filipino,
Literary: Langit at Lupa
Lupa
Napakasaya sa pakiramdam na ika’y makasama.
Sa tuwing may gagawin ka; may kailangan bilhin, asikasuhin, kitain, o kahit sa tuwing gusto mo lang kumain sa labas, madalas mo akong kasama. Busy kasi ako sa school at training, pero sinisiguro ko namang kapag may oras ako, nakakasama ako sa’yo. Hindi ka pa nakukuntento sa isang gawain lang, lagi kang maghahanap ng gagawin kapag nasa labas tayo. Kailangan kapag namili tayo, kakain tayo pagtapos, o kapag may inasikaso kang errands, pupunta rin tayo pagkatapos sa mall. Bibilhan mo ako ng mga gamit at bakas pa ang saya sa iyong mukha sa tuwing bumibili ka, kaya kahit hindi ko naman talaga iyon kailangan ay tinatanggap at ginagamit ko na rin, dahil ikaw ang nagbigay sa akin. Minsan nga, pinipilit mo pa akong sumama kahit busy ako, kaya kapag lumabas na tayo, nakasimangot lang ako, na tila ba napilitan lang at labag sa loob ang ginagawa. Kapag ganoon, bumabawi ka, sasabihing “Minsan lang naman ‘to” at yayayain akong kumain, kaya magiging okay rin tayo pagtapos. Mayroon namang mga araw na ikaw ang namimilit na sumama sa akin, tulad na lang ng enrollment sa paaralan. Gusto mo, kasama ka kapag nag-enroll ako. Nagtatampo ka pa nga kapag hindi kita sinama, kaya kahit inis na ako sa iyong pamimilit na sumama dahil kaya ko naman mag-enroll mag-isa, sinasama pa rin kita. Tulad ng nakasanayan, matapos ang ating gawain, yayayain mo akong kumain at mamili bago umuwi, kaya hindi na rin nagtatagal ang aking inis. Kahit may mga araw na ganito, hindi naman nagtatapos ang araw ng ating pagsasama nang hindi tayo masaya sa piling ng isa't-isa.
Palagi tayong ganito hanggang unti-unting nabawasan ang ating pagsasama.
Bukod sa naging busy ako lalo sa ensayo dahil nagsimula na ang aming kompetisyon, unti-unting lumala ang iyong mga karamdaman. Napadalas ang iyong hirap sa paghabol ng hininga dahil mabilis ka nang mapagod; pumapayat ka na dahil nawawalan ka ng ganang kumain nang marami; napapadalas ang iyong pag-ihi ngunit kahit madalas lang ay masakit naman ‘pag nangyayari; paminsan-minsan pa'y mayroon itong spotting, at napapadalas na rin ang pagsakit ng iyong balakang at tuhod. Hindi ko naman inakala na lalala nang ganiyan ang iyong mga karamdaman dahil naisip ko, normal na sigurong madali ka nang mapagod dahil lagi nga naman tayong lumalabas, tapos hindi ka naman ganoon kalakas kumain, at isa pa, tumatanda ka pa lalo. Nakakapagtaka dahil malusog ka naman dati at malakas ang pangangatawan. Regular kang umiinom ng vitamins, at nakakatulog naman sa tamang oras.
Noong mga panahong ‘to, hindi kita masyadong naalagaan dahil hindi ko alam kung paano kita isisingit sa iskedyul ko, kaya ang iyong pamangkin na lang ang nag-alaga sa’yo. Pangungumusta na lamang ang aking nagagawa at kung may oras na ako’y nagkukuwentuhan tayo hanggang sa makatulog ka. Noong una, okey lang ito sa akin, lalo na’t alam kong mabuti naman ang nag-aalaga sa’yo. Ngunit ‘di nagtagal ay na-guilty na rin akong hindi kita naaalagaan, kaya noong naging bakante na ang aking iskedyul ay nakapaglaan na ako ng oras para sa iyo. Natuwa ka naman na mayroon na akong oras para alagaan ka, kaso ang kulit mo rin talaga, 'no? Kaya nga ako naglaan ng oras para sa'yo dahil ikaw ang iintindihin ko, kaya dapat intindihin mo rin ang sarili mo. Ngunit imbes na sarili ang iniintindi mo, mas inuuna mo pa ako. Kadalasan nga, lalapit pa lang ako sa'yo para yakapin ka't kumustahin, tatanungin mo na agad ako kung paano ko pinalipas ang araw ko. Lagi kang ganoon; inuuna mo pa ang pag-intindi sa mga tao sa paligid mo, kahit na ikaw mismo’y nahihirapan na sa kalagayan mo. Nagpatuloy ang ganitong eksena; aalagaan kita pagtapos ng aking ginawa sa eskwelahan, magkukuwentuhan tayo at tatanungin mo kung paano ko pinalipas ang araw ko habang inaalagaan kita. Hindi nagtagal, nawalan ka na rin ng oras sa pag-iintindi sa mga tao sa paligid mo dahil mas kinailangan mo nang intindihin ang sarili mo, hanggang sa iyong huling paghinga.
Ang bilis ng mga pangyayari. Hindi natin namalayan at walang nag-akalang sintomas na pala ng cancer ang iyong mga nararamdaman bago ka pumanaw. Iyong pananakit ng balakang, madalas na masakit na pag-ihi, senyales na pala 'yun. Malakas ka naman kasi para sa iyong edad, kaya sinong mag-aakalang ang mga sakit na iyon ay sintomas na pala ng malalang sakit? Sa totoo lang, hindi pa rin nagsisink-in sa akin ang nangyari. Hindi pa rin nagsisink-in sa aking puso’t isipan na hindi na natin magagawa lahat ng ating nakasanayan. Hindi ko matanggap na wala ka na.
La, bakit ang bilis mong nawala?
Langit
Napakasaya sa pakiramdam na ika’y makasama.
Sa tuwing may kailangan akong bilhin, asikasuhin, o kahit ano man, madalas kang nasa tabi ko. Tinatanong kita kung ano ang ginagawa mo sa eskuwelahan at minsan, ang dami mong kuwento tungkol sa iyong mga guro, kaibigan, o kaya volleyball training. Naaalala ko ang kuwento mo tungkol sa kung gaano na kahirap ang paksa niyo sa math. May isang beses naman na nagkuwento ka tungkol sa mga kaibigan mo at kung ano ang plano niyo para sa prom. May mga panahon din na nagkukuwento ka tungkol sa iyong mga paghahanda dahil malapit na ang tinatawag niyong volleyball season. Oo, may mga araw rin na wala kang masyadong kinukuwento sa akin, ngunit ang katotohanan okey lang naman iyon. Masaya lang ako na kasama kita. Masaya ako basta alam ko na okey ka at masaya ka sa buhay mo.
Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya at nagpapasalamat sa mga sandaling pupunta tayo sa mall o lalabas lang para kumain o kahit sa mga panahong ako naman ang sumasama sa iyo. Ang dami na nga nating nagawa at kung hindi dahil sa iyo, hindi siguro magiging ganoon kasaya ang mga araw na iyon. Para sa akin, hindi mo kailangang ngumiti sa bawat sandali o dumaldal buong araw para lang sumaya ang pakiramdam ko. Basta kasama kita, kuntento na ako. Naaalala ko nga noong mas maliit ka, kapag hinahawakan mo ang kamay ko tuwing tumatawid tayo ng kalsada, kumpletong-kumpleto na ang araw ko. Mukha rin namang nag-e-enjoy ka. Tuwing tumitingin ka sa akin at ang laki ng ngiti mo o ‘di kaya’y maririnig ko ang iyong pasalamat lalo na kapag may binibili ako para sa iyo, lumuluwag ang pakiramdam ko dahil alam kong masaya ka rin.
Siyempre, hindi naman lahat ng sandali masaya. May mga panahong pinipilit kitang sumama kahit alam kong marami kang ginagawa. Minsan naman, gusto kong sumama sa kung saan ka man pupunta pero ayaw mo kagaya ng mga araw na kailangan mong mag-eenroll sa paaralan. Ang cute mo nga kapag nakasimangot ka minsan. Kamukhang-kamukha mo talaga mga magulang mo. Pagpasensiyahan mo na ako at hindi ko kasi mapigilan ang sarili ko. Mas masaya ang mga bagay-bagay kapag kasama kita. Kaya niyayaya na lang kita na kumain para hindi ka na magalit sa akin, nagbabakasakaling bumalik ulit ang ngiti mo, at kapag bumalik na, bumabalik din ang saya ng araw na iyon.
Palagi tayong ganito hanggang unti-unting nabawasan ang ating pagsasama.
Kahit gusto ko, alam kong hindi ako aabot sa pagtanda mo-- sa pag-graduate mo, kapag nagpakasal ka man, kapag may sarili ka nang pamilya. Unti-unti na akong nagkakasakit at unti-unting dumami ang ginagawa mo. Ayoko nang paalahanin sa iyo ang sakit na pinagdaanan nating dalawa. Alam kong nagi-guilty ka na hindi na tayo lumalabas kagaya ng dati pero gusto kong tandaan mo na hindi natin kailangan lumabas para maging masaya. Masayang-masaya pa rin ako kapag kinukuwentuhan mo lang ako habang nakahiga ako sa kama. Nagpapasalamat ako sa mga oras na inilaan mo para lang alagaan ako kahit busy ka, pero alam ko ring marami ka talagang ginagawa. Ako nga yung nagi-guilty na kailangan mo pa akong alagaan e. Ayaw kong dumagdag pa sa mga responsibilidad mo. Tumatanda ka na. Alam ko iyon. Ayaw kong pahirapan ka pa lalo. Ngunit hindi ko na rin kaya. Susulitin ko na lang ang mga panahong nandito pa ako kasama ka. Sana patawarin mo ako.
Kung ako’y tatanungin, isa sa mga biyaya na binigay sa akin ng Diyos ay ang makita kang tumanda, mula sa isang nakakagigil na sanggol, isang masiyahing bata, at ngayon, isang napakaganda at matatag na dalaga. Ang laki ng pasalamat ko sa mga oras na ginugol natin kasama ang isa’t isa. Hinding-hindi ko ipagpapalit ang mga sadaling iyon para sa kahit anong bagay sa mundo.
Kahit wala na ako, panalangin ko na maging masaya ka. Pasensya na kung para sa iyo nawala ako kaagad. Alam kong handa ka nang ipagpatuloy ang buhay mo kahit wala na ako. Tandaan mo lang na ngumiti at higit sa lahat, sana tandaan mo na palaging may nagmamahal sa iyo.
Salamat sa mga alaala. Apo, mahal na mahal kita.
0 comments: