Holabels,

Literary: Lakbay-oras

4/28/2021 05:45:00 PM Media Center 0 Comments




Mayroon akong sikreto, at ako lamang ang nakakaalam nito. Ako ay may kakayahang maglakbay sa oras. Simula pagkabata pa lamang ay ginagawa ko na ito; mahilig akong bumalik-balik sa aking nakaraan. Kasabay ng paglubog ng araw ang paglusong ng isipan sa kalawakan.

Minsan ay bumabalik ako sa mga panahong masaya at matiwasay ang lahat: ang aking kabataan. Ito ang mga panahon kung kailan tumatakbo ako sa palaruan na tila hinaharap ang mundo nang walang takot at pangamba. Ako ay malaya sa mga mapanghusgang mata ng lipunan at tanging kaligayahan lamang ang inuuna. O’ kay saya nga naman talagang maging bata. Dito ay napabubuntong-hininga na lamang ako habang pinagmamasdan ang sarili na sinusulit ang pagiging inosente.

Matapos ang masayang paglalakbay sa aking kabataan, tumungo ako sa aking kinabukasan. Sa yugtong ito ng aking buhay, walang kasiguraduhan. Maraming bersyon ng aking sarili ang aking nakikita: Nariyang ako si “Ako” na masigla at masayang sinusulit ang bawat segundo ng buhay. May pamilya, trabaho, at maginhawang paraan ng pamumuhay. Siya ang paborito kong bisitahin sapagkat siya ay nagbibigay ng ginhawa sa aking dibdib sa tuwing nasisilayan ko ang kaniyang mga ngiti. Sa kabilang banda, nariyang ako si “Ako 2.0” na matamlay at malumbay na ginagawa ang kaniyang pang-araw-araw na gawain. Na sa isang kurap lamang ng kaniyang mga mata ay dama mo na ang bigat ng mga talukap nito. Ilan lamang ito sa mga nakikita kong bersyon ng aking sarili. Nakakatakot, nakapanghihinayang, at nakakapangamba. Sa ngayon, ayaw ko na munang isipin ang aking kinabukasan. Ayokong alamin kung saan ako nagkamali o kung anong desisyon ang tama sapagkat walang kasiguraduhan ang lahat.

Minsan iniisip ko, bakit nga binabalikan pa natin ang nakaraan kung ang tanging makikita lamang natin ay saya at tuwang di na maramdaman sa kasalukuyan? Kung ang nakaraan ay puno ng kapaitan? Naisip ko, hindi maiiwasan ang paglalakbay ng isipan sa nakaraan lalo pa't sa nakaraang alaala’y mayroon kang matututuhan. Mga karanasan na nagbigay-aral at leksyon sa atin na magagamit natin sa bawat landas na ating tatahakin. Gayon din sa hinaharap, bakit nga ba tayo patuloy na aasa sa isang bagay na walang kasiguruhan kung ito’y magaganap o pangarap lamang? Napagtanto ko, ang mga ito ang magsisilbing gabay, motibasyon, at lakas natin upang patuloy na tumungo sa hinaharap. Ang mga ito ang ating kakapitan sa panahon ng paghihirap at ang magiging rason sa pagkamit ng ating mga pangarap.

Matapos ang mahabang paglalakbay sa iba’t ibang panahon, bumabalik pa rin ako sa kasalukuyan sapagkat ito ang aking mundo. Ito ang rason ng aking pag-iral; ang bisitahin ang mga malulungkot at masasayang araw na humubog sa aking pagkatao, matuto, at harapin ang kinabukasan nang walang pangamba. Sa totoo lang, lahat tayo ay may kakayahang maglakbay sa oras. Nagagawa natin ito nang hindi natin namamalayan, oo, lahat tayo. Maaaring sa simpleng pagmumuni-muni sa banyo, sa ating mga panaginip, o sa tuwing tayo ay napapalingon sa ating kisame. Ito ang aking sikreto sa aking pang-araw-araw na buhay: ang pagtanggap sa nakaraan, ang pagpapatuloy nang walang pagsisisi, at ang pagyakap sa mga pagbabagong ating haharapin. Para sa’kin, ito ang tunay na diwa ng ating buhay.

You Might Also Like

0 comments: