english,
Literary: Para Sa Aking Nakaraan
Para sa aking nakaraan,
Marahil ay nagtataka ka kung sinong nagpadala nito at hindi mo rin paniniwalaan ang mga sasabihin ko ngunit mabuti na ring aking sinubukan. Ako ay ikaw sa hinaharap. Kung tama ang aking kalkulasyon, dapat ay matatanggap mo ito sa ika-6 ng Marso, taong 2020, ang huling araw na malaya ka pang gawin ang lahat. Mula bukas ay malaki na ang mga pagbabagong haharapin mo ngunit hindi ako maaaring magsabi ng kahit na anong detalye.
Alam kong nag-aalinlangan ka ngayon dahil kung tunay ngang ako ay ikaw, masusing mga panuto dapat ang nakasaad dito dahil sigurista kang tao. Subalit, kung gagawin ko iyon ay hindi ako kailanman mabubuo. Ang prosesong pagdadaanan mo ang magpapahusay at magpapatibay sa’yo upang maabot ang posisyon ko ngayon kaya hangga’t maaari ay wala sanang pagbabagong maidulot ang sulat na ito sa mga gagawin mo sa hinaharap. Ang tanging dahilan ng paghatid ko ng mensaheng ito ay mayroon lang sana akong isang pakiusap sa’yo.
Pilitin mong tandaan ang mukha ng iyong mga kaibigan, kaklase, at mga malalapit na tao sa iyong puso. Tandaan mo kung paano sila ngumiti sa’yo, ang kanilang hagikgik sa tuwing ika’y nagbibiro, mapanudyong boses tuwing inaasar ka nila, at ang paraan ng kanilang paglalakad tuwing ika’y kanilang kasama. Pahalagahan mo ang lahat ng maliliit na bagay na nagpapaalala sa’yo kung sino sila at huwag na huwag mo itong kalilimutan. Iyan ang hindi ko nagawa noon na sana’y magawa mo upang hindi mo pagsisihan kalaunan.
Siguro’y nababalot ka na ng takot dahil sa aking mga nabanggit. Huwag kang mag-alala, hindi ka pa mamamatay. Mahaba pa ang iyong tatahaking landas at tiyak na may mga panahong panghihinaan ka ng loob ngunit alam kong hindi ka susuko. Lahat ng iyong mararanasan ay naranasan ko na at naniniwala akong kaya mo. Tatagan mo ang iyong loob at patuloy na harapin ang kinabukasan ng bawat araw.
Kung iniisip mo na kaya ko nasasabi ang mga ito ay dahil nalagpasan ko na ang lahat ng pagsubok na ating kahaharapin, nagkakamali ka. Katulad mo, ako ay nasa proseso pa rin ng pagharap sa mga hamon na hatid ng buhay ngunit masasabi ko naman na ako’y maligaya sa aking kasalukuyang sitwasyon. Hindi pa man bumabalik ang lahat sa dating kalagayan natin noon, hindi kailanman mawawala ang aking pag-asa na balang araw ay masisilayan nating muli ang liwanag na taglay ng mukha ng mga taong mahahalaga sa atin.
Bilang pagtatapos, ito lang ang aking huling paalala sa’yo. Lagi mong panghawakan na mas mabuti nang nagtapos ang masasayang araw kaysa hindi ito nangyari kailanman. Kasama talaga sa buhay ang mga hangganan ngunit mahalaga na huwag mong kalimutan ang mga nakasama mo sa paglalakbay patungo rito. Kayanin mo para sa sarili mo at para sa kanila. Kung susuko ka agad, hindi mo ako maaabutan. Sana hindi ito ang huli nating pag-uusap.
Nagmamahal,
Iyong hinaharap
0 comments: