filipino,

Literary: Ligaw

4/28/2021 05:28:00 PM Media Center 0 Comments





Sa gitna ng kagubatan ako inabutan
Ng paglubog ng araw at pag-akyat ng buwan
Pagod na ang mga paa, pawis ay tumutulo,
Hindi alam ang gagawin, hindi alam saan tutungo.

Ako’y huminto, nagpahinga sandali,
Nagnilay-nilay kung saan ako nagkamali
Marahil kung ako’y nanigurado at naging maalam sa direksyon,
Wala sana ako rito at nakabalik na ako ngayon.

Subalit kung ang pagkaligaw ay hindi ko naranasan,
At samu’t saring emosyon na dulot nito ay hindi ko naramdaman,
Hindi ba’t mawawalan din ng saysay ang aking paglalakbay,
Kung sa aking pag-uwi ay wala akong bagong kwentong maisasalaysay?

Ngayon ay aking napagtanto,
Bigyan man ako ng pagkakataong ang mga nangyari ay mabago,
Pipiliin ko pa rin ang maging isang ligaw,
Ligaw na natutong maglakad sa dilim kahit dulo ay hindi niya matanaw.

Huminga ako nang malalim at humakbang muli,
Pinilit na umabante habang bumubulong sa sarili
“Malapit na, kaunting tiis pa,”
Takot at kaba ay hindi ko na alintana.

Sa aking pagpapatuloy ay may bigla akong nakitang liwanag,
Tila sa isang tao ito nagmumula ngunit hindi ko gaano maaninag.
Kagaya ko rin kaya siya na hindi makabalik?
Lumapit ako’t umaasang sa aking mga pinagdaanan ay handa siyang makinig.


You Might Also Like

0 comments: