filipino,

Literary: Sa Iyo na Nagmamahal sa Akin

2/21/2018 07:40:00 PM Media Center 0 Comments





          Umaalingawngaw ang malutong na mura sa earphones mo na mula sa isang viral video sa Facebook. Bentang-benta talaga sa iyo ang video na iyon, halos mangiyak-ngiyak ka sa katatawa.


          Sumabay ang buong klase sa iyong pagtawa. Nakakahawa naman kasi talaga ang paghalakhak mo.


          Ang totoo, 'di ko alam kung bakit, pero napakabungangera mo. Ni katiting na hinhin ay hindi ko matanaw sa katawan mo. Tuwing lunch, nakikita kitang sumasayaw ng kung ano-ano sa gitna ng koridor, malakas na tumatawa na para bang wala nang bukas, o di naman kaya ay nakikipagkulitan nang wagas sa bestfriend mo na akala mo walang tao sa paligid. Sa totoo lang, ‘di ko alam kung bakit parang wala kang pakialam sa tingin o sasabihin ng iba tungkol sa iyo.


          Kaya nga talagang hanga ako sa iyo. Ang dali mong pakisamahan kahit na mukha kang mataray. Ang dali mong patawanin at bentang-benta ang lahat ng mga ginagawa mo sa lahat ng tao. Isa ka sa mga pinakamatalino, pinaka-creative, at pinakamasipag na estudyanteng kilala ko.


          ‘Di tulad ko, tamad at walang creativity sa katawan.


          Noong nalaman ng section na may crush ka, talagang suportado ka nilang lahat. Wala naman talaga akong pakialam pero nakisama na rin ako sa section natin na asarin ka sa crush mo.


          Kaso, ang laking gulat ko noong nalaman ko na ako ang taong gusto mo. Ako pala ang inspirasyon mo sa lahat ng akdang naisulat mo. 'Di ko mapigilang magtaka: bakit ako? Kung ikukumpara mo ako sa nakaraan mong crush ay napakalayo ng agwat namin sa isa't isa. Hindi ko talaga akalaing ako ang magugustuhan mo.


          Simula nang malaman ko na ako ang gusto mo, nagsimula nang mang-asar ang lahat ng tao sa paligid natin. Naiilang ako dahil ngayon lang ito nangyari sa akin. Nailang ako sa iyo dahil ikaw ang babaeng nagkagusto sa akin. 'Di ko alam kung bakit, pero iba ka kasi kumpara sa ibang babae. Kaya naman sinubukan kitang iwasan at 'di na tulad ng dati ang pakikitungo ko sa iyo.


          Pero nang maging kapansin-pansin ang pag-iwas ko sa iyo, madalang na kitang makitang nakatawa o nakangiti. May isang beses na nakita rin kitang umiiyak.


          Matapos ang isang taon ay ‘di na tayo magkaklase. Sa totoo lang, ang tahimik sa section namin ngayon. ‘Di ako sanay. Kaya araw-araw ay naaalala ko ang section na minahal ko talagang tunay. Ang pamilya ko na siyang nagbigay sa akin ng kasiyahan. Ang maingay na tawanan, ang jamming sessions tuwing lunch, at kahit ang simpleng kuwentuhan lamang kasama ang buong section, na-miss ko lahat. Kaya naman inaabangan ko ang lahat ng taong mula sa dati kong section upang kulitin at makakuwentuhan. Masaya ko silang sinasalubong at kinakausap. Maliban sa iyo.


          Pero pakiramdamam ko, may kulang.


          ‘Di ko na namamalayang tuwing lalabas ka mula sa klase mo ay inaabangan kita. Kahit pasimpleng sulyap lang. Binabagalan ko ang aking paglakad ‘pag alam kong nasa likuran lang kita. Napagtanto ko, niloloko ko lang pala ang sarili ko. Hindi talaga ang maingay at masayahing klase ang na-miss ko.


          Sa iyo pala ako nangungulila.


          Na-miss ko ang maingay mong bibig, ang walang habas mong pagkanta kasama ng iyong mga kaibigan, ang mga nakakahawa mong tawa na sinasabayan ng buong klase. ‘Yung paraan mo ng pagreport sa harap, ‘yung paraan mo ng pagdadala sa sarili mo kahit na wa-poise ka na. ‘Yung unti-unting pamumula ng mukha mo kasabay ng pagtaas ng dalawang dulo ng labi mo tuwing kinikillig ka. Na-miss ko ‘yun.


          Pero patawarin mo ako, hindi ko pa kayang harapin ang nararamdaman mo. Ang nararamdaman ko. Hindi pa ako handa sa mga ganitong bagay.


          Ang tanging bagay lang na masasabi ko sa ngayon ay nagpapasalamat ako sa iyo. Salamat na minahal mo ako sa kabila ng mga pangit na parte ng buhay ko, salamat dahil natutuwa ka na kahit sa mga simpleng bagay na ginagawa ko. Salamat at nandiyan ka pa rin kahit na ilang beses na kitang sinubukang itulak palayo, kahit ilang beses kitang ‘di pinansin, kahit na maraming beses ko nang binasag ang puso mo. Salamat at minahal mo ako.


          Alam kong makasarili, pero kaya mo bang maghintay? Kahit kaunting panahon lang. Sorry, pero ‘di ko kakayaning tuluyan kang umalis. Hindi ko kayang bumitaw sa isang bagay na ‘di ko pa naaabot.


          Kaya’t pakiusap, sana’y mahintay mo pa ako hanggang sa maging tama na ang panahon, kung kailan ako magkakaroon ng lakas ng loob na magbigay ng bulaklak sa Araw ng mga Puso, at tanungin ka kung puwedeng ako na lang ang kasama mo sa araw na ito.

You Might Also Like

0 comments: