Binibining Marikit,

Literary: Maalala mo kaya

4/28/2021 06:55:00 PM Media Center 0 Comments





Naaalala mo ba no’ng lagi tayong nasasaraduhan
ng pinto sa umaga?
Sabay na pumipila kapag may flag cem
tapos lima lang tayo sa linya?


Naaalala mo bang pagkatapos no’n eh
nasa klasrum na dapat tayo?
Pupunta raw sa banyo ngunit ang totoo,
may gusto kang madaanang seksyon, ano?


Naaalala mo ba ‘yong excitement kasi
may bagong seating arrangement?
Aayusin ang bag at tatayo muna sa harapan.
Dati, nang tawagin ang pangalan, napabulong sa sarili ng “dito na naman?”

Naaalala mo ba ang mga gurong
para na rin nating mga nanay at tatay?
Madaling lapitan at sabihan ng mga pinagdadaanan sa buhay,
Istrikto kapag nagtatalakay kaya ‘pag maingay, ay nako, patay!


Naaalala mo ba na tumatabi ako sa’yo tuwing magsusulat ng notes?
Dahan-dahang lilipat kapag magka-count off dahil may pangkatang gawain.
Palihim na bibilangin ang mga upuan para alam kung anong numero na ba ang babanggitin.
Kaya nang sabihing number three ka, sakto ako rin!


Naaalala mo ba na magkagrupo din tayo sa eksperiment sa chemistry?
Pupunta tayo sa likod ng klasrum, magsusuot ng goggles at apron (pipili pa ‘yan kung berde o pula).
Mangingialam sa grupo ng iba, magtataka,
“Bakit yung sa atin, ‘di gumagana?”


Naaalala mo ba kapag nasa sabjek naman tayo na bago magtanghali?
Patagong o-order ng pagkain sa Grab o Foodpanda
tapos aalukin ang iba, ang tapang nating seksyon;
pati ba naman si Ma’am inaya.


Naaalala mo ba si Bebot, ‘yong klasmeyt nating laging tulog?
Minsan magpapalakpakan, tapos siya’y magugulat,
magpapanggap na nagdadasal lamang
o kaya magsisipag-alis ang lahat para siya lang ang maiwan.


Naaalala mo ba tuwing naghihintay tayo sa labas ng klasrum
bago matapos ‘yong klase sa loob?
Kinakawayan, binibidyohan, binubuksan pa ang pintuan
Pagkatapos ay magtatanungan, “Anong ginawa ninyo? ‘Yong quiz ba mahirap sagutan?”


Naaalala mo ba ang mga bluebook na ikaw
lagi ang pinagdi-distribute?
Maglalakad-lakad sa klasrum, ‘di pwedeng tingnan ang score ng iba,
“Asan si Perez? Absent ba siya?”


Naaalala mo ba noong wala kang nadalang calculator,
triangle, modyul, o iba pang pinadalang materyales?
Kakatok sa ibang seksyon para manghiram muna
“Ibalik mo agad ah, gagamitin ko din ‘yan mamaya.”


Naaalala mo ba ang mga biglaang earthquake drill
sa mga ‘di inaasahang oras?
Todo isip ka sa pagsusulit tapos may tutunog bigla nang malakas.
Ipagpapatuloy ba ang pagsagot o magdu-duck, cover, and hold sabay pila sa labas?


Naaalala mo ba kapag nasa mga sabjek na pagkatapos ng lunch?
Sadyang dadalawin ng antok kaya nagsisipagyuko na ang iba.
Kung nakaupo man nang maayos ay nakapikit naman ang mata, umuuguy-ugoy pa.
Mapapatanong ka na lang talaga sa katabi mo kung time na ba.


Naaalala mo ba tuwing lumilipat tayo ng silid,
nadadaanan natin yung drinking fountain?
Sa sobrang baba ng tubig halos mahalikan na ito.
Minsan nama’y lagpas-lagpas o kahit ‘di apaka’y may lumalabas akala mo tuloy ika’y minumulto.


Naaalala mo ba ang iba’t ibang sulok sa paaralan?
Ang sigla ng gym, ang preskong hangin sa balcony,
ang samu’t saring kwentuhan sa canteen, ang himbing ng tulog kapag nasa library,
ang mga palusot natin para magpalamig sa auditorium, AVR, o faculty?


Naaalala mo ba ang kaginhawaan sa quad, ang madalas niyong upuang stone bench,
ang huling paalam mo kay Kuya Guard, ang bahay ni klasmeyt tuwing may pagkikita,
ang mga pagpupulong sa UP Town Center,
Vinzons, at Science Complex?


Hindi ko maibabalik ang nakaraan at hindi ko nakikita ang kinabukasan.
Ngunit nais kong muling maranasan
ang mga alaalang nag-iwan ng marka at ngiti sa aking mga labi
kahit malabo na itong mangyari.


Patuloy na tumatakbo ang oras,
huwag sanang sa harap ng screen magwakas
dahil nais pa kitang makasama
bago tayo mag-iba ng landas.




You Might Also Like

0 comments: