filipino,

Literary: Himig ng Liham

2/21/2018 08:21:00 PM Media Center 0 Comments






Aking Melodiya,

            Bagong umaga na naman ang dumating, sana’y nakatulog ka nang mahimbing kagabi. Pasenya ka na’t wala ako riyan sa tabi mo ngayon dahil kinailangan kasi ako sa trabaho. ‘Di bale… susulatan na lang kita para maging maganda ang simula ng araw mo. 

Ang panguna sa listahan ng mga nais sabihin ng dalawa kong labi ay ang tatlong salitang ito:  apat na taon.

Ganito na tayo katagal na nagmamahalan at hanggang ngayon ay manghang-mangha pa rin ako sa buong pagkatao mo. Mula sa maningning mong mga mata, hanggang sa kahiligan mong humiga sa damo para maligaw sa kagandahan ng mga tala. Pero Mel, ang pinakanaibigan ko sa ’yo ay ang pagkahumaling mo sa pagsayaw.

Simula hayskul pa lang, sayaw na ang pinakamahal mo, lahat ay isasakripisyo mo para dito. At ang iyong paggalaw? Kahali-halina. Sabi mo nga sa akin, sa tuwing sumasayaw ka, lumalaya at lumiligaya ka. Pero para sa akin, Mel, lalo kang gumaganda.

Ang pangalawang bagay na nakapaloob sa liham na ito ay apat na pantig:  Pasensya na.

Araw-araw ko itong binibigkas sa iyo at hindi ako titigil magpakailanman. Pasenya na’t ganiyan ang kalagayan mo, dalawang taon na ang tagal. Kasalanan ko na inimbita kita noon sa perya para makinig sa mga banda, pero ang ginawa ko lamang ay uminom. At noong nagyaya ka nang umuwi ay hindi kita nasamahan dahil lasing na ako’t bawal nang magmaneho. Kung nasamahan kita, hindi ka sana naaksidente nang gabing iyon.

Pasensya na, Mel. Dahil sa akin, nawalan ka ng pandinig. At dahil sa akin, hindi mo na mapakikinggan ang musika na kailangan mo sa pagsayaw.

Pero nais kong magpasalamat dahil sa tuwing sinusulatan kita ng mga salitang “Pasensya na,” ang mga isinasagot mo pabalik ay “Pinapatawad kita.” At sa tuwing sinasamahan kitang sumayaw sa maliit nating kuwarto, na napakatahimik at walang musika, ibinubulong ng iyong mga labi ang linyang “Mahal kita.”     

Melodiya, mahal na mahal din kita.

Gusto kong malaman mo na hindi mo kailangan ng pandinig at boses para maipahayag ang mga nais mong sabihin, dahil mula nang mawalan ka nito, sayaw at simpleng paggalaw na ang lengguwahe natin sa isa’t isa. At ipinapangako ko na ako na ang magsisilbing melodiya mo, dahil ikaw ang sa akin.

Tandaan mo, uuwi ako nang maaga mula sa trabaho ko ngayon para makasama ka mamayang gabi. Araw ng mga Puso ngayon, nakalimutan mo ba? Huwag kang mag-alala. Papakainin kita sa paborito mong tapsilogan, at pagkatapos, buong gabi kitang isasayaw sa ilalim ng mga tala.

                                                                                                                     Nagmamahal,

Nimuel

You Might Also Like

0 comments: