BeautyinMC,

Literary: Balangkas ng Kanyang Kagandahan

2/02/2018 09:41:00 PM Media Center 0 Comments





I. Ang iyong kaakit-akit na ngiti ay tila araw na sumisikat at nagbibigay ng bagong umaga.
    A. Tuwing ika’y ngumingiti, lagi kong unang natatanaw ang pag-unat ng iyong labing kulay rosas at pinasisigla ako ng kasunod nitong buhay na buhay na bungisngis.
   B. Ang biloy (dimple) sa gilid ng iyong ngiti ay lubhang nakatutuwa dahil ipinakikita nitong tunay ang iyong kasiyahan.
    C. Sa pagngiti, sa pagkinang ng iyong paningin, parang ang kalawakan ay nawalan na ng mga bituin dahil lahat ay nanirahan na sa iyong mga mata.

II. Ang iyong magagandang mata ay bumighani sa akin.
   A. Nawawalan ng hininga – nakaligtaan kong huminga noong tumitig ako sa iyong mga mata. Patuloy na nabibighani at nawawalan ng lakas na labanan ang iyong kagandahan.
     B. Ang mga mata mo ay tumitig sa akin noong bandang alas-kuwatro ng hapon habang tayo’y nakapila sa sakayan ng dyip. Papalubog na ang araw, natanaw ko ang takipsilim kasabay ng pagbago ng kulay ng iyong mga mata – itim patungong ginto. At ako’y nabighaning muli.

III. Ang iyong malambot na kamay na humawak sa aking mga nanginginig na palad ang naging hudyat ng aking pagsuko sa dumadagundong na pagtibok ng pusong ito na umibig na sa iyo mula pa noong tayo’y unang nagkita.

IV. Ngunit ngayon, ilang taon na ang lumipas, tayo’y tumanda na at marami nang nangyari sa pagitan nating dalawa.
    A. Paunti-unti nang nawawala ang iyong mukha sa aking isipan, dahil minsa’y isang beses sa isang linggo na lang tayo nagkikita.
    B. Lumalabo na ang iyong tinig sa aking alaala, dahil kapag tayo’y nagkikita, iba ang ating mga kasama at para bang magkaiba ang ating mundong ginagalawan. Magkalapit tayo ngunit magkalayo rin.
    C. Natatakot na ang aking puso dahil nakakalimutan ka na ng aking isipan, ngunit kahit saglit na tingin lang sa iyong nakangiting mukha ay nagbabalik na naman ang napakalaking pagmamahal para sa iyo. (Bakit kaya ganito?)

V. Hindi ang pisikal mong anyo ang dahilan kung bakit ako paulit-ulit na umiibig sa iyo. Mahal pa rin kita, dahil sa mga alaalang naibigay mo sa akin.
    A. Nakilala kita bilang isang matalik na kaibigan at nabigyan mo ako ng maraming alaala na hindi mapapawi ng kahit ano man.
     B. Ang tawa mo kung minsa’y sobrang sarkastiko o sobra-sobra sa saya.
        1. Minsan ‘pag ako ang inaasar mo, hinahayaan ko lang dahil gusto kong ako ang nagpapangiti sa iyo.
      2. Kapag nanonood tayo ng pelikula, hinahayaan ko lang na malunod ang aking sarili sa tawa mo ‘pag may nangyayaring eksena – hindi ako nanghinayang na iyon ang mga pelikulang pinili mong panoorin natin nang magkasama.
    C. Ikaw ay walang sawang umiintindi at nakikinig sa aking mga istorya.
        1. Nakikinig ka at naglalaan ng oras ‘pag kailangan ka naming lahat.
       2. Hinayaan mong makilala kita nang lubusan kahit na alam mong may nararamdaman ako para sa iyo na higit pa sa dapat maramdaman ng isang kaibigan.
      3. Hindi ka pa rin lumalayo. Hanggang ngayon, sinusubukan nating mag-usap at magkita, kahit saglit lang – ngunit hindi yata talaga puwede dahil lagi na lang itong nahihinto.

VI. Hindi ako makakawala sa iyo dahil sa ilalim ng maputing balat at kaakit-akit na ngiti ay may magandang ugali at alaala na naninirahan sa puso’t isipan ko.
    A. Mahal kita sana naririnig mo ang mga sinasabi ko, sana napapansin mo rin ako.
    B. Mahal kita, alam kong ilang beses mo na itong nababasa ngunit hayaan mong ipakita ko sa huling pagkakataon ang katotohanan sa puso ko.
    C. Nandito lang ako.

A/N: Ang balangkas na ito ay hindi sapat upang masabi kung gaano ka kaganda sa paningin ko.

You Might Also Like

0 comments: