BeautyinMC,
“Huy, wala akong maisulat,” sabi mo sa akin habang kinakagat ‘yung dulong takip ng bolpen mo. Ilang oras mo na ring tinititigan ang blangkong papel na nasa harapan mo. Kanina pang lunch break mo sinusubukang simulan ang lit mong ‘yan pero wala ka pa ring naisusulat.
“Ano ba ‘yan, bukas na deadline niyan, a.” Kinuha ko mula sa bibig mo ‘yung takip ng bolpen at kinaawaan ang kalunos-lunos na sinapit nito. “Tingnan mo tuloy. Ano ba’ng ginawa sa ’yo ng takip ng bolpen, ha?”
“E, kasi nga…” Mariin kang nagsulat sa blangkong papel na nasa harapan mo: “STRESSED. NA. AKO” – at hinablot ang takip na nasa pagitan ng dalawang daliri ko.
“Ano ba kasi’ng theme ng pub niyo ngayon?”
“Hulaan mo,” sabi mo sabay ngisi.
Heto na naman tayo. Hindi ko napigilang itaas ang kilay ko. “Matino kitang tinatanong, e. Sagutin mo ako nang maayos,” iritadong sabi ko sa iyo.
Bumuntonghininga ka at humarap ka sa akin habang nakapangalumbaba. “Ikaw. Ikaw ‘yung topic.”
“Umayos ka ha, seryoso kas—”
“Beauty.”
Napakunot ako ng noo at sisimulan ko na sanang kontrahin ka, pero napatigil ako agad nang hawakan mo ang kamay ko.
“’Yung mga ugat na kitang-kita sa maputi mong balat…” Gamit ang daliri mo, sinundan mo ‘yung kulay asul na linya sa kamay ko na pinakakinaiiritahan ko.
“Nakakahawa mong tawa…” dugtong mo. Pero alam mo naman kung gaano ako nahihiyang tumawa sa harap ng maraming tao kasi nasabihan na akong tunog akong naghihingalong aso.
“’Yung paraan mo ng pagsulat ng pangalan mo na parating may maliliit na puso sa dulo, ‘yung nunal sa ilalim ng mata mo na saktong-saktong sa eyebags mo…”
Seryoso ba ‘tong taong ‘to? Tanging nasa isip ko nang mga sandaling iyon. Halo-halong emosyon ang naglalaro sa dibdib ko. Gusto kong umiyak sa tuwa, manginig sa kilig, at sapakin ka sa mukha dahil sa inis nang sabay-sabay.
“’Yung maliit na peklat sa ibabaw ng labi mo na parati mong tinatakpan ng concealer–”
“A-ano bang gusto mong sabihin?”
“Ikaw. Maganda ka. Pero ‘di mo alam. Kasi masyado kang nagpakain sa inis at pandidiri mo sa mga bagay na ayaw mong makita sa katawan mo, kahit na ‘yun yung nagiging dahilan kung bakit ka nagiging kakaiba. Kung bakit ka maganda… lalo na sa paningin ko.”
Hawak-hawak mo pa rin ang kamay ko at nakalapit na ito sa mga labi mo. Pakiramdam ko sasabog na talaga ‘yung dibdib ko sa kilig, tuwa o kung ano man. ‘Di ko na rin maintindihan kung anong nararamdaman ko.
“’Ayun! May outline na ako para sa lit ko! Salamat, ha!” sabi mo sa akin at binitawan ang kamay ko.
Teka, ano?
“Sandali, ‘yung mga sinabi mo sa akin… ‘Yun ‘yung mga isusulat mo para sa lit mo? ‘Yun ‘yung laman ng lit mo?”
“Oo, bakit?” sagot mo sa akin habang nagsisimula ka nang magsulat sa papel na nasa harapan mo.
Pakiramdam ko maiiyak ako. Nararamdaman ko na ang nagbabantang luha sa mga mata ko.
Lalayasan na sana kita pero agad akong natigilan sa mga sinabi mo sa akin:
“Hindi naman porket ilalagay ko bilang bahagi ng ipapasa kong akda ang mga sinabi ko sa ‘yo e hindi na ‘yun totoo,” sabi mo at iniangat ang iyong tingin. “Ikaw ang inspirasyon ko para makagawa ng isang obra maestra mula sa blangkong papel, tandaan mo ‘yan.”
Literary: Blangko

0 comments: