ah ok,

Literary: Nais na Muling Mabuhay

4/28/2021 05:25:00 PM Media Center 0 Comments




Ang mamatay at mabuhay
Sa iisang habambuhay.
Ang pagkabuhay ay ang makaramdam
Ng mga ekstraordinaryong bagay,
Tulad ng pagsalubong sa bukang-liwayway
At makita ang langit na puno ng kulay.
Lalabas ng bahay upang mamuhay,
Makikipagkita sa mga kaibigan, magyayakapan
Hanggang dapit-hapon at umahon ang buwan.
Uuwi na muli, sa bahay, sa tahanan.
Magpapahinga hanggang sa pagbangon kinabukasan.
Kahit ang mga simpleng bagay,
Malaki ang kahulugan
Sapagkat habang may buhay,
May nararamdaman.

Ang pagkamatay ay ang kawalan ng pakiramdam,
Lahat ng bagay ay tila pangkaraniwan.
Ang dating makulay na kalangitan,
Itim at puti na lang ang namamasdan.
Hindi makalabas sa kabaong na bahay,
Walang kaibigan, sarili’y kaaway.
Darating ang dapit-hapon
At hindi ang bukang liwayway—
Lahat ay wala nang kahulugan,
Ang isang bagay ay simpleng bagay na lamang,
Wala nang lalim ni kahulugan.
tulad ng sa isang patay,
Wala nang buhay.

Nais nang muling mabuhay,
Hindi mapigil itong pananabik.
Ang makitang muli ang pagsikat ng araw,
At ang mga kulay ng langit,
Hindi lang puro itim at puti.
Nais na muling maramdaman,
Yakap ng mga kaibigan,
Upang ako’y kanilang matulungan
At nang pakikipagtunggali sa sarili’y matigilan.
Nais nang malaman
Na pagkatapos ng dapit-hapon
At pagsikat ng buwan,
Ay may sasalubong na bukang-liwayway
At ang aking muling pagkabuhay.

You Might Also Like

0 comments: