bella swan,

Literary (Submission): Oo*

10/13/2014 08:46:00 PM Media Center 0 Comments

“Hindi mo lang alam, naiisip kita…”

Naiinis ako sa’yo.

Nananahimik kasi ako. Ordinaryong estudyante lang. ‘Yung mga tipong pag pina-describe ako, hindi masasabing, “Ah siya, yung editor ng MC?” o kaya “Yung GSP?” Kahit nga talent-related, di pa rin. Di naman ako sintunado kumanta at di rin ako parang kinuryenteng bulate sumayaw pero di rin sobrang “Wow, singer/dancer!” ang dating. Pwede na siguro yung nasa top ako ng klase pero wala namang paki mga tao dun. Parang alam nilang nag-eexist ako pero ‘di big deal talaga sa kanila.

In short, I’m normal. Just there. Di pansinin. Okay naman akong ganun. Tinanggap ko nang ‘yan na ang high school para sa ‘kin.

Tapos one day, ayan ka bigla. Biglang dumating. Isang napakalaking abala sa buhay.

“Baka sakali lang maisip mo ako…”

Hindi naman kasi tayo close. Tapos isang simpleng moment lang… Nahulog lang ‘yung Gtec ko at pilit kong inaabot nang di tumatayo sa upuan kasi number one, nakakatamad, at number two, feeling gymnast ako bakit ba. Magkatabi tayo noon at ewan ko ba kung gentleman ka ba talaga o sadyang pakialamero lang kaya pinulot mo. Pag-angat ng ulo mo, ayun, nauntog ka sa desk ng armchair ko. Kung di ka ba naman… hay naku! ‘Yan ang napapalala ng pakialamero. Dapat nagtatanong ka muna kung gusto kong magpatulong. Abot ko naman talaga ‘yun. Gusto ko lang pahirapan ang sarili ko.

Pero di ba? Wala namang ibig sabihin ‘yan. Nagpasalamat ako. Tapos drumama ka na nahihilo ka. Kinailangan ko pang mag-sorry, grabe talaga! Kahit di ko naman kasalanang feeling knight-in-shining-armor ka. Ayun, simula noon, tinutukso na tayo lagi. May “sparks” raw. Pinaparinggan ako ng friends mo. Bagay raw tayo. Juice colored.

“Hindi mo lang alam…”

Pero kasi… papansin ka rin. Lagi kang lumalapit. Tulad ng pila sa flag ceremony. ‘Di ba pag matangkad nasa likod? Pero ipinipilit mo yung sarili mo dun sa gitna. Mga dalawang tao na lang katapat na kita. Paglingon ko sa kaliwa, mukha mo. Lilingon naman ako sa kanan, nandun pa rin mukha mo. Ano ka ba? Pag lunch naman, dun pa talaga kayo maglalaro ng mga kaibigan mo sa bandang likod ng upuan ko. Pero di mo naman ako kinakausap so baka feeler lang ako. Baka dati ka nang ganyan, di ko lang napapansin.

Kaso text ka na rin nang text. Nung una puro Gm. “*insert quote here* Good morning/noon/night.” Hanggang naging “Hi. :)” tapos “Anong hw?” tapos mga tanong kagaya ng “Pwede bang ma-late sa practice?” kahit di naman ako leader at wala naman akong karapatang mag-decide.

Pero kahit di ko masyadong iniintindi yung mga text mo at halos mawala na yung itim ng mata ko sa kaiirap pag tinutukso tayo ng mga friends mo, ayan ka pa rin. May awareness pa rin ako sa presence mo. Lalo na nung nahiya ang 9am call time sa pagdating mo ng 7am nung group meeting para sa Econ project. Kahit hindi ka namin groupmate.

“Hanggang sa gabi, inaasam makita kang muli…”

So sige. Binawas-bawasan ko ang taray. Nag-reply-reply rin ako pag may time. Masaya ka naman pala ka-text. Napapadalas ang ngiti ko at ang napapalakas ang tawa ko sa mga kwento at pambobola mo. Hanggang sa inaasahan ko na ang hi, hello, good night, kita tayo bukas. Naghihintay na ako.

Di na ako maka-concentrate minsan kache-check ng phone ko kung may message ka na. May times na gusto ko nang ako ang maunang mag-text, minsan na-type ko na yung message pero di ko sinesend. Nandun na yung daliri ko sa SEND. Isang pindot na lang. Tapos biglang, STOP! Then DELETE! Nahihiya ako. Tsaka baka kasi isipin mo na may something na para sa‘kin.

Pangako ko kasi talaga sa sarili ko (at sa nanay ko) na kahit pa nasabi na yata sa‘kin ng lahat ng kaibigan mo, hindi ko iisipin na may something hangga’t hindi ikaw ang nagsasabi sa ‘kin.

Pero, by this time, too late na yata. Kasi kinikilig na ako. Kasi gusto na kita. At alam ko, nararamdaman ko na may katotohanan yung sinasabi nila na gusto mo ako. Hinihintay ko na lang na sabihin mo para mapag-usapan natin kung ano man ‘to.

So ganyan tayo. Akala ko okay tayo diyan. Na catch mo at catch ko. Kung ano man ‘yan.

“Nagtapos ang lahat sa di inaasahang panahon…”

Perooooooo… parang dalawang linggo lang yata akong medyo missing in action (dahil bukod sa tambak ang requirements, nalabhan ni yaya ang phone ko), may iba nang parinig sa akin! May mga iba ka raw tinetext. MGA. Yung mga lower batch na may crush sa’yo, yung mga kalabtim mo nung elem na tinothrowback Thursday sa’yo… Aba naman! Hindi naman ako na-inform na chickboy pala ang peg mo! Hindi kasi halata… hindi talaga.

Hindi naman ako basta naniwala. Lagi ka naman kasing pinagtitripan. Convincing rin naman ang pagkasabi mo ng, “Hoy! ‘Di ah!” Tsaka nung nagka-text tayo ulit, ganun ka pa rin naman. Masaya. Makuwento. Walang pinagbago. Nakalma naman ako. At na-guilty rin kasi hindi kita narereplyan. O, sabihin nang hindi kita nirereplayan.

Ang kaso ano tong nagaganap na pakikipag-usap mo sa personal dun sa MGA sinasabi nila? Samantalang tayo smile, hi, goodbye, kaway at minsan nga tingin lang. Kapag usapan natin sa personal, matagal na yata ‘yung isang minuto. Kayo may biruan, may kulitan at harutan pa. Habang nandoon ako ha. May pa-picture pang nakaakbay. Couple pic?!?!?!

Pero ang mas nakakainis yung tinetext mo ko na parang walang nangyayaring ganyan. Na parang ako lang ang ka-text mo kahit hindi naman.

Nasaan na diyan ang sinasabi nilang lahat na ako ang gusto mo? O ganyan ba ang gusto mo? Yung hindi ka na mahihirapan? Yung ikaw ang lalapitan at sasabihin sa’yong type ka nila? Sorry ha. Pero kahit sinasabi ng marami na okay lang ngayon na girls ang gumawa ng first move, hinding-hindi ko ‘yan gagawin.

Yan. Kaya naiinis ako sa’yo. Inis na iniiiiiiiis.

“At ngayon ako’y iyong iniwan… luhaan, sugatan, di mapakinabangan…”

Ang gulo gulo mo. Sobra. Ano ba talaga, sino ba talaga ang gusto mo? Nakakaasar kasi ginulo mo ang isip ko. Iniisip ko ‘yung mga hindi ko naman dapat iniintindi. Yung mga wala naman akong dapat na pakialam. Tapos feeling ko, wala ka talagang idea. Walang kaalam-alam. Nganga. Tunganga. Hindi mo alam na nagmukha akong ewan. Na masakit ng slight, joke, ng so much on my part.

O baka naman kasalanan ko rin. Baka wala naman kasi talaga. Naniwala lang ako agad sa mga kaibigan mo. Binigyan ko lang ng malisya yung pagtetext mo. Assume pa, more.

Kaya pinakanaiinis ako sa sarili ko. So bago pa ko tuluyang mabaon sa hukay na ‘to (wow), tigil na. Mahirap na, baka ang ending ako pa ang brokenhearted. Erase. Undo. Go back to the start.

“Sana’y nagtanong ka lang kung di mo lang alam…”

Gayunpaman, hindi ko idedeny na wish ko pa rin na maitanong mo kahit sa sarili mo lang kung bakit ako lalayo o lumalayo, unti-unti, yung simpleng iwas lang. Wish kong maisip mo, ma-realize mong kaya ako lalayo ay dahil nasaktan ako at ayokong masaktan pang lalo. Wish kong mag-eeffort kang maging maayos. Na kakausapin mo ako para malinawan tayong pareho. Ano ba talagang meron sa atin?

Pero mukhang malabo. Feeling ko o baka naman iniisip mo lang na ayaw ko talaga sa’yo. Sabagay, ‘yun naman ang pinipilit kong gawin. Kaso, hindi ganon kadali kahit magpanggap ako. Hay. Nasabi ko na bang nakakainis ka? Kasi nakakainis ka talaga.

Sa ngayon, itatago ko muna sa pinakailalim ng puso ko at sa pinakadulo ng utak ko ang maliit na pag-asang magkakalinawan tayo. Para kung sakaling dumating na ‘yung panahon na maisip mo at mapatunayan mong ako pala talaga, tayo pala talaga… kukunin ko yan, panghahawakan, at di na bibitawan.

“Ako’y ‘yong nasaktan… baka sakali lang maisip mo naman…”

ITUTULOY.

/ni Bella Swan

*Inspired by Up Dharma Down’s Oo

You Might Also Like

0 comments: