deobi,

Literary: Walang Preno

4/28/2021 05:31:00 PM Media Center 0 Comments

 


Wala naman sa karera
Ngunit tuloy-tuloy lang ang pagtakbo
Lumalagpas na sa itinakdang bilis,
Tila sasakyang walang preno

Sa kaliwa’t kanan susulpot mga alaalang nawaglit
Sa maliit na salamin magbabalik ang nakaraan
Maging mabubuting alaala’y
Kasama ng mga pangyayaring tila nais kalimutan

Hindi man aminin, nais mo itong balikan
Ngayo’y iminulat mo ang mga mata
Walang kakurap-kurap, nakatitig sa kawalan
Hinahanap ang mga sagot sa iyong katanungan.

Isasakripisyo ko ba ang makarating sa paroroonan,
Para lamang umikot at mabalikan ang nakaraan?
Ano ba talaga ang bagay na aking inaasamsam?
Balikan ang nakaraan, o ang mga damdaming aking naramdaman?

Tatlong kilometro bago ang U-turn,
Naririnig ko na ang hiyaw ng mga kakampi,
Sigawan ng mga manonood at hampas sa tambol,
Simbilis ng palitan ng bola ang tibok ng puso sa bawat puntos na hinahabol.

Dalawang kilometro bago lumipat ng lane
Nadarama ko na ang mainit na pagsalubong
Ang yakap ng tahanang piniling iwan
Tila pahinga pagkatapos ng matinding laban.

Isang kilometro mula sa likuan
Nagbabadyang bumalik ang bigat ng pakiramdam
Sa tuwing makakakita ng markang mas mababa sa inaasahan
Niyayakap ako ng takot at animo’y pasan ang sangkatauhan.

Limandaang metro mula sa U-turn,
Mukhang desidido na nga talaga,
Isandaang metro pa
Teka, bakit ang desisyon ay nag-iba?

Nakaligtaan ang matagal na ninanais
Napagtantong kakabit ng tamis ang pait
Ngayong mulat na mga mata
Sa diretsong kalsada nakatitig na.

Pasilip-silip sa salamin upang balikan ang dating nararamdaman
Ngunit hindi tititig at papalunod sa nakaraan
Ibabalik kaagad ang tingin sa daang wala nang likuan
Upang hindi maligaw at mamali ng destinasyong pupuntahan.

You Might Also Like

0 comments: