BeautyinMC,

Literary: Siya Rin Pala

2/02/2018 09:54:00 PM Media Center 0 Comments





"Ang ganda talaga niya," pang-ilang sabi mo na 'yan ngayong araw habang nakatingin sa kanya.

"Paano mo nasasabing maganda ang isang babae?" tanong ko sa 'yo.

Natahimik ka noon at napag-isip-isip. Sagot mo, "Para sa ‘kin, maganda sila kapag tahimik, mahiyain, mahinhin, ‘tsaka conservative." Sinabi mo pa, "Ganu’n din kasi ako. Kaya gusto ring makakilala ng babae na kapareho ko ng personality."

Hindi ko na natanong kung bakit ganyan ang basehan mo ng pagiging maganda. Kasi naman! Sa pagiging tahimik pa lang, laglag na agad ako sa paningin mo ng pagiging maganda. Madalas nga akong mapagalitan ng titser dahil sa pagiging madaldal ko. Pilitin ko mang manahimik nang ilang minuto, hindi ko na kaya.

Saka mahiyain? Ako ba, mahiyain? Mukha ba akong mahiyain? Ilang beses nga akong ginagawang representative para mag-present sa klase ng kung ano-ano nang walang plano-plano. Ako na mismo ang nagsasabi, wala akong hiya.

Tapos mahinhin at konserbatibo? Hindi nga ako mapirmi sa isang lugar. Kung saan ako iniiwanan, asahan ninyong pagbalik niyo, wala na ako roon. Napakaligalig ko ring klase ng tao.

Kahit isa, wala man lang akong naipasa. Sobrang kabaligtaran ko lahat ng sinabi niya. Mukhang hinding-hindi ako magiging maganda sa paningin niya.

--

Katabi ko na naman siya kaya ang ingay na naman ng paligid. Araw-araw na lang ganito. Hindi ko nga alam kung paano ko 'to naging kaibigan. Para akong may katabing megaphone araw-araw.

Palagi kasi akong napagtitripan nito kaya wala rin ako magawa. Kahit ilang beses ko mang hindi pansinin, magpapapansin pa rin. Ayos lang naman sa akin. Parang buhay na buhay ‘yung araw ko 'pag nandyan siya. Hindi nakakabagot.

Isang araw, nag-absent siya, may sakit daw. Doon ko napagtanto na parang ang tahimik ng mundo kapag wala siya. Walang nang-aasar, walang maingay. Nakakapanibago.

Saka ko rin napagtanto na ayos lang din pala sa babae kapag hindi mahinhin, mahiyain, tahimik at konserbatibo.

Maganda rin pala kapag hindi mahiyain, kapag malakas ang loob, kapag kayang dalhin ang sarili.

Maganda rin pala kapag palakaibigan, kahit sino kayang pakisamahan. Kahit kanino mo isama, magagawan niya ng paraang maging magkakaibigan lahat.

Maganda rin pala kapag madaldal, kahit hindi niya kilala, kaya pa rin niyang kausapin. Halos walang pinipili.

Maganda rin pala kapag hindi masungit. Madaling lapitan, madaling kausapin.

Maganda rin pala siya.

You Might Also Like

0 comments: