filipino,
Literary: Maikling pasabi para sa mga nagkamali
Kung binabasa mo ‘to ngayon ay tiyak na isa ka ring taong nagkamali tulad ko – may mga pagkukulang, panghihinayang, at gustong ulitin mula sa nakaraan. Sigurado akong marami na ring bagay ang umiikot ngayon sa isip mo ngunit ang masasabi ko lamang ay itigil na natin ‘to. Itigil na natin ang pagbibilang ng ating mga pagkukulang. Itigil na natin ang pananatili sa hukay ng mga panghihinayang. Itigil na natin ang pagsubok na ibalik pa ang mga tapos na. Ngayon, ano ang mas nararapat nating gawing dalawa? Matuto. Matuto mula sa mga ito.
Poot ng nakaraan? Maibabaon ko ‘yan. Nadapa ako noon? Tatayo ako ngayon. Nagsisisi ako? Babawi ako. Maibabalik pa ba ang mga nangyari sa nakaraan? Hindi na, ngunit paghuhugutan ko lahat ng ‘yon ng lakas para makasabay sa kasalukuyang agos ng buhay. Ulitin mo.
Poot ng nakaraan? Maibabaon ko ‘yan.
Nadapa ako noon? Tatayo ako ngayon.
Nagsisisi ako? Babawi ako.
Maibabalik pa ba ang mga nangyari sa nakaraan? Hindi na, ngunit paghuhugutan ko lahat ng ‘yon ng lakas para makasabay sa kasalukuyang agos ng buhay.
Naniniwala ako sa’yo. Naniniwala ako sa mga sinabi mo. Tunay na hindi dapat tayo magpaiwan dahil hindi tayo hihintayin ng oras at panahon. Kung may gusto man tayong balikan upang ayusin at baguhin ay hindi na rin natin maisasakatuparan pa dahil ganap nang wala ang mga ‘yon. Ang tanging magagawa na lamang natin ngayo’y harapin ang kasalukuyan at iwasang maulit muli ang mga pagkakamali ng nakaraan. Ngunit paalala, ang pagkakamali ay isang siklong walang katapusan, gano’n din ang pagkatuto. Kaya sa susunod na magkaroon ka ng mga panibagong pagkakamali ay huwag matakot. Alalahanin mo lang ang mga sinabi mo kanina upang makasabay ka ulit sa agos. Itatak mo rin sa iyong isipan na hindi ka nag-iisa. May kasama ka sa paglalakbay ng buhay na ‘to at naniniwala ako na sabay nating mapagtatagumpayan ito.
0 comments: