jasmine esguerra,

Sports: UPIS Junior Maroons, bigo sa huling laban

2/28/2018 08:55:00 PM Media Center 0 Comments



LIPAD. Harap-harapang nag-lay-up si Polo Labao ng UPIS Junior Fighting Maroons kontra kay Andrei Dulalia ng UE Junior Red Warriors. Photo credit: Fatima Wadi

Hindi pinalad magwagi ang University of the Philippines Integrated School (UPIS) Junior Fighting Maroons Basketball Team laban sa University of the East (UE) Junior Red Warriors sa kanilang huling laro sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 80 noong Pebrero 11 sa Ateneo Blue Eagle Gym, Katipunan.

Pinakamataas na scorer ng Maroons si Matt Santiago na nagtala ng 19 na puntos, kasunod sina Joelo Tupaz at Rafael Labao na tumipa ng tig-15. Habang sa kabilang koponan, nanguna si Andrei Dulalia sa iskor na 24 kasama si Agem Miranda na nag-ambag ng 22 at si Shane Dichoso na may 20.

Maganda pa ang laro ng Maroons sa unang kuwarter sa pakikipagpalitan nila ng puntos sa kalaban. Dikit ang dalawa at nagtapos sa iskor na 20-20, tablado ang dalawang koponan.

Inalat ang mga lay-up ng Red Warriors pagdating ng ikalawang kuwarter at naging mahina rin ang kanilang depensa. Dito pumasok ang sunod-sunod na puntos ng Fighting Maroons at ‘di maawat na pag-free throw na naging daan upang makalamang sila ng 2 puntos. Ngunit hindi pa rin nagkakalayo ang iskor dahil parehong magaling ang opensa ng mga manlalaro. Natapos ang laban sa 38-36, lamang ang Junior Maroons.

Tuloy ang pagpuntos ng Maroons at mahigpit ang depensa pagdating sa ikatlong kuwarter. Pero humataw ang kalabang si Dustin Angeles ng magkakasunod na tres na bumuhat sa kanyang koponan. Humabol ang Maroons ngunit kinapos sa iskor na 70-65, pabor sa Warriors.

Nagsimula ang huling kuwarter sa hindi pagkakaintindihan ni R. Labao ng Junior Maroons at ni Policarpio Darvin ng Junior Warriors. Natigil lamang ang tensyon nang sila’y awatin ng referee at ng kanilang teammates. Naging matibay ang depensa ng UE hanggang sa sila’y magwagi, 94-85.

Huling laro na ito ng Grado 12 na si R. Labao kasama ang kanyang batchmates na sina Tupaz, Jaggie Gregorio, at Carlos Villareal. Huling laban na rin ito para sa Grado 11 na sina Santiago at King Vergeire kahit hindi pa nila ito huling taon sa UPIS dahil sila’y overage na ayon sa patakaran.

“This season has been one hell of a roller coaster ride [...] We’ve created this bond we could call more than a team, it’s a family. Future endeavours? I plan to continue working and finish all the unfinished business we had here in high school. All for the game,” sabi ni Gregorio.

“We gave everything we’ve got this season. We had our share of ups and downs, but most importantly we went through it together. Representing the school’s name in front of our jersey gave us inspiration to overcome adversity,” dugtong ni Maroons team captain Villareal.

Nagtapos ang season ng Junior Fighting Maroons sa tatlong panalo at 11 talo. Ang mga koponan na magtatapat bilang final four ay ang Ateneo Blue Eaglets, NU Bullpups, UST Tiger Cubs, at FEU Baby Tamaraws.

Mga Iskor:

UPIS 85 – Santiago 19, Tupaz 15, R. Labao 15, P. Labao 11, Gregorio 10, Vergeire 9, Estrera 6.

UE 94 – Dulalia 24, Miranda 22, Dichoso 20, Almacen 12, Angeles 9, Vinte 7.//nina Pauline Demeterio at Jasmine Esguerra

You Might Also Like

0 comments: