niya sa FABLAB dahil sa araw-araw niyang nakita at nakasama sila. Naramdaman niya na hindi niya kailangan mahiya sa mga taong kasama niya. Isa pa, natuwa rin siya sa environment ng site dahil puno ng mga malilikhaing gawa ng iba’t ibang mag-aaral at katrabaho niya
Naging malaking tulong para sa BE Track ang On-Campus internship nila. Ang mga pinag-aaralan nila sa kanilang track ay ginagamit nila sa totoong pagtatrabaho sa kanilang field. Mula sa accountancy hanggang sa food service hanggang sa managerial skill, naipakita na mayroong real-life na aplikasyon sa kanilang edukasyon sa track. Nagiging makabuluhang na karanasan ang internship sa Grade 12, karanasan na magiging mahalaga sa kanilang kasalukuyan. //nina Kiara Gabriel at nina Tracy Mondragon
0 comments: