filipino,

Literary: Mother's Love

4/28/2021 06:09:00 PM Media Center 1 Comments




Kung mayroon akong pagkakataong makabalik sa isang panahon, pipiliin kong bumalik sa panahong nakapaglalaro pa ako sa labas ng bahay ng piko, ten-twenty, patintero, luksong tinik, at iba pa kasama ng kaibigan ko. Pinili ko ito dahil, masaya. Walang masyadong takdang-aralin na inaasikaso, nakatutulog nang maaga, walang iniisip hanggang madaling araw, nakatatanggapng magagandang salita o mga regalo, at walang stress, depression, at anxiety na nararamdaman.


Ngunit hindi lang ‘yan ang dahilan kung bakit gusto kong bumalik sa panahong ‘yon. Nais ko rin sanang makapagpasalamat sa aking ina noong nasa ibang bansa pa siya. Gusto kong bumalik para mapasalamatan ko siya sa lahat ng ginawa niya para sa amin at dahil hindi ko rin naiisip na araw-araw, tatlo hanggang apat ang trabaho niya sa isang linggo. Hindi ko man lang naisip na pasayahin siya para ganahan siya sa pagtatrabaho at para mabawasan ang lungkot at pagod na kanyang nararamdaman dahil nami-miss niya kami dahil sa salungat na oras at bihira naming pagkikita.


Naiinis ako sa sarili ko ngayon dahil bihira ko lamang sabihin sa kanya noon na mahal na mahal ko siya. Sana’y naramdaman ng aking ina na hindi siya mag-isa at mayroon pa ring nagmamahal sa kanya. Nagsisisi ako dahil sana binigyan ko siya ng oras upang makapag-usap kami kasama ang aking kapatid at makapagkwentuhan tungkol sa mga nangyari sa araw namin para hindi na siya nag-aalala para sa aming dalawa. Nakakainis din na lagi kong inaabangan ang pagdating ng balikbayan box pero hindi ko man lang naisip ang paghihirap na dinanas niya upang mabili ang mga inaabangan kong pasalubong. Hindi ko rin naisip na inaabangan pala niya ang salitang ‘salamat’ kahit sa Messenger lamang.


Kaya ngayon, puno ako ng pagsisisi. Sana’y pinagtuunan ko ng pansin ang mga homework ko upang maipagmalaki niyang mataas ang mga grado ng kanyang anak. Sana'y napagaan ko pa ang kanyang pakiramdam sa pamamagitan ng pagpapakitang nakakapag-aral kami nang maayos. Sana pala hindi na ako nagpabili ng maraming gamit para hindi na siya nahirapang pagtrabahuhan ang mga gastusin sa bahay pati sa pag-aaral namin. Sana nag-isip ako nang mabuti at gumawa ako ng paraan para mapasaya ang aking ina upang hindi siya ma-stress, ma-depress, at makaramdam ng anxiety. Sana natulungan ko siyang maging matatag at sana kasama niya kami roon sa ibang bansa nang sa gayon, kahit sandaling panahon ay magkasama-sama kaming muli.


Inaamin kong hanggang ngayon, dala ng hiya, hindi ko pa rin siya napasasalamatan para sa mga paghihirap at pagtitiis na kanyang dinanas para kami'y buhayin kahit pa napalayo siya sa amin. Pero alam ko sa sarili ko na lahat ng ginagawa ko ngayon ay para sa kanya. Ibibigay ko rin ang lahat ng aking makakaya upang mapasaya siya nang hindi niya na muling maranasan ang buhay na dinanas niya noon. Gagawin ko ang lahat upang mapagaan ang kanyang loob at nang maramdaman niya ang pasasalamat ko sa kanya.

Ma, kasama mo na ‘kong lalaban. Kaya natin ‘to.

You Might Also Like

1 comment: