filipino,
Literary: Ikot/Toki
Bakit gano’n? Palagi na lang siya ang sentro ng atensyon. Palagi na lang siyang nakikita. Palagi na lang siyang maraming kasama. Bakit gano’n? Ito madalas ang naiisip ni Toki sa tuwing nakikita niya si Ikot.
Sa bawat aksyon ni Toki, walang kibo ang nangyayari. Kakaunti lamang ang nagiging kaibigan niya, mahirap na rin siya hanapin. Pero and’yan pa rin siya. Nagtitiis kahit iilan na lamang ang mga kasama niya. Saan nga ba siya nagkulang?
Sa bawat pagkilos ni Ikot, hindi maiwasang marindi si Toki.
"Hoy, Ikot,” sigaw ni Toki. “Hindi ba pwedeng ako muna? Sawang-sawa na ako na makita ka na palaging tinatangkilik. Palaging ikaw! Wala naman akong ginagawang mali pero bakit—"
Narinig ni Ikot at napatigil sa paggalaw ng kanyang mga paa at tumingin kay Toki, na halos gulat sa mga sinabi niya. Hindi niya alam kung anong pinanggagalingan ni Toki pero agad niya itong sinagot.
"Anong sinabi mo?” pagulat na sinabi ni Ikot. “Akala mo ba’y madali ‘tong ginagawa kong ‘to? Oo, nasa akin nga ang atensyon pero ginusto ko ba ito? Sana’y alam mo kung gaano ko gustong magpahinga. Ngunit alam kong kailangan ako ng mga tao. Kailangan tayo ng mga tao."
Nanghina ang loob ni Toki nang marinig niya ang mga sinabi ni Ikot sa kanya. Ngunit, hindi siya kumalma at patuloy na nainggit kay Ikot kaya’t agad-agad itong binalikan ng mga masasakit na salita.
"E ikaw, alam mo ba kung gaano ako katagal nagtitiis? Halos araw-araw na lang kitang nakikita na ikaw ang pinapansin. Papaano naman ako? Andito lang ako, palagi’t palagi,” sagot ni Toki kay Ikot.
Napatigil si Toki sa kanyang mga sinasabi sapagkat alam niyang baka makasakit na siya ng damdamin ng iba. Ngunit, nagpatuloy pa rin siya sa paglabas ng kanyang galit. "Wala naman akong ginawang mali para hindi nila ako pansinin! Magkabaliktad lang naman tayo ng tinatahak na daan ngunit ano naman ang nagpapaespesyal sayo, ha?"
Napahinto at napa-isip si Ikot kung ano ang kanyang sasabihin. "Kasalanan ko bang ako ang mas tinatangkilik? Ilang beses na akong paligoy-ligoy sa daan ng UP Diliman. Dagdag pa rito... ikaw, Toki, ay espesyal."
"Edi kung sana’y espesyal ako, pinahahalagahan na rin ako ng mga tao rito," malungkot na sabi ni Toki.
"Pinahahalagahan ka nga! Ikaw ang rason bakit sila’y nakakapunta sa mga tagong lugar tulad ng CS Oval, Mathematics, at iba pa. Ikaw ang rason kung bakit mas napapadali ang buhay nila. Dapat nga’y nagtutulungan tayo, dahil para sa akin ay mahalaga tayo,” pinaliwanag ni Ikot.
Agad-agad na nagtanong si Toki, "Kung ganoon naman pala, e’ bakit pakiramdam ko na dinededma lamang ako ng ilan diyan?"
Dahil dito, napabuntong-hininga na lang si Ikot.
"Alam mo, Toki… iba-iba tayo. May sarili kang direksyon sa buhay. Ako rin ay may kakaibang direksyon. Ang pinakaimportante nama’y nakakatulong ka sa mga tao. Unique tayo, e. Sana’y hindi ka na mainggit. Dahil ikaw, Toki, ay hindi pwedeng mawala rito."
Mas gumaan ang loob ni Toki nang marinig niya ang mga salitang iyon. Mas bumaba ang kanyang pag-aalala sa kanyang kahalagahan. "Mmm… siguro nga’y tama ka roon na kahit na magkaiba ang direksyon natin sa buhay, ay nakakatulong pa rin naman tayo sa iba. Hindi ba iyon naman ang pinakaimportante sa lahat?"
"Ayun naman talaga dapat e," pangiting sagot ni Ikot.
"Kaya Ikot, ako'y iyong pagpasensyahan sapagkat nadala lang ako ng emosyon ko. Ngayon ay naiintindihan ko na kung ano ba talaga ang dapat mas pahalagahan. Hindi ang reputasyon, kundi ang pagkakaroon ng silbi sa mundong ito."
0 comments: