BeautyinMC,

Literary: Musa

2/02/2018 09:57:00 PM Media Center 0 Comments





llang libong litrato na ang iyong nakuha
Bawat anggulo ng araw, buwan at mga bituin,
Mga puno mula sa taas, gilid at baba, at
Ang dagat mula sa laot, kailaliman at dalampasigan.

Hindi ka nananawang kunan ito ng litrato kahit ilang beses mo nang nakita.

Dadaan lang kayo ng Guadalupe,
Nakita mo lang ang paglubog ng araw sa panahon ng tag-init,
Patitigilin mo ang kotse.
lba kasi ang kulay. Mas kahel? Mas pula?
'Di mo maintindihan ngunit mas maganda.

Pupunta kayo sa dagat pero bago ka lumangoy, litrato muna.
Ang linya kung saan nagtatagpo ang langit at ang tubig, doon ang gitna.
Ang sinag ng araw, masakit sa mata subalit kuhang-kuha ng iyong camera.

Nag-ihaw lang ang tatay mo ng pananghalian, hindi ka nakapagpigil.
Ang ganda kasi ng apoy, parang sumasayaw.
llang anggulo muna, muntik pang masunog ang liempo.
Nakakabighani kasi ang diin ng kulay, minsan lang makatiyempo.

Ang dami namang kaparehong litrato, bakit mo pa kailangan?
lisa lang din naman ang inyong kinukunan?
Ang araw, langit, dagat at mga puno.
Apat na elemento ng mundo,
Hindi mo na pinatawad.

Hindi ka nananawang kunan kasi parang may mali, parang may kulang.

Nang minsa'y natiyempuhan ang ganda ng mga ulap,
Tila unang napakalambot, pero iba ang iyong nakunan.
lsang anghel ang napadaan at simula noon ay hindi na napigilan.

Sa tamis ng kanyang ngiti, hindi ka mag-aatubili
Na hablutin ang iyong camera at tutukan ito nang mabuti.
llang beses na siyang tumawa sa iyong harapan
At ngayon, alam mo na ang dapat na kinukunan.

Hindi maikukumpara ang araw sa liwanag ng kaniyang mukha.
Ang dagat ay wala sa alon ng kanyang buhok.
Ang apoy ay tinalo ng init ng kanyang mga tingin.
Hinihiling mong makasama siya,
Pagsikat ng araw hanggang takipsilim.

Ngunit nang ika'y mahuli, siya'y nagalit.
Pinapangako kang 'wag nang uulitin.
Nawala ang iyong musa at gusto mong balikan
Datapwat bawal nang pilitin.

Balik ka na ngayon sa araw, sa dagat at sa langit.
Titigil na naman kayo sa Guadalupe,
Tatayo ka ulit sa dalampasigan
Iistorbohin mo na naman ang inyong pananghalian.

At sa bawat pagpindot ng iyong camera
Hihilingin mong siya ang nasa litrato
Dahil kanyang ngiti ay walang kaparis,
Nag-iisa't natatangi sa mundo.

You Might Also Like

0 comments: