BeautyinMC,

Literary: Kung Sana Lang

2/02/2018 09:20:00 PM Media Center 0 Comments





Kasabay kita sa bawat alon
kahit anong hampas nito,
kapit-kamay tayong umaahon.

Sa bawat unos,
nariyan ka't kaagapay
nang isip at pusong pagod, iyong pinapagtibay.

Mga oras na balot ng dilim,
ngiti mo lamang ang tanging tanglaw
upang liwanag ay muling matanaw.

Kaya ako,
heto't parang naguguluhan
dahil ayaw ko sanang mahulog
sa aking matalik na kaibigan.

Pero 'di maiwasang mag-isip
ng mga baka sakali
na paano kung maging sagot mo'y "oo"
pero paano kung "hindi."

Pero ako'y nagtangka.
Naghanap ng rosas na tatapat sa 'yong ganda.
Na kahit na ako'y dinadaga
gagawin ito dahil siguro nga,
gusto na kita.

Hanggang oras na upang umamin.
Puso mo'y ilang distansya lang
ang layo sa akin.
Hindi mapakali.
Dila'y tila umuurong na rin.
Hindi ko kasi maibaling ang tingin
sa ngiti mong noon ay kakaiba rin.
Mukha ka kasing masaya.
Tipong iba ang iyong ganda.

Nagkasabay ang ating bati.
Nagulat ako.
Dahil tila may gusto ka ring sabihin.
Kaya "Sige mauna ka na,"
tanging nasabi
habang rosas sa likod ay ikinubli.

Nagulat at nawalan ng imik
nang iyong banggitin
na siya'y sinagot mo na rin.
Tila hawak kong rosas ay napuno ng tinik
sapagkat wala nang sasakit
sa apat na salitang hindi ko dapat binanggit.
Dahil kung pinauna mo lamang akong pasalitain,
Baka sana man lang aking naamin
sikretong sa tingin ko,
mananatiling lihim na pagtingin.

You Might Also Like

0 comments: